You are on page 1of 10

1 Timoteo 4:12 RTPV05

12Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan.


Sa halip, sikapin mong maging halimbawa sa mga mananampalataya,
sa iyong pagsasalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis
na pamumuhay.

Aral ng Biblia para sa mga Kabataan


Maraming mga taon ang lumipas, ang mundo ay kinakitaan ng kakaibang ugali lalo na
sa mga kabataan. Isa sa mga ugaling nakikita lalo na sa kasalukuyan ay ang pag-ibig sa
sarili o ang pagiging makasarili. Importante din naman na mahalin natin ang ating mga
sarili, pero kung sobrang pagmamahal na sa sarili, hindi na ito makakabuti.

Saan man tingnan, mayroong depekto sa kultura ng maraming mga kabataan. Ang
ugaling “ako muna” ay nagpasalin-salin mula pa noon hanggang sa ngayon. Bukod dito,
isa sa itinuturo ng kulturang ito ay ang kaisipan na kapag nasa kabataan ay pagkakataon
upang magpakasaya ng husto, at ang pagseseryoso ay para lamang sa mga matatanda o
sa mga magulang. Kaya ang kaisipan nila, habang nasa kabataan ay dapat magpakasaya
dahil sa pagtanda ay panahon para magtrabaho at magseryoso sa buhay.
Kung sasaliksikin ang Biblia, si Haring Solomon ay masyadong interesado tungkol sa
maraming mga tanong ng buhay. Naging uhaw si Solomon upang saliksikin at unawain
ang mga kadahilan tungkol sa lahat ng may kinalaman sa ating mga tao, ang gawi, kilos,
ugali, salita, isip, pang-unawa at iba pa. At base sa kaniyang naging pag-aaral at
konklusyon, bumangon ang maraming kawikaan na hanggang sa panahong ito ay
pinagkukunan ng unawa at katuruan.

Pansinin natin ang pahayag sa Ecclesiastes 11:9-10; 12:1,

Ecc 11:9 Ikaw ay magalak, Oh binata, sa iyong kabataan: at pasayahin ka ng


iyong puso sa mga kaarawan ng iyong kabataan, at lumakad ka ng mga
lakad ng iyong kalooban, at sa paningin ng iyong mga mata:nguni’t talastasin mo
na dahil sa lahat ng mga bagay na ito ay dadalhin ka ng Dios sa
kahatulan. Ecc 11:10 Kaya’t ilayo mo ang kapanglawan sa iyong puso, at alisin mo
ang kasamaan sa iyong katawan: sapagka’t ang kabataan at ang kasariwaan ng
buhay ay walang kabuluhan.
Ecc 12:1 Alalahanin mo rin naman ang Maylalang sa iyo sa mga kaarawan
ng iyong kabataan, bago dumating ang mga masamang araw, at ang mga taon ay
lumapit, pagka iyong sasabihin, Wala akong kaluguran sa mga yaon;
Sa umpisa, aakalain natin na si Solomon ay pabor sa mga taong ang kaisipan ay dapat
maglumagak ang puso ng mga kabataan sa mga pagsasaya. Subalit natalos natin na ang
karunungan ni Solomon sapagkat sa huling bahagi ay kaniyang sinabi, nguni’t
talastasin mo na dahil sa lahat ng mga bagay na ito ay dadalhin ka ng
Dios sa kahatulan.
Tama, sinabi nga ni Solomon na magpakasaya ang isang kabataan, gawin ang anumang
naisin, pero dapat mag-ingat din dahil lahat ng gagawin ng tao ay dadalhin sa
kahatulan. Nagbibigay babala ang mga pangungusap na ito ni Solomon sa maraming
mga kabataan. Nagbigay pay0 pa nga na alsin ang kapanglawan at kasamaan sa katawan
upang maging karapatdapat sa Dios.
Malinaw ang babala ni Solomon.

Una, dapat nating maunawaan na ang Dios ay nagmamasid lamang at


sigurado na lahat ng mga bagay na ating ginagawa ay dadalhin lahat sa
kahatulan. Maaari tayong magsaya na hindi nagkakasala. Ang mabuting pagsasaya ay
dapat hindi lumiliko sa kautusan ng Dios, at dapat ay makatutulong sa mga kabataan
upang lalong mapalapit ang kalooban sa Dios. Hindi yaong pagsasaya na nagdudulot ng
kaguluhan at pagkakasala na laganap sa kasalukuyang panahon.
Ang ikalawang babala, ay maunawaan na ang kabataan at kasariwaan ay
walang kabuluhan. Mabilis lamang ang panahon, pero hindi lang naman ito ang
kahulugan ng sinasabi ni Solomon, maaari din namang sabihing wala ngang kabuluhan
ang pagiging kabataan, sapagkat ito ang karaniwang namalas niya sa kaniyang panahon.
Maging sa panahon nating ito, maraming mga kabataan ang inaksaya ang kanilang mga
buhay, at masasabing wala ngang kabuluhan ang kanilang buhay.
Ngunit kung gagamitin ang kabataan sa maayos at tumpak na paraan ng pamumuhay,
magiging makabuluhan ito at magiging daan upang mapaunlad nito ang pagkatao.

