You are on page 1of 10

Batas Republika Blg.

6728
June 10, 1989
Tags: Laws, Republic Acts

Di-opisyal na salin ng Official Gazette para sa mga pangangailangang pampatalastas.

[Read in English]

REPUBLIC OF THE PHILIPPINES


CONGRESS OF THE PHILIPPINES
Second Regular Session

BATAS REPUBLIKA BLG. 6728

ISANG BATAS NA NAGKAKALOOB NG TULONG NG PAMAHALAAN SA MGA


MAG-AARAL AT GURO SA PRIBADONG EDUKASYON, AT PAGLALAAN NG MGA
PONDO PARA RITO

SEKSIYON 1. Pamagat. – Kikilalanin ang Batas na ito bílang “Batas sa Tulong Pampamahalaan
sa Mga Mag-aaral at Mga Guro sa Pribadong Edukasyon.”

SEKSIYON 2. Pagpapahayag ng Polisiya. – Isang ipinahayag na polisiya ng Estado alinsunod sa


mandato ng Saligang Batas na palaganapin at gawing maaabot ng lahat ng mga mamamayang
Filipino ang edukasyong may-kalidad. Kinikilala rin ng Estado mula rito ang nagtutugunang mga
papel ng mga pampubliko at pribadong institusyong pang-edukasyon sa sistemang pang-
edukasyon at ang mahalagang naiambag at maiaambag ng mga pribadong paaralan sa
edukasyon. Para sa mga layuning ito, magkakaloob ang Estado ng mga mekanismo upang
mapabúti ang kalidad ng pribadong edukasyon sa pamamagitan ng paglubos sa paggamit ng mga
kasalukuyang yaman ng pribadong edukasyon, pagkilala sa responsabilidad ng pamahalaan
upang magkaloob ng batayang edukasyon sa elementarya at sekundarya nang may priyoridad sa
gawain nitong magkaloob para sa lalong mataas na edukasyon.

SEKSIYON 3. Mga Batayan para sa Pagtulong. – Ang mga programa para sa pagtulong ay
magiging sang-ayon sa itinakdang mga batayan na magsasangkot ng, kasama ng iba pa, mga
bayarin sa matrikula na sinisingil ng mga paaralan, mga pangangailangang sosyo-ekonomiko ng
bawat rehiyon, pangkalahatang gawain ng mga paaralan, mga kalipikasyong akademiko at
pangangailangang pampananalapi ng mga mag-aaral, gayundin ang heograpikong saklaw at laki
ng populasyon ng mga mag-aaral.

Bilang karagdagan sa mga nabanggit na batayan, sa loob ng katanggap-tanggap na panahon na


itatakda ng Lupon ng Tulong Pang-estado, ang pinagkaloobang estudyante sa ilalim ng Programa
sa Tulong Pinansiyal para sa Mag-aaral ng Pribadong Edukasyon ay ipapasok sa mga paaralang
may mga programang may akreditasyon o sumasailalim sa akreditasyon sang-ayon sa pagtiyak
ng Pederasyon ng mga Ahensiya sa Akreditasyon ng Pilipinas, gaya ng The Philippine
Association of Accredited Schools, Colleges and Universities; Association of Christian Schools
and Colleges Accrediting Agency; at ng Philippine Association of Colleges and Universities
Commission on Accreditation.

Uunahin ang mga mag-aaral na ang kita ng pamilya ay hindi hihigit sa tatlumpu’t anim na libong
piso (PHP36,000.00) o sa halagang titiyakin ng Lupon, sang-ayon sa pagpapakahulugan mula
rito.

Para sa mga layunin ng Batas na ito, ang mga programang pantulong sa mga mag-aaral ng
pribadong edukasyon matapos ang sekundarya ay ipagkakaloob din sa mga mag-aaral ng mga
kolehiyong pangkomunidad at sa mga mag-aaral ng mga programang di-pandigri kasama na ang
mga kursong bokasyonal at teknikal. Ang pagpapatupad ng programa ay makahihikayat ng mga
mag-aaral na sumailalim sa edukasyong tersiyaryo sa parehong rehiyon kung saan nakatira ang
kanilang mga pamilya.

