You are on page 1of 9

Batas Republika Blg.

8545
February 24, 1998
Tags: Laws, Republic Acts

Di-opisyal na salin ng Official Gazette para sa mga pangangailangang pampatalastas.

[Read in English]

REPUBLIKA NG PILIPINAS
KONGRESO NG PILIPINAS
KALAKHANG MAYNILA

BATAS REPUBLIKA BLG. 8545

ISANG BATAS NA NAGSUSUSOG SA BATAS REPUBLIKA BLG. 6728, NA KILALA


RIN BILANG “ISANG BATAS NA NAGKAKALOOB NG TULONG NG
PAMAHALAAN SA MGA MAG-AARAL AT GURO SA PRIBADONG EDUKASYON,
AT PAGLALAAN NG MGA PONDO PARA DITO,” NAGTATATAG NG ISANG
PONDO PARA SA LAYUNIN NG PAGSAGOT SA SUWELDO NG MGA GURO SA
PRIBADONG PAARALAN, AT PAGLALAAN NG MGA PONDO PARA DITO

SEKSIYON 1. Ang Batas Republika Blg. 6728, na kilala rin bílang “Batas sa Tulong ng
Pamahalaan sa mga Mag-aaral at Guro sa Pribadong Edukasyon,” ay sinususugan sito upang
basahin bilang ang mga sumusunod:

“SEK. 1. Pamagat. –– Kikilalanin ang Batas na ito bílang ‘Batas sa Pinalawak na Tulong
Pampamahalaan sa mga Mag-aaral at Mga Guro sa Pribadong Edukasyon.’

“SEK. 2. Pagpapahayag ng Polisiya. –– Isang ipinahayag na polisiya ng Estado alinsunod sa


mandato ng Saligang Batas na palaganapin at gawing maaabot ng lahat ng mga mamamayang
Filipino ang edukasyong may-kalidad. Kinikilala rin ng Estado mula rito ang nagtutugunang mga
papel ng mga pampubliko at pribadong institusyong pang-edukasyon sa sistemang pang-
edukasyon at ang mahalagang naiambag at maiaambag ng mga pribadong paaralan sa
edukasyon. Para sa mga layuning ito, magkakaloob ang Estado ng mga mekanismo upang
mapabúti ang kalidad ng pribadong edukasyon sa pamamagitan ng paglubos sa paggamit ng mga
kasalukuyang yaman ng pribadong edukasyon, pagkilala sa responsabilidad ng pamahalaan
upang magkaloob ng batayang edukasyon sa elementarya at sekundarya, edukasyong bokasyonal
at teknikal na post-sekundaryo, at sa lalong mataas na edukasyon bilang may priyoridad sa lahat
ng mga gawain nito.

“Ang edukasyong pang-elementarya ay ang unang anim (6) na taon ng batayang edukasyon,
hindi kasama ang pre-school at ang ikapitong baitang, na ang pagtatapos ay pinatutunayan ng
isang sertipikong inilalabas ng o may pahintulot mula sa Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at
Isports. Ang edukasyong sekundarya ay ang kasunod na apat (4) na taon ng batayang edukasyon,
na ang pagtatapos ay pinatutunayan ng isang diploma sa hayskul na inilalabas ng o may
pahintulot mula sa Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at Isports.
“Ang edukasyong post-sekundaryo ay maaaring edukasyon o pagsasanay sa mga kursong
bokasyonal o teknikal na walang-digri o edukasyon sa mga kursong may-digri na iniaalok ng
mga institusyon sa lalong mataas na edukasyon, na ang pagtatapos ay pinatutunayan ng isang
sertipiko o diploma na inilabas ng o may pahintulot mula sa Technical Education and Skills
Development Authority (TESDA) o sa Commission on Higher Education (CHED).