Pansinin natin ang naging pahayag ni Solomon, na alisin ang kapanglawan sa


puso. Siguro iniisip natin dito ay magpaksaya nang husto, ngunit hindi ito ang
kahulugan nito. Manapa, inaatasan ang mga kabataan na alisin ang mga bagay na lalong
magbibigay ng kapanglawan, mga bagay na maaaring sa ngayon ay nagdudulot ng saya
ngunit pagkatapos ay nagdudulot naman ng kapanglawan.
Sa ibang salita, sinasabi niya na gamitin ang kabataan upang matutunang alisin ang
mga bagay na magdudulot ng kapanglawan sa kalooban bunga ng pagnanasa at gawa ng
laman.

Kaya nga sinabi ni Solomon na, alisin ang kasamaan sa katawan. Sa paraan lamang na
ito makakaiwas sa kapanglawang maaaring idulot ng pansamantalang kagalakan dulot
ng maraming kalayawan.

Ang pangatlong bagay, ang alalahanin ang Maylalang sa panahon ng


kabataan. Pinapayuhan ni Solomon ang mga kabataan na gamitin ang lakas, ang
kaisipan, pangarap, sa paggawa ng mabuti, sa paglilingkod sa Dios bago pa dumating
ang panahon na humina na ang tao dahil sa katandaan, at mawalan na ng gana sa
paggawa.
Dahil sa takbo ng buhay, maraming tao ang madaling mapagod habang lumilipas ang
panahon. Kung hahanapin natin ang Dios samantalang nasa kabataan pa, mas madali
na matutunan natin ang tamang pakikipag-ugnay sa Kaniya. At kapag dumating ang
mga masasamang araw ng buhay, magkakaroon ng sapat na karunungan, lakas at
pananampalataya ang isang tao palibhasa’y kabataan pa lamang ay ginugol na ang
buhay sa paglilingkod.

Hinihikayat ni Solomon ang mga tao na hanapin ang Dios habang bata pa, habang hindi
pa nalalason ang isipan ng maraming imoralidad ng lipunan, ng maraming kasamaan sa
sanlibutang ito. Mas madali nga naman na iwasan ang kasalanan, kaysa sa alisin ang
kasalanang nakasanayan na.

Kung hahanapin ang Dios habang bata pa, mas madaling maiwasan ang mga
kapanglawan bunga ng kasalanan.

Subalit paano dapat hanapin ang Dios?

—- end of part 1 —-

Bahagi ng suliraning nakikita sa mga kabataan ngayon ay ang maling pakahulugan nila
sa pagsasaya.

Walang biro! Maraming mga tao ang walang kamalay-malay na maraming mga
kasiyahan na mayroong kinalaman ang diablo. Nakakatakot pero totoo.
Ang pinagmulan ng salitang “fun” ay mula sa isang matandang English word na ang
kahulugan ay “to hoax, to play a trick on, to deceive.” Sa ibang salita ang kahulugan nito
ay “to fool” o manloko ng kapuwa. Kapag may mga taong nagbibiro o nanloloko ng
ibang tao, sa tingin nila ay natutuwa sa kanila ang ginagawan nila ng kalokohan o
pagbibiro. Sa ngayon, marami ang nakakaisip na ang pagsasaya ay nagpapasimula
sa pandaraya at panghihiya na nagbubunga ng katuwaan.
Marahil, bawat tao ay mayroong kanikaniyang pagkaunawa tungkol sa pagsasaya.
Depende sa kinahihiligang gawin, para sa kanila ang kanilang mga ginagawa ay
nagdudulot sa kanila ng kasiyahan.

Sa iba naman, ang ideya nila ng pagsasaya ay kailangang naiiba, kailangang sikat. Ang
iba’y naghahanap pa ng mapanganib at kadalasan ay ikamamatay pa. Nakakagulat pero
ito ang kasalukuyang ideya ng mga kabataan sa kasiyahan. Nagsisimula ito sa pag-inom
ng nakalalasing na inumin, tapos sasamahan ng sigarilyo at mga ipinagbabawal na
gamot, at kalaunan ay nauuwi sa bawal na pakikipagtalik, at paggawa ng mga illegal o
immoral na mga gawain.

Kaya marami sa ngayon ang nauwi sa pagka-adik sa alak o di kaya ay sa bawal na gamot.
Ang ibang mga kabataang babae naman ay maagang nabubuntis, at nauuwi sa
pagpapalaglag o abortion. Sa iba’t ibang panig ng daigdig ay umaabot sa milyon ang
bilang ng mga nagpapalaglag bawat taon. Malaking porsiyento din ng mga kabataan ang
nahahawa ng mga sakit na kung tawagin ay sexually transmitted diseases. At lahat ng
mga ito ay nagpasimula lamang sa inaakala nilang kasiyahan.