Ang mga programang pantulong sa ilalim ng Batas na ito ay ipagkakaloob lámang sa mga mag-
aaral na mamamayan ng Pilipinas.

SEKSIYON 4. Mga Anyo ng Pantulong. — Bubuuin ang pantulong sa pribadong edukasyon ng:

(1) Suplementong pangmatrikula para sa mga estudyante sa pribadong hayskul, kasama na ang
mga estudyante sa mga kursong bokasyonal at teknikal;

(2) Pondong Pantulong sa Teksbuk na Panghayskul: Basta at, Ang mga estudyante sa mga
pampublikong paaralan ay pagkakalooban ng isang komprehensibong programang panteksbuk sa
ilalim ng Secondary Education Development Program (SEDP);

(3) Pagpapalawak ng kasalukuyang Educational Service Contracting (ESC) Scheme;

(4) Ang sistemang voucher ng Private Education Student Financial Assistance Program
(PESFA);

(5) Mga kaloob na iskolarship sa mga estudyanteng nagtatapos bilang balediktoryan at


salutatoryan mula sa mga paaralang sekundarya;

(6) Mga suplementong pangmatrikula sa mga mag-aaral sa pribadong kolehiyo at unibersidad;

(7) Pondo sa Pagpapautang na Pang-edukasyon; at

(8) Pondo sa Pagpapabuti ng Kaguruang Pangkolehiyo.

SEKSIYON 5. Suplementong Pangmatrikula para sa mga Estudyante sa Pribadong Hayskul. —


(1) Ang tulong pinansiyal para sa matrikula ng mga estudyante sa mga pribadong hayskul ay
ipagkakaloob ng gobyerno sa pamamagitan ng isang sistemang voucher sang-ayon sa
sumusunod:
(a) Para sa mga mag-aaral na nakaenrol sa mga paaralang sumisingil ng mababà sa isang libo at
limandaang piso (PHP1,500.00) kada taon sa matrikula at iba pang bayarin sa loob ng taong
pampaaralan 1988–1989 o ang katumbas na halaga sa mga susunod na taon sang-ayon sa pana-
panahong pagtiyak ng Lupon sa Tulong Pang-estado: Magkakaloob ang Gobyerno sa kanila ng
isang voucher na katumbas ng dalawandaan at siyamnapung piso (PHP290.00): Basta at, Na ang
estudyante ay nagbayad sa 1989–1990 taong pampaaralan ng matrikula at iba pang bayarin na
katumbas ng matrikula at iba pang bayarin ng sinundang taong akademiko: Basta at, maliban
dito, Na ang Gobyerno ay babayaran ang mga voucher mula sa mga sangkot na paaralan sa loob
ng animnapung (60) araw mula sa pagsasara ng panahon ng pagrerehistro: Basta at, gayundin,
Na ang pamilya ng estudyante ay nakatira sa parehong siyudad o lalawigan kung saan naroon
ang hayskul maliban kung ang estudyante ay naipasok sa paaralang iyon nang sinundang taong
akademiko.

(b) Para sa mga estudyanteng nakaenrol sa mga paaralang sumisingil ng mahigit sa isang libo at
limandaang piso (PHP1,500.00) kada taon sa matrikula at iba pang bayarin sa loob ng taong
pampaaralan 1988–1989 o ang katumbas na halaga sa mga susunod na taon sang-ayon sa pana-
panahong pagtiyak ng Lupon sa Tulong Pang-estado, walang tulong sa matrikula ang ibibigay ng
Gobyerno: Basta at, gayumpaman, Na ang mga paaralang sangkot ay makapagtataas ng
matrikula sang-ayon sa Seksiyon 10 mula rito.