“SEK. 3. Mga Batayan para sa Pagtulong. — Ang mga programa para sa pagtulong ay magiging
sang-ayon sa itinakdang mga batayan na magsasangkot ng, kasama ng iba pa, mga bayarin sa
matrikula na sinisingil ng mga paaralan, mga pangangailangang sosyo-ekonomiko ng bawat
rehiyon nang binibigyang priyoridad ang mga lalawigang bahagi ng Social Reform Agenda
(SRA), pangkalahatang gawain ng mga paaralan, mga kalipikasyong akademiko at
pangangailangang pampananalapi ng mga mag-aaral at mga guro at mga pangangailangang
pinansiyal ng mga paaralan, gayundin ang heograpikong saklaw at laki ng populasyon ng mga
mag-aaral.

“Bilang karagdagan sa mga nabanggit na batayan, sa loob ng katanggap-tanggap na panahon na


itatakda ng Lupon sa Tulong Pang-estado, ang pinagkaloobang estudyante sa ilalim ng Programa
sa Tulong Pinansiyal para sa Mag-aaral ng Pribadong Edukasyon ay ipapasok sa mga paaralang
may mga programang may akreditasyon o sumasailalim sa akreditasyon sang-ayon sa pagkilala
ng nakatalagang Lupon ng Tulong Pang-estado.

“Uunahin ang mga mag-aaral na ang kita ng pamilya ay hindi hihigit sa pitumpu’t dalawang
libong piso (PHP72,000.00) o sa halagang titiyakin ng Lupon, sang-ayon sa pagpapakahulugan
mula rito.

“Para sa mga layunin ng Batas na ito, ang mga programang pantulong sa mga mag-aaral at guro
ng mga pribadong institusyon na bokasyonal at teknikal para sa post-sekundaryo at mga
institusyon ng lalong mataas na edukasyon ay ipagkakaloob din sa mga mag-aaral at mga guro
ng mga kolehiyong pangkomunidad sa mga programang may digri at walang digri. Ang
pagpapatupad ng programa ay makahihikayat ng mga mag-aaral na sumailalim sa bokasyonal at
teknikal para sa post-sekundaryo at mga kurso ng lalong mataas na edukasyon sa parehong
rehiyon kung saan nakatira ang kanilang mga pamilya.

“Ang mga programang pantulong sa ilalim ng Batas na ito ay ipagkakaloob lámang sa mga mag-
aaral na mamamayan ng Pilipinas.

“Ang Lupon ng Tulong Pang-estado, kasama ang Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at Isports
(DECS), ang CHED at ang TESDA ay kinakailangang magbuo ng mga pamantayang panukat
para sa ebalwasyon ng kalidad ng mga kurso, gayundin ang katayuan at estado ng mga
tumatanggap na institusyon.

“Sa loob ng limang (5) taon mula sa pagtanggap sa Batas na ito, ang tulong ay ibibigay sa mga
paaralan: Basta at, Na ang kasalukuyang alokasyon ng matrikula at iba pang kita ng mga
paaralan ay gagamitin sa parehong proporsiyon at alokasyon na tulad ng itinatakda ng batas.
“SEK. 4. Mga Anyo ng Tulong. — Bubuuin ang pantulong sa pribadong edukasyon ng tulong sa
mga mag-aaral at tulong sa mga guro:

“Ang mga sumusunod ang mga anyo ng tulong sa mga estudyante sa pribadong edukasyon:

“(1) Suplementong pangmatrikula para sa mga estudyante sa pribadong hayskul, kasama na ang
mga estudyante sa mga kursong bokasyonal at teknikal;

“(2) Pondong Tulong sa Teksbuk na Panghayskul: Basta at, Na ang tulong panteksbuk sa bawat
estudyante sa mga pribadong hayskul ay tutukuyin ng lupon at hindi lalampas sa ipinagkakaloob
sa mga estudyante sa pampublikong hayskul para sa bawat estudyante sa ilalim ng isang
komprehensibong programang panteksbuk ng Secondary Education Development Program
(SEDP); Basta at, maliban dito, Na ang tulong panteksbuk ay ipagkalaloob lamang sa mga
benepisyaryo ng suplementong pangmatrikula at paraan ng pagkontrata sa serbisyong pang-
edukasyon na ipinagkaloob sa Batas na ito;