Para sa maraming mga kabataan sa kasalukuyan, ito ang ideya nila ng “fun.”
Mapanganib kung gayon ang kanilang pagkaintindi sa kasiyahan.

Sinabi ni Solomon, Ecc 1:8 Lahat ng mga bagay ay puspos ng pagaalapaap; hindi
maisasaysay ng tao: ang mata ay hindi nasisiyahan ng pagtingin, ni ang tainga man
ay nasisiyahan sa pakikinig. Kapag hindi napigilan ang bawat limitasyon,
nasosobrahan ang marami sa kasiyahang kanilang ginagawa, hanggang sa umisip na sila
ng mga bagay na inaakala nilang kasiyahan pa din subalit kalaunan ay nagdudulot sa
kanila ng kalumbayan, sapagkat masama ang nagiging epekto ng bagay na kanilang
nagawa.
Sinabi din ni Solomon, Pro 22:15 Ang kamangmangan ay nababalot sa puso ng bata;
nguni’t ilalayo sa kaniya ng pamalong pangsaway. Ang hila ng kamangmangan at
paggawa ng kasamaan ay hindi malayong gawin ng maraming mga kabataan, lalo na
kung kulang sa saway at palo (disiplina ng magulang o ng mga nakatatanda).
May pagkakataon pa na nalilito ang maraming mga kabataan kung ano ang tama at ang
mali. Kaya naman, hinihikayat ng Biblia ang mga magulang na bantayan ang kanilang
mga anak, ituwid sa kanilang mga kamalian hangga’t may pagkakataon pang maituwid
ang kanilang mga anak, na alisin sa kanilang puso ang kamangmangan at turuan ng
mga karunungang mula sa Biblia kung paano ang tamang paraan ng pamumuhay.

Kapag hinayaan ang mga kabataan sa ganitong kalagayan, lalong magiging malala ang
pagkiling nito sa inaakala nitong tama at kasiyahan lamang subalit kasamaan na palang
maituturing sa paningin ng Dios. At dito nagiging mapanganib ang buhay hindi lamang
ng kabataang yaon kundi maging ng kanilang mga kaibigan, mga mahal sa buhay at mga
taong nasa paligid nila.

Isa pang babala, Pro 29:15 Ang pamalo at saway ay nagbibigay karunungan: nguni’t
ang batang binabayaan ay humihiya sa kaniyang ina. Kahihiyan ng mga magulang
ang mga anak na nagiging sakit ng ulo at walang ginawa kundi ang gawin ang mga bagay
na kanilang ninanais, na hindi nila nalalaman ay lihis sa moralidad at kalooban ng Dios.
Ang talatang Kawikaan 29:18, Kung saan walang pangitain, ang bayan ay sumasama:
nguni’t siyang nagiingat ng kautusan ay maligaya siya, ay karaniwang ginagamit ng
mga ministro o tagapangaral sa maraming sitwasyon, subalit ito ay tuwirang sa mga
kabataan nakatuon. Laman ng talata na kapag ang tao ay nagkulang sa mga pangitaing
ukol sa kabanalan at sa Dios, ang landas nitong tintungo ay sa kapahamakan.
Kaya nga, tungkulin ng mga magulang na pigilin at disiplinahin ang kanilang mga anak
upang maaga pa lamang ay maituro na sa mga ito ang landas na dapat lakaran, ang daan
o pintuan na makipot na dapat pasukin ng mga tao. Mat 7:13 Kayo’y magsipasok sa
makipot na pintuan: sapagka’t maluwang ang pintuan, at malapad ang daang
patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo’y nagsisipasok. Mat 7:14 Sapagka’t
makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang
nangakakasumpong noon.
Pansinin natin, sa kalahati ng talata ni Solomon, nguni’t siyang nagiingat ng kautusan
ay maligaya siya. Ipinakikita niya dito na ang tanging paraan upang masumpungan
ang kaligayahan o pagsasaya na katanggap-tanggap sa Dios ay sa pamamagitan ng pag-
iingat ng kautusan ng Dios. Ito ang tunay na kasiyahan ng mga lingkod ng Dios at hindi
ang natutunang kasiyahan ng maraming mga kabataan sa kasalukuyang panahon.
Ang tunay na ligaya ay nangangahulugan ng pagpapala o blessing, kaya sinumang nag-
iingat ng kautusan ng Dios ay tumatanggap ng pagpapala mula sa Dios. Kung iingatan
ng mga kabataan ang kautusan ng kanilang mga magulang at ang kautusan ng Dios,
tunay na sila ay makakasumpungan ng kasiyahan.

Kaya lang, sa kasalukuyan ay nadadala ang maraming kabataan sa udyok ng kanilang


mga kaibigan kung kaya’t nahihikayat sa mga kalayawang nagdudulot ng
pansamantalang aliw ngunit kapanglawan naman kapagdaka ang bunga.