(2) Ang tulong sa ilalim ng talata (1), mga subtalata (a) at (b), ay pagkakalooban at ang mga
matrikula sa ilalim ng subtalata (c) ay maitataas, sa kondisyong ang pitumpung bahagdan (70%)
ng halagang sinasagot na nakalaan para sa matrikula o ng pagtaas sa matrikula ay mapupunta sa
pagbabayad ng mga suweldo, kita, allowance, at iba pang benepisyo ng mga kawaning nagtuturo
at di-nagtuturo maliban ang mga administrador na siyang mga pangunahing stockholder ng
paaralan, at maaaring gamitin upang punuan ang pagtaas sang-ayon sa itinatakda sa umiiral na
mga kasunduan ng kolektibong tawaran o ipinatutupad sa panahong inaprubahan ang Batas na
ito at ginawang epektibo: Basta at, Na ang mga kaloob ng pamahalaan ay hindi tuwirang ginamit
para sa mga suweldo ng mga guro ng mga araling di-sekular. Hindi bababa sa dalawampung
bahagdan (20%) ang mapupunta sa pagpapabuti o modernisasyon ng mga gusali, kasangkapan,
aklatan, laboratoryo, gym, at katulad na mga pasilidad at sa pagbabayad ng iba pang gastusin sa
pagpapatakbo samga ito. Para sa layuning ito, kailangang humawak ng paaralan ng isang
hiwalay na rekord ng mga akawnt para sa lahat ng tulong na natanggap mula sa pamahalaan,
anumang pagtaas ng matrikula, at ng detalyadong disposisyon at paggamit mula rito, at ang
naturang rekord ay kinakailangang bukas sa pana-panahong inspeksiyon sang-ayon sa itatakda
ng Lupon ng Tulong Pang-Estado, sa mga oras ng negosyo, ng kaguruan, ng kawanihang di-
nagtuturo, ng mga estudyante ng paaralang sangkot, ng Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at
Isports at iba pang sangkot na mga ahensiya ng pamahalaan.

SEKSIYON 6. Pondong Pantulong sa Teksbuk na Panghayskul. — Magtatatag sa Kagawaran ng


Edukasyon, Kultura at Isports (DECS) ng isang Pondong Pantulong sa Teksbuk na Panghayskul
upang may tulong sa bawat mag-aaral na maibigay sa mga pribadong paaralan na naniningil ng
mababà sa isang libo at limandaang piso (PHP1,500.00) kada taon sa 1988–1989 kada taon, o
ang katumbas na halaga sa mga susunod na taon sang-ayon sa pana-panahong pagtiyak ng Lupon
sa Tulong Pang-estado, na eksklusibong para sa pagbili ng mga teksbuk na panghayskul, bilang
pagtataguyod sa implementasyon ng Programa sa Pagpapaunlad ng Edukasyong Sekundarya:
Basta at, Na ang naturang pondo ay hindi gagamitin sa pagbili ng mga libro na magsusulong o
magpipigil sa mga interes na sektaryan: Basta at, gayundin, Na ang naturang mga teksbuk ay
kasama sa listahang inaprubahan ng Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at Isports.

SEKSIYON 7. Pagpapalawak ng Kasalukuyang Educational Service Contracting (ESC) Scheme.


— (a) Ang Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at Isports ay magpapatuloy sa pagpasok sa mga
kontrata sa mga pribadong paaralan kung saan sasagutin ng Pamahalaan ang matrikula at iba
pang bayarin ng mga estudyanteng lumabis sa mga pampublikong hayskul na papasok sa ilalim
ng programang ito. Kailangan nitong tupdin ang lahat ng kasalukuyang obligasyon bago
pumasok sa mga bagong obligasyon.

(b) Ang Kagawaran ay kinakailangang pumasok din sa kontrata sa mga pribadong paaralan sa
mga komunidad kung saan walang mga pampublikong hayskul, at sa gayon ay sasagutin ng
Kagawaran ang matrikula at iba pang bayarin ng mga estudyanteng papasok sa mga naturang
pribadong paaralan. Ang bilang ng mga naturang paaralang tutulungan ng programa ay
palalakihin kada taon hanggang sa ang lahat ng paaralan sa kategoryang ito ay matulungan sa
loob ng apat na taon mula sa promulgasyon ng Batas na ito.