“(3) Pagpapalawak ng kasalukuyang Educational Service Contracting (ESC) Scheme;

“(4) Ang sistemang voucher ng Private Education Student Financial Assistance Program
(PESFA);

“(5) Mga kaloob na iskorlaship sa mga estudyanteng nagtatapos bilang balediktoryan at


salutatoryan mula sa mga paaralang sekundarya;

“(6) Mga suplementong pangmatrikula sa mga mag-aaral sa pribadong kolehiyo at unibersidad;


at

“(7) Pondo sa Pagpapautang na Pang-edukasyon.

“Ang mga sumusunod ang mga anyo ng tulong sa mga guro at kaguruan sa pribadong
edukasyon:

“(1) Pondo para sa pagsasanay na in-service para sa mga guro sa mga pribadong hayskul; at

“(2) Pondo para sa Pagpapaunlad ng Kaguruang Pangkolehiyo.

“SEK. 5. Suplementong Pangmatrikula para sa mga Estudyante sa Pribadong Hayskul. — (1)


Ang tulong pinansiyal para sa matrikula ng mga estudyante sa mga pribadong hayskul ay
ipagkakaloob ng gobyerno sa pamamagitan ng isang sistemang voucher sang-ayon sa sumusunod
na paraan:

“(a) Para sa mga mag-aaral na naka-enroll sa mga paaralang sumisingil ng halagang itatalaga ng
Lupon sa Tulong Pang-estado, magkakaloob ang gobyerno sa kanila ng isang voucher na
katumbas ng halagang itatalaga ng lupon: Basta at, Na ang gobyerno ay babayaran ang mga
voucher mula sa mga sangkot na paaralan sa loob ng isandaan at dalawampung (120) araw mula
sa pagsasara ng panahon ng pagrerehistro.
“(2) Ang tulong sa ilalim ng talata (1), subtalata (a) ay titiyakin sa lahat ng pribadong hayskul na
nakikilahok sa programa para sa bilang ng slot sa sandali ng pagkakaroon ng bisà ng Batas na ito
na katumbas ng kabuuang bilang ng mga estudyante na kumuha ng suplementong pangmatrikula
para sa taong pampaaralan 1997–1998: Basta at, Na ang Lupon ng Tulong Pang-estado ay
maaaring magtakda sa mga susunod na taon ng karagdagang slot at/o karagdagang nakikilahok
na hayskul kung kinakailangan.

“SEK. 6. Pondong Pantulong sa Teksbuk na Panghayskul. — Magtatatag sa Kagawaran ng


Edukasyon, Kultura at Isports (DECS) ng isang Pondong Pantulong sa Teksbuk na Panghayskul
upang may tulong sa bawat mag-aaral na ibibigay sa mga mag-aaral na pumapasok sa mga
pribadong paaralan na eksklusibong para sa pagbili ng mga teksbuk na panghayskul, bilang
pagtataguyod sa implementasyon ng Programa sa Pagpapaunlad ng Edukasyong Sekundarya:
Basta at, Na ang tulong panteksbuk kada estudyante sa mga pribadong hayskul ay itatakda ng
lupon at hindi lalampas sa ibinibigay sa bawat estudyante sa mga mag-aaral sa pampublikong
hayskul: Basta at, gayundin, Na ang tulong panteksbuk ay ipagkakaloob lamang sa mga
benepisyaryo ng suplementong pangmatrikula at paraan ng pagkontrata sa serbisyong pang-
edukasyon na ipinagkakaloob sa Batas na ito.

“SEK. 7. Pagpapalawak ng Kasalukuyang Educational Service Contracting (ESC) Scheme. —


(a) Ang Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at Isports ay magpapatuloy sa pagpasok sa mga
kontrata sa mga pribadong paaralan kung saan sasagutin ng pamahalaan ang matrikula at iba
pang bayarin ng mga estudyanteng papasok sa mga pribadong hayskul sa ilalim ng programang
ito.