Kaya naman lalong dapat imarka ng mga magulang sa kanilang mga anak na ang
kahulugan ng sanlibutang ito tungkol sa kasiyahan ay mali at ikapapahamak. Habang
maaga ay dapat na imulat ang mga bata kung paano bibigyan ng kasiyahan ang Dios na
lumikha sa lahat, at magagawa nila ito kung bibigyan nila ng kasiyahan ang kanilang
mga magulang. Exo 20:12 Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang
iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon
mong Dios.

—-end of part 2 —-

Sa kapitulo 2 ng Ecclesiastes, mababasa natin ang karanasan ni Haring Solomon nang


siya ay nasa kabataan pa lamang.

Naitala ang mga ito, hindi upang tularan kundi nagtuturo ito sa bawat isa na hindi dapat
maging bahagi ng ating buhay ang mga karanasang ito ni Haring Solomon. Isinama ito
sa Biblia upang magsilbing halimbawa at magturo sa atin ng magandang aral, upang
maiwasan natin ang kapanglawang dulot ng kaniyang mga karanasan.

Sinabi ni Haring Solomon, Ecc 2:1 Sinabi ko sa aking puso: Pumarito ka ngayon,
Susubukin kitang may kasayahan; kaya’t magsawa ka sa kalayawan: at narito, ito
rin ay walang kabuluhan.
Malinaw ang konklusyon ni Solomon, “walang kabuluhan” ang ganitong pamumuhay,
na gugulin ang buhay sa kasayahan at sa kalayawan. Wala itong buting maidudulot,
walang pakinabang. Sa huli, wala namang napala si Solomon sa pagkiling niya sa mga
kalayawan ng buhay.

Sinabi pa niya, Ecc 2:2 Aking sinabi tungkol sa tawa, Ito’y ulol: at sa kasayahan,
Anong ginagawa nito? Ang inaakala ng maraming kabataan na masarap ang makisabay
sa pamumuhay ng mayayaman at maka-sanlibutan ay tinuturing ni Solomon
na kaululan o kabaliwan. Kapag ang nasa isipan ay pawang kalayawan na lamang ay
ibinibilang niyang isang uri ng sakit. Sa karanasan niya, ito ay walang kabuluhan
sapagkat wala naman siyang napala sa mga ito.
Kaya upang masiyahan siya, sinubukan niyang pag-aralan at saliksikin kung paano
magkakaroon ng kabuluhan ang kaniyang mga ginagawa. Sa mga talatang 3 hanggang
10, itinala niya ang mga bagay na kaniyang pinaggagagawa sa pamamagitan ng kaniyang
kayamanan at kapangyarihan.

Ecc 2:3 Aking siniyasat sa aking puso na kung paanong masasayahan ang aking
katawan sa pamamagitan ng alak, pinapatnubayan pa ng karunungan ang aking
puso at kung paanong hahawak sa kamangmangan, hanggang sa aking makita kung
ano ang mabuti sa mga anak ng mga tao na marapat nilang gawin sa silong ng langit
sa lahat ng mga kaarawan ng kanilang buhay. Ecc 2:4 Gumawa ako sa ganang akin
ng mga malaking gawa; nagtayo ako sa ganang akin ng mga bahay; nagtanim ako
sa ganang akin ng mga ubasan; Ecc 2:5 Gumawa ako sa ganang akin ng mga
halamanan at mga liwasan, at aking tinamnan ng mga sarisaring puno ng kahoy na
nagkakabunga: Ecc 2:6 Gumawa ako sa ganang akin ng mga tipunan ng tubig,
upang dumilig ng gubat na pagtatamnan ng mga puno ng kahoy: Ecc 2:7 Ako’y
bumili ng mga aliping lalake at babae, at nagkaroon ako ng mga aliping ipinanganak
sa aking bahay; nagkaroon din naman ako ng mga malaking pag-aari na mga
bakahan at mga kawan, ng higit kay sa lahat na nauna sa akin sa Jerusalem: Ecc
2:8 Nagtipon din ako sa ganang akin ng pilak at ginto, at ng tanging kayamanan ng
mga hari at ng mga lalawigan: nagtatangkilik ako sa akin ng mga lalaking
mangaawit at mga babaing mangaawit, at ng mga kalayawan ng mga anak ng mga
tao, mga sarisaring instrumento ng musiko iya’y totoong marami.
Ecc 2:9 Sa gayo’y naging dakila ako, at lumago ako ng higit kay sa lahat na
nauna sa akin sa Jerusalem: ang akin namang karunungan ay namamalagi sa
akin. Ecc 2:10 At anomang ninasa ng aking mga mata ay hindi ko ipinagkait: hindi
ko pinigil ang aking puso sa anomang kagalakan, sapagka’t nagagalak ang aking
puso dahil sa lahat kong gawain; at ito ang aking bahagi na mula sa lahat kong
gawain.
Wika nga, “sinagad” ni Solomon ang kaniyang buhay sa paggawa ng lahat ng bagay na
kaniyang maibigan. Marami din siyang ginawang tunay na kamangmangan. At dahil
may kayamanan, gumastos siya nang husto sa kahit anong maibigan ng kaniyang puso.
Sapat ang mga talata sa itaas para maintindihan natin and karamihan ng mga bagay na
kaniyang pinaggagagawa.