(c) Ang halaga ng tulong na ibibigay ng Pamahalaan sa ilalim ng Seksiyon na ito ay hindi hihigit
sa itinatakda bilang gastos ng bawat estudyante sa mga pampublikong hayskul.

(d) Babayaran nang buo ng Kagawaran ang sagot na halaga sa mga lumalahok na paaralan nang
hindi lalampas sa katapusan ng taong pampaaralan, maliban kung ang pagkahuli ay dahil sa mga
lumalahok na paaralan.

(e) Ang halaga ng tulong ay magkakaaroon ng alokasyon at ipamamahagi sa labing-apat (14) na


rehiyon sang-ayon sa proporsiyon sa kabuuang populasyon, at gayundin sa populasyon ng nasa
edad na panghayskul para sa unang taong pampaaralan: Basta at, Na sa simula ng taong
pampaaralan 1990, isang programang pampagkakapantay ang ipatutupad ng Lupon ng Tulong
Pang-estado.

SEKSIYON 8. Tulong sa mga Nasa Unang Taon sa Kolehiyo. — (a) Programang Voucher
System of Private Education Student Financial Assistance (PESFA). Ang umiiral na Programang
Voucher System of Private Education Student Financial Assistance (PESFA) na sumasaklaw sa
mga kursong may digri at bokasyonal/teknikal ay palalawakin upang hindi bababa sa sampung
bahagdan (10%) para sa taong pampaaralan 1989, labinlimang bahagdan (15%) para sa taong
pampaaralan 1990, dalawampung bahagdan (20%) para sa taong pampaaralan 1991,
dalawampu’t limang bahagdan (25%) para sa taong pampaaralan 1992 at matapos iyon, ng lahat
ng pumapasok na estudyante sa unang taon ang makinabang sa buo o bahaging iskolarship, at
alawans. Ang naturang tulong pinansiyal ay ipagkakaloob sa karapat-dapat at walang sapat na
pribilehiyong mga estudyante, na pipiliin sang-ayon sa kita ng pamilya, lokasyong heograpiko, at
mga resulta ng kompetitibong mga pagsusulit na ibibigay ng Kagawaran ng Edukasyon, Kultura
at Isports sa mga mag-aaral sa lahat ng mga paaralang sekundarya. Ang programa ay pantay-
pantay na ilalaan sa mga lalawigan at mga siyudad sang-ayon sa mga planong panrehiyon at
pambansa sa mga kursong priyoridad mula sa itinakda ng Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at
Isports sa pakikipagtulungan ng National Economic Development Authority (NEDA). Ang mga
kursong priyoridad ay ipapása sa Kongreso sa simula ng programang ito at ang anumang mga
pagbabago mula rito nang peryodiko.

Para sa mga layunin ng Batas na ito, ang estudyanteng walang sapat na pribilehiyo ay tutukoy sa
isang estudyante na ang taunang kabuuang kita, kung mayroon man, at ang pinagsamang taunang
kabuuang kita ng kaniyang mga magulang ay hindi lalampas sa tatlumpu’t anim na libong piso
(PHP36,000.00).

(b) Waiver sa Matrikula. — Ang mga pribadong kolehiyo at unibersidad ay magkakaloob ng buo
o kalahating waiver sa matrikula para sa limang bahagdan (5%) ng mga pumapasok sa unang
taon, na kinabibilangan ng mga balediktoryan at salutatoryan ng kapwa pampubliko at pribadong
hayskul na sumisingil ng mas mababa sa isang libo at limandaang piso (PHP1,500.00) kada
estudyante kada taon simula taong pampaaralan 1988–1989, o ang katumbas na halaga sa mga
susunod na taon sang-ayon sa itatakda ng Lupon sa Tulong Pang-estado: Basta at, Na nakatugon
ang mga balediktoryan at salutatoryang iyon sa mga pagsusulit ng pagtanggap at mga kahingian
sa pananatilì ng mga sangkot na paaralan. Para sa layuning ito, ang halaga ng matrikula para sa
papasok sa unang taon sa lahat ng pribadong paaralan at kolehiyo ay maaaring itakda ng
mismong paaralan, matapos ang angkop na pagsangguni sa mga magulang, mag-aaral at
nagsipagtapos sa paaralan. Para sa layuning ito, ang in-audit na pagpapahayag ng pananalapi ay
kinakailangang bulsan sa mga awtorisadong kinatawan ng mga sektor na ito.