“(b) Ang Kagawaran ay papasok din sa mga kontrata sa mga pribadong paaralan sa mga
komunidad kung saan walang mga pampublikong hayskul, at sa gayon ay sasagutin ng
Kagawaran ang matrikula at iba pang bayarin ng mga estudyanteng papasok sa mga naturang
pribadong paaralan.

“(c) Ang halaga ng tulong na ibibigay ng pamahalaan sa ilalim ng seksiyon na ito ay hindi hihigit
sa itinatakda bilang gastos ng bawat estudyante sa mga pampublikong hayskul.

“(d) Babayaran nang buo ng Kagawaran ang sagot na halaga sa mga lumalahok na paaralan nang
hindi lalampas sa isandaan at walumpung (180) araw mula sa pagsasara ng panahon ng
pagrerehistro.

“(e) Ang halaga ng tulong ay magkakaaroon ng alokasyon at ipamamahagi sa labing-anim (16)


na rehiyon sang-ayon sa proporsiyon sa kabuuang populasyon, at gayundin sa populasyon ng
nasa edad na panghayskul para sa unang taong pampaaralan: Basta at, Na sa simula ng taong
pampaaralan 1998, isang programang pampagkakapantay ang ipatutupad ng Lupon ng Tulong
Pang-estado.

“(f) Ang halaga ng tulong sa mga pribadong hayskul na lumalahok sa programa ay makatitiyak
ng bilang ng slot sa sandali ng pagkakaroon ng bisà ng Batas na ito na katumbas ng bilang ng
mga mag-aaral na kumukuha ng tulong sa pagkokontrata sa serbisyong pang-edukasyon para sa
taong pampaaralan 1997–1998: Basta at, Na ang Lupon ng Tulong Pang-estado ay maaaring
magtakda sa mga susunod na taon ng mga karagdagang slot at/o karagdagang nakikilahok na
pribadong hayskul kung kinakailangan.

“SEK. 8. Tulong sa mga Nasa Unang Taon sa Kolehiyo. — (a) Programang Voucher System of
Private Education Student Financial Assistance (PESFA). Ang umiiral na Programang Voucher
System of Private Education Student Financial Assistance (PESFA) na sumasaklaw sa mga
kursong may digri at bokasyonal/teknikal ay palalawakin upang ang lahat ng kalipikadong
pumapasok na estudyante sa unang taon ay makinabang sa iskolarship, at dagdag na alawans.
Ang naturang tulong pinansiyal ay ipagkakaloob sa karapat-dapat at walang sapat na
pribilehiyong mga estudyante, na pipiliin sang-ayon sa kita ng pamilya, lokasyong heograpiko, at
mga resulta ng kompetitibong mga pagsusulit na ibibigay ng CHED para sa mga kursong may
digri at ng TESDA para sa mga kursong bokasyonal/teknikal na walang digri sa lahat ng mga
paaralang sekundarya sa pakikipagtulungan sa DECS. Ang programa ay pantay-pantay na ilalaan
sa mga lalawigan at mga siyudad sang-ayon sa mga planong panrehiyon at pambansa sa mga
kursong priyoridad mula sa itinakda ng CHED at ng TESDA.

“Para sa mga layunin ng Batas na ito, ang estudyanteng walang sapat na pribilehiyo ay tutukoy
sa isang estudyante na ang taunang kabuuang kita, kung mayroon man, at ang pinagsamang
taunang kabuuang kita ng kaniyang mga magulang ay hindi lalampas sa pitumpu’t dalawang
libong piso (PHP72,000.00).

“(b) Waiver sa Matrikula. — Ang mga pribadong institusyong bokasyonal at teknikal na post-
sekundaryo at mga institusyon ng lalong mataas na edukasyon ay magkakaloob ng buo o
kalahating waiver sa matrikula para sa limang bahagdan (5%) ng mga pumapasok sa unang taon,
na kinabibilangan ng mga balediktoryan at salutatoryan ng kapwa pampubliko at pribadong
hayskul: Basta at, Na nakatugon ang mga balediktoryan at salutatoryang iyon sa mga pagsusulit
ng pagtanggap ng mga sangkot na paaralan.