Sa talatang Ecc 2:11, Inilarawan niya ang lahat ng kinauwian ng kaniyang mga
gawa. Nang magkagayo’y minasdan ko ang lahat ng mga gawa, na ginawa ng aking
mga kamay, at ang gawain na aking pinagsikapang gawin; at, narito, lahat ay
walang kabuluhan at nauuwi sa wala, at walang pakinabang sa ilalim ng
araw.
Ang lahat ng mga ito ay sinubukang gawin ni Solomon upang pag-aralan nang husto ang
buhay, at ang kaniyang sariling buhay ang ginamit niyang instrumento upang
maintindihan ang lahat. Hindi nangangahulugan na kailangang ulitin natin ang lahat ng
kaniyang mga pinagdaanan. Sapat nang maintindihan natin na ang buhay niya ay aral
na dapat nating matutunan.

Matamo man natin ang lahat, magawa man natin ang pinakamagaling sa buhay na ito at
maging dakila man tayo, gaya ni Solomon, nakita niyang lahat ng mga bagay ay
nananatiling walang kabuluhan. Sa huli, anong pakinabang ng lahat ng ating mga
pagsisikap?

Bagaman sinubukan ni Solomon ang lahat, nanatili ang kaniyang karunungan, upang
maituro sa ating lahat ang kaniyang mga natutunan sa lahat ng kaniyang mga ginawa.
Ang Dios ang nagkaloob ng karunungan na ito sa kaniya sa buong panahon ng kaniyang
buhay, anuman ang kaniyang mga ginawa. (1 Hari 3: 5-14)
Nanlulumo, inulit ni Solomon ang kaniyang konklusyon sa talatang Ecc 2:17 Sa gayo’y
ipinagtanim ko ang buhay; sapagka’t ang gawa na ginawa sa ilalim ng araw ay
mapanglaw sa akin: sapagka’t lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala. Lahat
ng kaniyang mga gawa ay pawang nagdulot sa kaniya ng kapanglawan.
Ano ang dahilan at walang kabuluhan ang lahat ng kaniyang mga gawa?

Simple lamang ang kasagutan. Ang lahat ng kaniyang mga pagsasaya at mga kalayawang
ginawa ay walang kabuluhan sapagkat ginawa niya ang lahat ng mga yaon sa
pamamagitan lamang niya at walang kinalaman ang Dios.

Sa buhay na ito, nagkakaroon lamang ito ng kabuluhan kung mayroon tayong Dios, at
kung sa lahat ng ating mga ginagawa ay kasama natin ang Dios. Ang Dios ang
nagbibigay kabuluhan sa ating mga gawa, ito man ay pagsasaya, tagumpay, pag-unlad at
anumang ating ginagawa. Kung wala ang Dios sa ating buhay, ang lahat ng mga bagay sa
ating buhay, ito man ay tagumpay sa kayamanan at kapangyarihan, lahat ay nawawalan
ng kabuluhan at mapapawi sa takdang panahon.

Kaya sa Ecclesiastes 2:24-26, sinabi ni Solomon ang kaniyang payo,

Ecc 2:24 Walang maigi sa tao kundi ang kumain at uminom, at pagalaking mabuti
ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang gawa. Ito man ay aking nakita na mula sa
kamay ng Dios. Ecc 2:25 Sapagka’t sinong makakakain, o sinong makapagtataglay
ng kagalakang higit kay sa akin? Ecc 2:26 Sapagka’t ang tao na kinaluluguran niya,
binibigyan ng Dios ng karunungan, at kaalaman, at kagalakan: nguni’t ang
makasalanan ay binibigyan niya ng damdam, na magpisan at magbunton, upang
maibigay sa kaniya na kinaluluguran ng Dios. Ito man ay walang kabuluhan at
nauuwi sa wala.
Ang isang taong nabubuhay nang matuwid, na ginagawa ang lahat ng tama at mabuti sa
paningin ng Dios, ay magtataglay ng karunungan at mararanasan ang tunay na
kagalakan.

Samantala, kung nag-iibig tayong mabuhay na may kasiyahan, ito ay mararanasan


lamang natin kung ang Dios ay nasa atin. Maliban dito, ang buhay ay walang kabuluhan.
Sinumang nakakaintindi ng tunay na buhay na ito ay mabubuhay na may kabanalan sa
paningin ng Dios. Kung magagawa nating tanggapin ang katotohanang ito, samantalang
tayo ay mga bata pa, ibayong kapanglawan ang maliligtasan natin.

—end of part 3 —

Pro 15:21 Ang kamangmangan ay kagalakan sa walang bait: nguni’t pinatutuwid ng


maalam ang kaniyang lakad.
Itinuturo dito ni Haring Solomon na kapag ang tao ay gustong magsaya, karaniwan ay
nagpapakamangmang ito sa kaniyang sarili. Sapagkat karaniwan, nag-iisip ang tao ng
mga bagay na kamangmangan para lamang lumigaya.