(c) Alawans ng mga Balediktoryan. — Sa ilalim ng mga tuntunin at regulasyon na maaaring


pagtibayin ng Lupon ng Tulong Pang-estado, ang mga balediktoryan na tinutukoy sa ilalim ng
subtalata (b) sa itaas, bilang dagdag sa mga waiver na pangmatrikula na ibinibigay ng mga
sangkot na paaralan, ay maaaring makatanggap ng mga naturang alawans mula sa pamahalaan na
gaya ng ipinagkakaloob sa mga nakatanggap mula sa PESFA, basta at pumapasok sila sa mga
kursong priyoridad.

(d) Alawans para sa iba pang Pinarangalan. — Sakaling ang klaseng nagtatapos ay binubuo ng
mahigit sa dalawang daan at limampung (250) estudyante, lahat ng salutatoryan at unang
karangalang banggit na nagtapos mula roon ay maaari ring makatanggap ng alawans na
ipinagkakaloob sa balediktoryan sa ilalim ng sinundang talata.

SEKSIYON 9. Ibayong Tulong sa mga Mag-aaral sa mga Pribadong Kolehiyo at Unibersidad.


— Ang pandagdag sa bayad pangmatrikula para sa mga estudyanteng lampas na sa unang taon sa
mga pribadong kolehiyo at unibersidad na nasa mga programa ng mga kursong priyoridad na
itinakda ng Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at Isports ay pagkakalooban ng pamahalaan sa
pamamagitan ng isang sistemang voucher sang-ayon sa sumusunod na paraan:

(a) Para sa mga estudyanteng muling pumapasok sa mga programang priyoridad sa mga
paaralan, na naniningil ng halagang walumpung piso (PHP80.00) kada yunit o mas mababa kada
yunit o ng gayong halaga sa mga susunod na taon sang-ayon sa itatakda ng Lupon ng Tulong
Pang-estado: Ang pamahalaan ay magkakaloob sa estudyante ng isang voucher na may halagang
katumbas ng pagtaas ng matrikula: Basta at, Na ang lahat ng mga paaralan sa kategoryang ito ay
hindi pahihintulutang magtaas ng kanilang bayarin ng higit sa labindalawang piso (PHP12.00)
kada yunit, kapwa sa mga kursong priyoridad at di-priyoridad; at Basta at, Na ang naturang
tulong ay ibibigay lamang sa mga estudyanteng nakatapos ng isang taong akademiko pagdating
ng Hunyo 1989 sa mga programang priyoridad at hindi mailalapat sa mga estudyante sa kolehiyo
sa hinaharap at sa kasalukuyang estudyante sa kolehiyo na lumipat sa labas ng kanilang rehiyon.

(b) Para sa mga estudyante sa mga paaaralang naniningil ng halagang mahigit sa walumpung
piso (PHP80.00) kada yunit o ng gayong halaga sa mga susunod na taon sang-ayon sa itatakda
ng Lupon ng Tulong Pang-estado: Ang Pamahalaan ay hindi magkakaloob ng tulong, at
maaaring magtakda ang mga paaralan ng sarili nilang halaga ng matrikula, sang-ayon sa
Seksiyon 10 mula rito: Basta at, Na magkakaloob sila ng buo o kalahating waiver sa matrikula sa
limang bahagdan (5%) ng lahat ng kanilang mga estudyante.