(c) Alawans para sa mga Balediktoryan. — Sa ilalim ng mga tuntunin at regulasyon na maaaring
pagtibayin ng Lupon ng Tulong Pang-estado, ang mga balediktoryan na tinutukoy sa ilalim ng
subtalata (b) sa itaas, bilang dagdag sa mga waiver na pangmatrikula na ibinibigay ng mga
sangkot na paaralan, ay maaaring makatanggap ng mga naturang alawans mula sa pamahalaan na
gaya ng ipinagkakaloob sa mga nakatanggap mula sa PESFA, basta at pumapasok sila sa mga
kursong priyoridad.

(d) Alawans para sa iba pang Pinarangalan. Sakaling ang klaseng nagtatapos ay binubuo ng
mahigit sa dalawandaan at limampung (250) estudyante, lahat ng salutatoryan at unang
karangalang banggit na nagtapos mula roon ay maaari ding makatanggap ng alawans na
ipinagkakaloob sa balediktoryan sa ilalim ng sinundang talata.

“SEK. 9. Ibayong Tulong sa mga Mag-aaral sa mga Pribadong Kolehiyo at Unibersidad. — Ang
suplementong pangmatrikula para sa mga estudyante ng mga pribadong institusyong bokasyonal
at teknikal na post-sekundaryo at mga institusyon ng lalong mataas na edukasyon na pumapasok
sa mga programa ng mga kursong priyoridad ay pagkakalooban ng pamahalaan sa pamamagitan
ng isang sistemang voucher sang-ayon sa sumusunod na paraan:
“Para sa mga estudyanteng nasa mga programang priyoridad sa mga paaralang sumisingil ng
halaga ng matrikula kada yunit na sang-ayon sa itatakda ng Lupon ng Tulong Pang-estado,
magkakaloob ang pamahalaan sa estudyante ng isang vouchee na para sa halaga ng
suplementong pangmatrikula na itatakda ng Lupon ng Tulong Pang-estado.

“Ang tulong ng pamahalaan at pagtaas ng matrikula na inilarawan sa Seksiyong ito ay maaaring


saklawin ng mga parehong kondisyon na itinakda sa Seksiyon 5 (2).

“SEK. 10. Pondo sa Pagpapautang na Pang-edukasyon. — (a) “Planong Study Now, Pay Later.”
Nililikha mula rito ang isang natatanging pondo na kikilalanin bilang Pondo sa Pagpapautang sa
mga Mag-aaral na pangangasiwaan ng CHED at ng TESDA o sa bisa ng delegasyon ng CHED
ng Awtoridad sa Pondo sa Pagpapautang sa mga Mag-aaral na nilikha sa ilalim ng Batas
Republika Blg. 6014 na muling itinatatag dito sang-ayon sa mga itinakda ng parehong Batas
Republika na gagamitin upang tustusan ang mga pagpapautang na pang-edukasyon upang
sagutin ang matrikula at iba pang bayarin sa paaralan at edukasyon para sa libro, pang-araw-araw
na gastos, at matutuluyan.

“(b) Ang mga halagang sumasaklaw sa pambayad sa matrikula, at iba pang bayarin sa paaralan
ay kinakailangang bayaran nang tuwiran sa sangkot na paaralan.

“(c) Anumang pautang sa ilalim ng seksiyong ito ay babayaran ng estudyanteng nangutang


kapag natapos na niya ang kurso o propesyon na pinagkagastusan ng inutang, subalit matapos
ang dalawang (2) taon mula sa panahong nakakuha siya ng trabaho: Basta at, gayumpaman, Na
ang halaga ng interes na hindi lalampas sa anim na bahagdan (6%) kada taon ang idadagdag sa
balanse mula rito.