Tatandaan natin na ang tunay na kahulugan ng “joy” o katuwaan ay iba sa kahulugan ng


kalayawan o “pleasure.” Ang tunay na katuwaan (mababasa sa Galacia 5:22), ay bunga
ng Espiritu ng Dios, at ito ang katuwaan na ibig Niyang taglayin natin nang sagana sa
ating mga buhay (Roma 15:13), na magagawa lamang sa paggawa ng mabuti at hindi ng
mga kalayawan.
Ang ideyang ito ay matutunghayan sa kawikaan, nguni’t pinatutuwid ng maalam ang
kaniyang lakad. Ang tunay na nakakaunawa tungkol sa buhay ay mabubuhay na may
kabanalan sa Dios, at sila ang tunay na nagtataglay ng tunay na kagalakan na sinisikap
matamo ng iba sa pamamagitan ng kamangmangan ng kalayawan.
Sinabi ni Solomon, Pro 29:18 Kung saan walang pangitain, ang bayan ay sumasama:
nguni’t siyang nagiingat ng kautusan ay maligaya siya. Kapag ang tao ay walang
unawa tungkol sa kung ano ang tama at mali, kadalasan nauuwi ito sa paghahanap ng
kasiyahan na nagdudulot ng ibayong kapanglawan.
Katangian na ng mga kabataan na malito at hindi maintindihan kung ano ang tunay na
ligaya at ang katuwaang dulot ng kalayawan. Kung minsan, ang karunungan o unawa na
maintindihan ito ay natututunan sa karanasan o di kaya ay sa pamamagitan ng
pagsunod sa mga salita ng Dios.

Subalit kapag bata pa ay natalos na ang kahulugan ng tunay na ligaya, ililigtas nito ang
kaniyang buhay sa mga kapanglawang naka-amba sa kaniya.

Kailangang maaninaw natin ang magiging resulta ng bawat bagay na ating


ginagawa. Deu 32:29 Oh kung sila’y mga pantas, na kanilang tinalastas ito, Kung
nababatid nila ang kanilang wakas!
Ang maraming kamangmangan na karaniwang ginagawa ng maraming mga kabataan sa
ngayon ay masama ang nagiging resulta, gaya nang pagkakulong, pagkabuntis,
pagpapalaglag, pagguho ng kinabukasan at iba pa. Ang paggawa ng kasalanan ay may
kapalit, may kabayaran at may kaparusahan.

Ang mga taong nag-ingat sa kanilang sarili na huwag maging bahagi ng mga ito ay
maraming napupulot na aral. Ang iba ay nabubuhay ng payapa, na nagagawang
ipagmalaki ang kanilang kabataan, na hindi nila pinagsisihan ang kanilang kabataan
sapagkat inukol nila ito sa paglilingkod sa Dios.

Bukod dito, alam ba natin na kung sasaliksikin natin ang Biblia, karaniwan kapag
tumatawag ang Dios ng mga maglilingkod sa Kaniya, ay nasa kabataan ang gulang?
Maraming naidudulot na kabutihan ang pagiging kabataan. Taglay ng kabataan ang
kalakasan, ang ideyalismo, pagiging masikap, mapagpatuloy, matiyaga, matapang at
walang takot na gawin ang anumang bagay sa buhay na ito. Itong mga katangian na ito
ang ginagamit ng Dios sa mga kabataan.

Ilan sa mga kabataang natala sa Biblia ay ang mga sumusunod:

1. Si Jose ay halos 17 taong gulang nang maglingkod sa Dios. Nagawa niyang talikuran ang
tukso ng asawa ni Potiphar. 30 taong gulang siya nang gawin siyang tagapangasiwa sa
Egipto.
2. Si Samson ay nasa kabataan din ng gawin siyang Hukom sa Israel at ginamit siya ng Dios
upang kastiguhin ang Israel.
3. Si Samuel ay musmos pa lamang nang siya ay piliin na ng Dios. Itinagubilin siya sa Dios
nang kaniyang ina na si Hannah at kalaunan ay naging propeta ng kataastaasang Dios.
4. Si David ay musmos pa lamang nang talunin ang higanteng si Goliath.
5. Ilan pa sa mga ito ay sina Ruth, Isaias, Jeremias, Ester, Daniel at ang kaniyang tatlong
kaibigan na pawang nagpakita ng katapangan at pananampalataya sa kanilang kabataan.
6. Maging ang mga Apostol ni Hesus ay sinasabing nasa kabataan ang gulang nang sila ay
tawagin.
7. Si Hesus ay nagpakita nang halimbawa sapagkat nasa kabataan nang mangaral
Kaya nga, masasabi natin na ang Dios ay nagagalak na tawagin ang mga kabataan upang
maglingkod sa Kaniya. Kung nagawa ng mga unang mananampalataya na tugunin ang
pagtawag ng Dios sa kanilang buhay, magagawa din kaya natin ito sa panahong ito? May
lakas at tapang din ba tayo na tugunin ang pagtawag ng Dios?
— end of part 4 —

Ang Paghahanap sa Dios

Paano nga ba dapat hanapin ng isang kabataan ang Dios?

