You are on page 1of 1

WIGAN AT BUGAN

(Magkatabing naka-upo sina Wigan at Bugan)


Bugan : Hayy, ano pa ang saysay ng buhay? (nag-buntong-hininga) Hindi man lang tayo magkaroon ng anak.
Mukhang hindi pinakikinggan ng mga diyos ang ating mga panalangin!
Wigan : Oo, tama ka! Pero sa ngayon, mag-momma muna tayo at saka natin isipin kung ano ang dapat nating
gawin.
(nag-momma)
Bugan : (Magdadalawang-isip kung tatayo o hindi) Dito ka lang, Wigan, pupuntahan ko ang mga diyos na sina
Ngilin, Bumabbaker, Bolang at ang diyos ng mga hayop. (tatayo at aalis)
Narrator : Sinimulan ni Bugan ang kaniyang paglalakbay. Pumunta siya sa Ibyong, dumaan sa Poitan at
nagtungo siya sa Silangan papuntang Nahbah, Baninan. Tumawid siya sa Ilog ng Kinakin at narating niya ang
lawa sa Ayangan. Doon, nakakita siya ng isang igat sa lawa.
Igat : Saan ka pupunta Bugan?
Bugan : Pupunta ako ng Silangan para maghanap ng lalamon sa akin, sapagkat hindi kami magkaroon ng
anak ni Wigan.
Igat : (tumawa) Huwag kang malungkot Bugan. Sige magtungo ka sa Silangan at makipagkita ka sa mga
diyos.
Narrator : Ipinagpatuloy ni Bugan ang kaniyang paglalakbay patungo sa lugar ng mga diyos. Narating niya ang
lawa sa Lagud at Nakita niya roon ang isang buwaya.
Buwaya : Tao bakit ka naririto?
Bugan : Ako si Bugan ng Kiyangan at naghahanap ako ng lalamon sa akin sapagkat wala kaming anak ng
aking asawa.
Buwaya : Hindi kita maaaring kainin sapagkat napakaganda mo.
Narrator : Muling ipinagpatuloy ni Bugan ang kaniyang paglalakbay at nakarating siya sa tahanan ng
pinakakinakatakutang pating. Nilabanan niya ang kaniyang takot at hinarap ang pating.
Bugan : Pakiusap, kainin mo na ako. Kaming mag-asawa ay walang anak. Ayaw ko nang mabuhay pa kung
hindi ako magkakaroon ng anak.
Pating : Isang malaking kahihiyan kapag kinain kita. Napakaganda mo. Halika muna sa aking tahanan at
kumain, bago mo ipagpatuloy ang iyong paglalakbay.
(Umalis ang dalawa at pumunta sa tahanan ng pating.)
Narrator : Pagkatapos saluhan ang pating sa hapag-kainan, muling naglakad patungong silangan si Bugan.
Narating na niya ang tahanan ng mga diyos. Labis siyang napagod kaya humiga siya sa lusong na nasa labas
ng bahay. Doon hinintay niya ang mga diyos.
Bumabbaker : May naaamoy akong tao. (lumabas ng bahay) Anong ginagawa mo dito Bugan?
Bugan : Nako, nagpunta ako rito upang mamatay, sapagkat hindi parin kami nagkakaroon ng anak ni Wigan
pagkalipas ng ilang taon.
Bumabbaker : Kahibangan! (tumawa) Halika, hanapin natin si Ngilin at kung nasaan pa ang iba.
Narrator : Nalugod ang mga diyos na makita si Bugan. Nagbigay sila ng regalong baboy, manok at kalabaw.
Bumabbaker : Sasama kami sa iyo pabalik sa kiyangan. Doon ka naming tuturuan ng ritwal na Bu-ad upang
mabiyayaan ka ng mga anak, masaganang ani at pamumuhay.
Narrator : Inihatid ng mga diyos si Bugan kay Wigan. Tinuruan nila ang mag-asawa ng ritwal at isinagawa nila
ito.
Wigan : Salamat po!
Bugan : Maraming maraming salamat po!
Narrator : Pagkalipas ng ilang buwan, walang mapagsisidlan ng kaligayahan ang mag-asawa dahil sa buhay
na tumitibok sa sinapupunan ni Bugan. At dito na nagwawakas ang mitong Nagkaroon ng Anak sina Wigan at
Bugan.