“(d) Pondo sa Social Security. Ang Social Security System ay magbubukas ng pautang na pang-
edukasyong may mababang interes para sa mga kasapi nito at sa mga institusyon ng pribadong
edukasyon para sa mga gusaling pampaaralan at/o pagpapabuti ng kanilang mga lugar at
pasilidad.

“SEK. 11. Ang karapatan ng sinumang estudyante na makakuha ng mga benepisyo sa ilalim ng
Batas na ito ay hindi mailalapat kapag bumagsak siya sa loob ng isang (1) taong pampaaralan sa
karamihan ng mga araling akademiko na ipinasok niya sa pag-aaral maliban kung ang dahilan ng
pagbagsak na iyon ay katanggap-tanggap na dahilang hindi niya kontrolado.

“SEK. 12. Pondo sa Pagsasanay na In-service (Pondong Inset). — Para sa layunin ng


pagpapabuti sa kalidad ng pagtuturo sa pribadong edukasyong sekundarya, itinatatag dito sa
Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at Isports ang Pondong Inset upang magpataas ng kaalaman
at kakayahang magturo sa mga kritikal na paksang aralin at para sa modernisasyon ng mga
teknik at estratehiya sa pagtuturo, kasama na ang pagsasanay sa paggamit ng mga computer at ng
iba pang mga teknolohiyang pang-edukasyon na multimedia upang tumulong sa pagtuturo: Basta
at, Na ang Pondong Inset ay makukuha lamang ng mga kalipikadong gurong lisensiyado sa mga
nakikilahok na pribadong hayskul sang-ayon sa pagtatakda ng Lupon ng Tulong Pang-estado:
Basta at, gayundin, Na ang halaga ng Pondong Inset na ilalaan sa pribadong edukasyong
sekundarya ay hindi lalampas sa nakalaan sa pampublikong edukasyong sekundarya sa batayang
per capita.

“SEK. 13. Pondo sa Pagpapabuti ng Kaguruang Pangkolehiyo. — Para sa layunin ng


pagpapabuti sa kalidad ng pagtuturo sa pribadong institusyong bokasyonal at teknikal na post-
sekundaryo at mga institusyon ng lalong mataas na edukasyon, itinatatag mula rito sa TESDA at
sa CHED ang isang Pondo sa Pagpapabuti ng Kaguruang Pangkolehiyo upang magkaloob ng
mga iskolarship para sa mga digring gradwado at mga palihan o seminar na may digri at walang-
digri para sa mga kasapi ng kaguruan sa mga pribadong institusyong bokasyonal at teknikal na
post-sekundaryo at mga institusyon ng lalong mataas na edukasyon: Basta at, Na ang kasapi ng
kaguruang tumatanggap ng naturang iskolarship ay maglilingkod ng parehong bilang ng taon ng
ganting paglilingkod sa bawat taon ng natanggap na iskolarship sang-ayon sa itatakda ng Lupon
ng Tulong Pang-estado sang-ayon sa umiiral na mga polisiya ng National Economic and
Development Authority (NEDA) sa ganting paglilingkod ng mga iskolar ng pamahalaan. Ang
iskolarship ay kinakailangang sa mga kursong priyoridad na itinakda ng TESDA at CHED at
hindi maigagawad upang itaguyod o pigilan ang mga layuning sektaryan.