Ang paghahanap sa Dios upang Siya ay paglingkuran ay isang pribadong aspeto ng


buhay, ito ay sa pagitan ng Dios at nang isang taong gustong maglingkod sa Kaniya.
Gayunpaman, ang resulta ng pagsasaliksik sa Dios ng isang tao ay makikita ng publiko o
ng mga tao sa pamamagitan ng mga pagbabago sa buhay na ipinakikita ng taong yaon.

Mapapansin ng mga taong nasa paligid ang pagbabago sa kilos, sa pananalita at sa mga
pakikisama sa kapuwa tao. Mat 3:8 Kayo nga’y mangagbunga ng karapatdapat sa
pagsisisi: Ipinakikita ang bunga ng pagbabago sa pamamagitan ng pagsisisi.
Sa katotohanan, hindi sa atin nagpapasimula ang paghahanap sa Dios, manapa, ang
Dios ang gumagawa ng kaparaanan upang magpasimula ang relasyon sa Kaniya, sa
pamamagitan ng Kaniyang pagtawag. Joh 6:44 Walang taong makalalapit sa akin,
maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya’y magdala sa akin; at siya’y
aking ibabangon sa huling araw.
Maaaring ang isang tao ay nagsasabing seryoso siya na hinahanap ang Dios, subalit
hindi ito magkakaroon ng katuparan kung hindi niya bubuksan ang kaniyang puso at
kalooban sa mga salita ng Dios. Samantala, mapalad naman ang mga anak ng mga
mananampalataya na, sapagkat nagkakaroon sila ng awtomatikong pagtawag mula sa
Dios sapagkat ang kanilang mga magulang ay kinahabagan na ng Dios.

Kapag nabuksan na ang kalooban at isipan ng isang tao sa mga salita ng Dios, ano ang
magaganap?

Sinasabi sa Isaias 51: 1-2, 7,

Isa 51:1 Kayo’y magsipakinig sa akin, kayong nagsisisunod sa katuwiran, kayong


nagsisihanap sa Panginoon: magsitingin kayo sa malaking bato na inyong
kinaputulan, at sa luwang ng hukay na kinahukayan sa inyo. Isa 51:2 Tingnan
ninyo si Abraham na inyong ama, at si Sara na nanganak sa
inyo; sapagka’t nang siya’y iisa ay tinawag ko siya, at aking pinagpala siya, at aking
pinarami siya.
Isa 51:7 Inyong pakinggan ako, ninyong nakakaalam ng katuwiran,bayan na ang
puso ay kinaroonan ng aking kautusan; huwag ninyong katakutan ang pula ng
mga tao, o manglupaypay man kayo sa kanilang mga paglait.
Ang mga talatang ito ay nagbibigay sa atin ng maliit na panuntunan kung paano dapat
hanapin ang Dios. Sa unang talata, nagpapahayag ang Dios sa “nagsisihanap sa
Panginoon,” na “nagsisisunod sa Kaniyang katuwiran.”

Samakatuwid, sinumang humahanap sa Panginoon ay sumusunod sa Kaniyang


katuwiran. kaya kung ibig ng sinuman na magkaroon ng ugnayan o relasyon sa Dios,
hahanapin niya ang Dios sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Dios.

Sinundan ito ng payo ng Dios, magsitingin kayo sa malaking bato. Ang malaking
bato ay simbolo ng Panginoong Hesus (1Co 10:4 At lahat ay nagsiinom ng isang
inumin ding ayon sa espiritu; sapagka’t nagsiinom sa batong ayon sa espiritu na
sumunod sa kanila: at ang batong yaon ay si Cristo.), kaya nga, ang paglakad sa
mga iniwanang halimbawa ni Hesus ay isang kaparaanan upang hanapin ang katuwiran
ng Dios.
Ang ikalawang kahulugan ng talata, na binigyang daan dito ay nang banggitin sina
Abraham at Sarah sa ikalawang talata. Ipinayo sa atin na pag-aralan natin ang naging
buhay ng mga matuwid na mananampalatayang naunang naglingkod sa atin gaya nila
Abraham.

Sa Isaias 51:7, ipinapahayag dito ang mga taong inilagay sa kanilang puso ang Kautusan
ng Dios. Nagaganap ang ganitong kalagayan kung ang isang tao ay mag-aaral ng mga
salita ng Dios at isasakabuhayan ang mga salita sa kaniyang buhay. Nagaganap ito sa
pamamagitan ng malalim na pakikipag-ugnayan sa Dios.

Sa Isaias 55: 1-3, 6-7 ay mababasa natin ang paanyaya upang magkaroon ng saganang
pamumuhay.

