You are on page 1of 2

Apolinario de la Cruz

(22 Hulyo 1814-4 Nobyembre 1841)


Kilalá si Apolinario de la Cruz (A·po·li·nár·yo de la Krus) sa bansag na “Hermano Pule”
bilang pinunò at tagapagtatag ng Cofradia de San José. Pinamununan niya ang isang
pag-aaklas laban sa mga Espanyol na nakabatay sa kalayaang panrelihiyon at
pagkakapantay-pantay ng mga Espanyol at Indio sa kaparian.

Isinilang siya noong 22 Hulyo 1814 sa Barrio Pandac sa bayan ng Lucban, Tayabas
(ngayon ay lalawigan ng Quezon) kina Pablo de la Cruz at Juana Andres, pawang mula
sa pamilyang maykaya at debotong Katoliko. Pinangarap niyang magpari, at sa edad na
15 ay sumubok sumali sa orden ng mga Dominiko sa Maynila. Ngunit hindi pa noon
tumatanggap ng mga Indio ang mga ordeng Romano Katoliko, kung kaya naging
donado na lamang muna siya sa Ospital ng San Juan de Dios at nagtrabaho sa
Cofradia de San Juan de Dios. Sa panahong ito pinag-aralan ni de la Cruz ang Bibliya
at iba pang banal na kasulatan.

Nagbalik siya sa Lucban noong 1832 at itinatag ang Cofradia de San José, isang
kapatirang binubuo lamang ng mga Indio. Hindi pinahihintulutang sumapi ang mga
Espanyol at mestiso nang walang pagsang-ayon ni de la Cruz, na siya namang tinawag
ng kaniyang mga tagasunod bilang “Hermano Pule” (o “Hermano Puli”). Ninais niyang
maging legal ang Cofradia dahil sa paglaki ng kasapian ngunit binatikos ito ng mga
paring Espanyol, sa pangunguna ni Arsobispo Jose Segui. Naghinala ang pamahalaan
ni Gobernador-Heneral Marcelino Oraa na isang samahang mapanghimagsik ang
Cofradia. Sinalakay ng mga sundalo ang kampo ng Cofradia sa Majayjay, Laguna
noong19 Oktubre 1840. Nagkataóng nasa Maynila noon si Hermano Pule kaya
nakaligtas.

Nagsimulang mamuhay na parang rebelde ang mga kasapi ng Cofradia. Sa isang


malaking labanan sa Alitao, isang lugar na malapit sa Tayabas, ganap na nalansag ang
hukbo ni Hermano Pule. Nakatakas siya ngunit nasundan at nadakip. Madalian siyang
nilitis at binitay sa bayan ng Tayabas noong 4 Nobyembre 1841. Pinagputol-putol ang
kaniyang katawan. Tinuhog ang kaniyang ulo at itinanghal sa daan patungong Majayjay
upang huwag sundan ng taumbayan ang tinawag nilang “Hari ng mga Tagalog.”

You might also like