“SEK. 14. Pondo sa Pagtulong sa Sahod ng mga Guro. — Ang isang Pondo sa Pagtulong sa
Sahod ng mga Guro ay itinatatag dito sa DECS upang magkaloob ang pamahaan ng tulong sa
mga guro sa mga pribadong hayskul na nakikilahok sa mga programa ng pagtulong na
nakapaloob sa Batas na ito: Basta at, Na ang kabuuang buwanang suweldo kasama na ang tulong
na tatanggapin ng naturang mga guro sa mga pribadong hayskul ay kinakailangang hindi hihigit
sa walumpung bahagdan (80%) ng suweldo ng kaniyang katapat sa pampublikong sektor: Basta
at, gayundin, Na ang halaga ng buwanang tulong ay hindi hihigit sa halaga ng anumang
buwanang pagtaas ng sahod na matatanggap ng mga guro sa mga pampublikong hayskul
matapos ang pagkakabisa ng Batas na ito: Basta at, gayundin, Na ang mga guro sa pribadong
hayskul na kalipikadong tumanggap ng tulong sa ilalim ng Batas na ito ay lisensiyado ng
Professional Regulation Commission: Basta at, gayundin, Na magkakaloob ang pamahalaan sa
kanila ng isang voucher para sa tulong sa suweldo na babayaran nang tuwiran sa mga guro sa
loob ng animnapung (60) araw matapos ang pagsasara ng taong pampaaralan pagkapása ng
patunay ng kalipikasyon at aktuwal na serbisyo ng pagtuturo sa isang lumalahok na pribadong
hayskul: Basta at, gayundin, Na ang kasalukuyang alokasyon mula sa pagtaas ng matrikula at iba
pang kita ay pananatiliin: Basta at, sa huli, Na sa kaso ng kakulangan ng pondo, bibigyan ng
priyoridad ang mga kasal na gurong may sinusuportahang pamilya.

“SEK. 15. Administrasyon ng Programa/Mga Tuntunin at Regulasyon. — Pananagutan ng


Lupon ng Tulong Pang-estado ang gabay at direksiyong pampolisiya, ang pagbabantay at
ebalwasyon ng mga bago at ipinatutupad na programa, at ang pagpapatupad ng mga tuntunin at
regulasyon, samantalang ang Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at Isports, ang TESDA, at ang
CHED ang may pananagutan sa araw-araw na pangangasiwa at pagpapatupad ng programa para
sa mga programa ng pagtulong sa pribadong edukasyong sekundarya, edukasyong bokasyonal at
teknikal na post-sekundarya, at lalong mataas na edukasyon. Gayundin, maaari nitong gamitin
ang mga serbisyo at suporta ng anumang kalipikadong entidad ng pamahalaan o pribado para sa
pagpapatupad nito.
“Ang Lupon ng Tulong Pang-estado, na kikilalanin mula rito bilang Lupon, ay pamumunuan ng
Kalihim ng Edukasyon, Kultura at Isports bilang tagapangulo, ng tagapangulo ng CHED at ng
direktor-heneral ng TESDA bilang mga katuwang na tagapangulo, na may mga kinatawan mula
sa National Economic and Development Authority, Department of Budget and Management,
Department of Science and Technology, at mga kinatawan mula sa mga organisadong
pambansang samahan ng mga guro, mag-aaral, magulang, at mga administrador pampaaralan na
may kinalaman sa sekundarya, edukasyong bokasyonal at teknikal na post-sekundaryo, at lalong
mataas na edukasyon, bilang mga kasapi. Ang huling tatlong (3) kasapi ay itatalaga ng Lupon
sang-ayon sa rekomendasyon ng kani-kanilang sektor para sa isang termino ng isang (1) taong
pampaaralan na maaaring muling maitalaga para sa pinakamahabang terminong apat (4) na taong
pampaaralan. Tig-isang kinatawan mula sa mga Komite sa Edukasyon ng parehong Kapulungan
ang itatalaga bilang mga sanggunian sa Lupon.

“Magpupulong ang Lupon, nang pana-panahon, sang-ayon sa pangangailangan, upang tayain ang
pagiging mabisà ng mga programa at upang tiyakin na ang mga paaralang sekundarya, mga
institusyong bokasyonal at teknikal na post-sekundaryo, at mga institusyon ng lalong mataas na
edukasyon kung saan pumapasok ang mga tinutulungan ay patuloy na nagbibigay ng edukasyong
may-kalidad. Para sa layuning ito, magtatatag ang Lupon ng pamantayan upang tiyakin kung
aling mga paaralang sekundarya, mga institusyong bokasyonal at teknikal na post-sekundaryo, at
mga institusyon ng lalong mataas na edukasyon ang patuloy na makatatanggap ng mga
estudyante at mga guro/kaguruan na tumatanggap ng tulong mula sa pamahalaan sa ilalim ng
Batas na ito.