Isa 55:1 Oh lahat na nangauuhaw, magsiparito kayo sa tubig at siyang walang


salapi; magsiparito kayo, kayo’y magsibili, at magsikain; oo, kayo’y magsiparito,
kayo’y magsibili ng alak at gatas ng walang salapi at walang bayad. Isa 55:2 Ano’t
kayo’y nangaggugugol ng salapi sa hindi pagkain? at ng inyong gawa sa hindi
nakabubusog? inyong pakinggan ako, at magsikain kayo ng mabuti, at mangalugod
kayo sa katabaan. Isa 55:3 Inyong ikiling ang inyong tainga, at magsiparito kayo sa
akin; kayo’y magsipakinig, at ang inyong kaluluwa ay mabubuhay: at ako’y
makikipagtipan sa inyo ng walang hanggan, sa makatuwid baga’y ng tunay na mga
kaawaan ni David.
Isa 55:6 Inyong hanapin ang Panginoon samantalang siya’y
masusumpungan, magsitawag kayo sa kaniya samantalang siya’y malapit: Isa
55:7 Lisanin ng masama ang kaniyang lakad, at ng liko ang kaniyang mga pagiisip;
at manumbalik siya sa Panginoon, at kaaawaan niya siya; at sa aming Dios,
sapagka’t siya’y magpapatawad ng sagana.
Kung papasimulan nating hanapin at sundan ang Dios, hindi sapat na makinig sa
Kaniyang mga salita at matutunan ang mga ito. Sinasabi na kailangan nating tawagan
ang Dios sa pamamagitan ng panalangin. Ito ay upang lubos nating makilala ang Dios.
Kailangan din nating pagsisihan ang ating mga nagawang kasalanan sa nakaraang
panahon ng ating buhay upang masumpungan natin ang Kaniyang kapatawaran. Ang
tamang pagsisisi ay ang pagtalikod sa mga kasalanang ating ginawa at mangangakong
hindi na ito uulitin.

Pansinin din natin ang sinabi ng Dios, Lisanin ng masama ang kaniyang lakad, at ng
liko ang kaniyang mga pagiisip; Nais ng Dios na linisin ang ating mga kasalanan sa
dalawang kaparaanan: una ay sa pamamagitan ng lakad (mga gawa) at ikalawa ay ang
ating mga pag-iisip (laman ng puso at kalooban). Panlabas at panloob ang nais ng Dios
na linisin sa atin.
Sa Zefanias 2: 1-3 ay sinasabi,

Zep 2:1 Kayo’y magpipisan, oo, magpipisan, Oh bansang walang kahihiyan; Zep
2:2 Bago ang pasiya’y lumabas, bago dumaang parang dayami ang kaarawan, bago
dumating sa inyo ang mabangis na galit ng Panginoon, bago dumating sa inyo ang
kaarawan ng galit ng Panginoon. Zep 2:3 Hanapin ninyo ang Panginoon,
ninyong lahat na maamo sa lupa, na nagsigawa ng ayon sa kaniyang kahatulan;
hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan: kaypala ay malilingid
kayo sa kaarawan ng galit ng Panginoon.
Payo ng Dios na “hanapin Siya, NGAYON,” hindi bukas o balang araw kundi NGAYON.
Hindi natin alam kung ilang panahon na lang ang nalalabi sa atin. Naniniwala tayo na
nalalapit ang muling pagbabalik ng Panginoong Hesus, kaya hindi dapat magwalang
bahala tungkol sa paglilingkod natin sa Kaniya. Hanapin na Siya ngayon, habang may
pagkakataon sapagkat masasama ang mga araw.

Kaya naman sinabi ng Dios sa Israel, Amo 5:4 Sapagka’t ganito ang sabi ng
Panginoon sa sangbahayan ni Israel; Hanapin ninyo ako, at kayo’y
mangabubuhay; Hindi pisikal na buhay ang tinutukoy dito ng Dios kundi buhay na
walang hanggan, espirituwal na buhay.
At kaniyang ipinahayag sa Amos 5: 14-15, Magsihanap kayo ng kabutihan, at huwag
kasamaan, upang kayo’y mangabuhay; at sa gayo’y ang Panginoon, ang Dios ng mga
hukbo, ay sasa inyo, gaya ng inyong sinasabi. Inyong kapootan ang masama, at
ibigin ang mabuti, at kayo’y mangagtatatag ng kahatulan sa pintuang-bayan:
marahil ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo ay magiging mapagbiyaya sa nalabi
sa Jose.

Sa pamamagitan ng Iglesia, na siyang binhi na nalabi sa Kaniyang mga tinawag na


lingkod, makakalad tayo sa panibagong buhay. Kaya naman, ganito na lamang ang
paanyaya ng Dios sa ating lahat, hindi lamang sa mga kabataan kundi maging sa lahat
ng mga taong naghahangad na maging karapatdapat sa Kaniya.

At sa mga kabataan, nasa atin ang lahat ng pagkakataon, lakas at tapang upang
ipamalas sa Dios ang ating wagas na paglilingkod.

Psa 71:17 Oh Dios, iyong tinuruan ako mula sa aking kabataan; at


hanggang ngayon ay aking inihahayag ang iyong kagilagilalas na mga
gawa.