(c) Ang mga paaaralang may mga programang may akreditasyon na naniningil ng halaga ng
matrikula na mababa sa walumpung piso (PHP80.00) kada yunit o ng katumbas na halaga sa mga
susunod na taon sang-ayon sa itatakda nang pana-panahon ng Lupon ng Tulong Pang-estado ay
maaaring magpatuloy sa pagtatakda ng halaga ng matrikula, sang-ayon sa Seksiyon 10 mula rito,
at ang mga estudyanteng lampas na sa unang taon sa kanilang mga kursong priyoridad na may
akreditasyon ay maaaring tumanggap ng isang voucher na katumbas ng pagtaas ng matrikula
sang-ayon sa nasa talata (a) mula rito.

(d) Ang tulong ng pamahalaan at pagtaas ng matrikula na inilarawan sa Seksiyong ito ay


maaaring saklawin ng mga parehong kondisyon na itinakda sa Seksiyon 5 (2).

SEKSIYON 10. Konsultasyon. — Sa anumang mungkahing pagtaas sa halaga ng matrikula,


kinakailangang may angkop na mga konsultasyong isinagawa ang administrasyon ng paaralan sa
kaukulang mga organisadong samahan ng mga magulang at mga guro at mga samahan ng
kaguruan sa mga paaralang sekundarya, at sa pamahalaan o lupong pangmag-aaral, mga
samahang pang-alumni at pangkaguruan sa mga kolehiyo. Para sa layuning ito, ang in-audit na
pagpapahayag ng pananalapi ay kinakailangang bukás sa mga awtorisadong kinatawan ng mga
sektor na ito. Kailangang gawin ang lahat upang ayusin ang anumang hidwaan. Sakaling may di-
pagkakasundo, ang samahang pang-alumni ng paaralan o anumang pangkat na walang
pinapanigan na kanilang pinili ang magsisilbing tagapamagitan.

SEKSIYON 11. Pondo sa Pagpapautang na Pang-edukasyon. — (a) “Planong Study Now, Pay
Later.” Nililikha mula rito ang isang natatanging pondo na kikilalanin bilang Pondo sa
Pagpapautang sa mga Mag-aaral na pangangasiwaan ng Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at
Isports, o sa pamamagitan ng delegasyon ng Kagawaran, ng Awtoridad sa Pondo sa
Pagpapautang sa mga Mag-aaral na nilikha sa ilalim ng Batas Republika Blg. 6014 na muling
itinatatag dito sang-ayon sa mga itinakda ng parehong Batas Republika na gagamitin upang
tustusan ang mga pagpapautang na pang-edukasyon upang sagutin ang matrikula at iba pang
bayarin sa paaralan at edukasyon para sa libro, pang-araw-araw na gastos, at matutuluyan.

(b) Ang mga halagang sumasaklaw sa pambayad sa matrikula, at iba pang bayarin sa paaralan ay
kinakailangang bayaran nang tuwiran sa sangkot na paaralan.

(c) Anumang pautang sa ilalim ng Seksiyong ito ay babayaran ng estudyanteng nangutang kapag
natapos na niya ang kurso o propesyon na pinagkagastusan ng inutang, subalit matapos ang
dalawang (2) taon mula sa panahong nakakuha siya ng trabaho: Basta at, gayumpaman, Na ang
halaga ng interes na hindi lalampas sa labindalawang bahagdan kada taon ang idadagdag sa
balanse mula rito.

(d) Pondo sa Social Security. Ang Pondo sa Social Security System ay magbubukas ng pautang
na pang-edukasyong may mababang interes para sa mga kasapi nito at sa mga institusyon ng
pribadong edukasyon para sa mga gusaling pampaaralan at/o pagpapabuti ng kanilang mga lugar
at pasilidad.

SEKSIYON 12. Limitasyon. — Ang karapatan ng sinumang estudyante na makakuha ng mga


benepisyo sa ilalim ng Batas na ito ay hindi mailalapat:

(a) Kapag bumagsak siya sa loob ng isang (1) taong pampaaralan sa karamihan ng mga araling
akademiko na ipinasok niya sa pag-aaral maliban kung ang dahilan ng pagbagsak na iyon ay
katanggap-tanggap na dahilang hindi niya kontrolado; at

(b) Kapag nagmatrikula siya sa unang pagkakataon, o lumipat, sa labas ng rehiyon kung saan
siya naninirahan maliban kung ang kursong gusto niyang kunin ay isang kursong priyoridad na
itinakda ng Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at Isports at hindi iniaalok sa anumang pribadong
paaralan sa kaniyang rehiyon.