“SEK. 16. Mga Apropriyasyon. — Ang halagang kinakailangan upang maipatupad ang mga
programang ito ay sasagutin ng taunang Batas Pangkalahatang Apropriyasyon para sa taong
1998. Ang apropriyasyong isang bilyong piso (PHP1,000,000,000.00) na naitalaga na sa ilalim
ng Batas Pangkalahatang Apropriyasyon ng 1998 ay gagamitin para sa layuning ito.

“Lahat ng pondong nakatalaga para sa layuning ito ay bubuin bilang isang trust fund na
pangangasiwaan ng Lupon ng Tulong Pang-estado, na tuwiran at awtomatikong ilalabas sa iba’t
ibang tanggapang panrehiyon ng DECS.

“SEK. 17. Sakaling may paglabag sa anumang mga probisyon ng Batas na ito o sa mga tuntunin
at regulasyong isinabatas para sa pagsusulong nito ang isang institusyon, ang Kagawaran ng
Edukasyon, Kultura at Isports, ang TESDA, at ang CHED, sa rekomendasyon ng Lupon, ay
maaaring pigilan ang institusyon sa pakikilahok o sa pakikinabang sa mga programa ng Batas na
ito, at sa iba pang mga programa ng Kagawaran, nang walang pagsasaalang-alang sa mga sakdal
na administratibo at kriminal na maaaring gawin laban sa paaralan at/o sa mga may pananagutan
nitong opisyal sa ilalim ng mga umiiral na batas.

“SEK. 18. Sugnay na Pambawi. — Lahat ng mga batas at dekreto, partikular ang Mga Dekretong
Pampanguluhan Blg. 932 at 1371 at ang mga gayong katitikan ng panuto, mga tuntunin at
regulasyon, o mga bahagi nito na hindi sang-ayon sa nilalaman ng Batas na ito ay binabawi rito o
binabago nang naaayon sa nilalaman nito.
“SEK. 19. Sugnay ng Pagkakahiwalay. — Kung anuman sa probisyon ng Batas na ito ay
ipahayag na hindi sang-ayon sa Konstitusyon, hindi maaapektuhan niyon ang pagiging
katanggap-tanggap at bisa ng mga probisyong hindi naapektuhan niyon.

“SEK. 20. Sugnay ng Pagkakabisà. — Ang Batas na ito ay agarang magkakaroon ng bisà sa
publikasyon nito sa Ingles sa isang pahayagan sa Ingles at sa Filipino sa isang pahayagan sa
Filipino, na kapwa may malawakang sirkulasyon: Basta at, Na ang pagpapatupad ng mga bagong
programa ng pagtulong na nakapaloob sa Batas na ito ay magkakabisà sa taong pampaaralan ng
kasunod ng taong pampiskalya kung kailan ang mga apropriyasyon na kinakailangan upang
maipatupad ang mga bagong programa ay pinagtibay na bilang batas.”

SEKSIYON 2. Sugnay ng Pagkakabisà. — Ang Batas na ito ay agarang magkakaroon ng bisà sa


publikasyon nito sa Ingles sa isang pahayagan sa Ingles at sa Filipino sa isang pahayagan sa
Filipino, na kapwa may malawakang sirkulasyon.

Pinagtibay: 24 Pebrero 1998

[Read in English]

Di-opisyal na salin ng Official Gazette para sa mga pangangailangang pampatalastas.

This entry was posted under Laws and Issuances, Republic Acts and tagged Laws, Republic
Acts. Bookmark the permalink.

REPUBLIC OF THE PHILIPPINES

All content is in the public domain unless otherwise stated.

ABOUT GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.

 Official Gazette
 Open Data Portal

GOVERNMENT LINKS

You might also like