SEKSIYON 13. Pondo sa Pagpapabuti ng Kaguruang Pangkolehiyo. — Para sa layunin ng


pagpapabuti sa kalidad ng pagtuturo sa lalong mataas na edukasyon, itinatatag mula rito ang
isang Pondo sa Pagpapabuti ng Kaguruang Pangkolehiyo sa Kagawaran ng Edukasyon, Kultura
at Isports upang magkaloob ng mga iskolarship para sa mga digring gradwado at mga palihan o
seminar na walang-digri para sa mga kasapi ng kaguruan sa mga pribadong kolehiyo at
unibersidad: Basta at, Na ang kasapi ng kaguruang tumatanggap ng naturang iskolarship ay
maglilingkod ng tatlong (3) taon ng pabalik na paglilingkod sa bawat taon ng natanggap na
iskolarship. Ang iskolarship ay kinakailangang sa mga kursong priyoridad na itinakda ng
Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at Isports sa pakikipagtulungan ng National Economic
Development Authority (NEDA) at hindi maigagawad upang itaguyod o pigilan ang mga
layuning sektaryan.

SEKSIYON 14. Administrasyon ng Programa/Mga Tuntunin at Regulasyon. — Pananagutan ng


Lupon ng Tulong Pang-estado ang gabay at direksiyong pampolisiya, ang pagbabantay at
ebalwasyon ng mga bago at ipinatutupad na programa, at ang pagpapatupad ng mga tuntunin at
regulasyon, samantalang ang Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at Isports ang may pananagutan
sa araw-araw na pangangasiwa at pagtataguyod sa kalipikadong entidad na pampamahalaan o
pribado para sa pagpapatupad nito.

Ang Lupon ng Tulong Pang-estado (SAC), na kikilalanin mula rito bilang Lupon, ay
pamumunuan ng Kalihim ng Edukasyon, Kultura at Isports bilang tagapangulo, na may mga
kinatawan mula sa NEDA, DBM, DOST, at mga kinatawan mula sa mga organisadong
pambansang samahan ng mga guro, mag-aaral, at mga administrador pampaaralan bilang mga
kasapi. Ang huling tatlong (3) kasapi ay itatalaga ng Pangulo sang-ayon sa rekomendasyon ng
kani-kanilang sektor para sa isang termino ng apat (4) na taon.
Magpupulong ang Lupon, nang pana-panahon, sang-ayon sa pangangailangan, upang tayain ang
pagiging mabisà ng mga programa at upang tiyakin na ang mga paaralan, kolehiyo, at
pamantasan kung saan pumapasok ang mga tinutulungan ay patuloy na nagbibigay ng
edukasyong may-kalidad. Para sa layuning ito, magtatatag ang Lupon ng pamantayan, kasama na
ang estado ng akreditasyon, upang tiyakin kung aling mga paaralan, kolehiyo, at pamantasan ang
patuloy na makatatanggap ng mga estudyanteng tumatanggap ng tulong mula sa pamahalaan sa
ilalim ng Batas na ito.

SEKSIYON 15. Mga Apropriyasyon. — (a) Ang mga apropriyasyon ng Kagawaran ng


Edukasyon, Kultura at Isports na pinahintulutan sa Batas Pangkalahatang Mga Apropriyasyon
para sa Taong Pampiskalya ng 1989, Batas Republika Blg. 6688, para sa A.7.d. Implementasyon
ng mga programa para sa edukasyong sekundarya, A.7.e Implementasyon ng mga programa para
sa lalong mataas na edukasyon, A.7.g Implementasyon ng libreng edukasyong sekundarya, ay
babawasan hangga’t maaari sa isang batayang naaayon sa bawat rehiyon upang magkaroon ng
mga pondo para sa mga kahingian ng Batas na ito para sa Taong Pampiskalya ng 1989: Basta at,
Na ang mga natipid mula sa anumang ibang aytem ng apropriyasyon ng Kagawaran ng
Edukasyon, Kultura at Isports ay magagamit para sa implementasyon ng Batas na ito sa Taong
Pampiskalya ng 1989: Basta at, gayundin, Na ano mang pagkukulang ay kukunin mula sa
alinman o sa lahat ng mga sumusunod na mapagmumulan:

(1) Mga bahagi ng mga levy ng niyog na pinahintulutan sa ilalim ng Batas Republika Blg. 6260
at Kautusang Pampanguluhan Blg. 1468 at iba pang mga batas na itinakda upang tustusan ang
mga iskolarship para sa kapakanan ng mga karapat-dapat na anak ng mga magniniyog, at ang
kita mula roon: Basta at, Na ang naturang pondo ay gagamitin lamang para sa programa ng
pagtulong para sa mga naturang bata, kasama na ang kanilang mga libro, tutuluyan at makakain,
at iba pang gastusin sa araw-araw sakaling hindi sagot ang mga ito sa isang partikular na
programa ng pagtulong;

(2) Dalawang bahagdan (20%) ng buwis sa paglalakbay at mga koleksiyon sa buwis sa paliparan
bago lumipad;

(3) Sampung bahagdan (10%) ng anumang pondong nakolekta ng Sugar Regulatory


Administration o ng Philippine Coconut Authority para sa mga mag-aaral sa mga lalawigan kung
saan kinokolekta ang mga ito;

(4) Sampung bahagdan (10%) ng kitang net ng Development Bank of the Philippines;

(5) Mga bahagi ng Overseas Welfare Fund upang mapakinabangan ng mga pinapalaki o anak ng
mga manggagawa sa ibayong dagat; at

(6) Anumang buong halagang apropriyasyon o koleksiyon sa ilalim ng superbisyon at kontrol ng


Tanggapan ng Pangulo.

Basta at, sa wakas, Na ang kabuuang halagang magagamit upang ipatupad ang mga layunin ng
Batas na ito ay hindi lalampas sa limandaang milyong piso (PHP500M) para sa Taong
Pampiskalya ng 1989.
Mula roon, ang halagang kinakailangan para sa patuloy nitong implementasyon ay isasama sa
taunang Batas Pangkalahatan ng mga Apropriyasyon.

(b) Ang halaga ng tulong sa bawat mag-aaral sang-ayon sa pagtatakda sa ilalim ng Seksiyon 5(a)
at (b) at Seksiyon 9(a) ng Batas na ito ay mananatili para sa mga susunod na taon maliban kung
baguhin ito ng Kongreso.

SEKSIYON 16. Mga Multa. — Sakaling may paglabag sa anumang mga probisyon ng Batas na
ito o sa mga tuntunin at regulasyong isinabatas para sa pagsusulong nito ang isang institusyon,
ang Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at Isports, sa rekomendasyon ng Lupon, ay maaaring
pigilan ang insitusyon sa pakikilahok o sa pakikinabang sa mga programa ng Batas na ito, at sa
iba pang mga programa ng Kagawaran, nang walang pagsasaalang-alang sa mga sakdal na
administratibo at kriminal na maaaring gawin laban sa paaralan at/o sa mga may pananagutan
nitong opisyal sa ilalim ng mga umiiral na batas.

Anumang paaralan na tatanggi, sang-ayon sa kahingian ng talata (1) (c) ng Seksiyon 5, Seksiyon
8 (b) at Seksiyon 9 (b), na magbigay ng mga kopya ng kanilang mga in-audit na mga
pagpapahayag ng pananalapi sa mga sangkot na sektor na kanilang kinokonsulta bago ang
pagtataas ng bayarin sa matrikula, ay mawawalan ng karapatang taasan ang kanilang bayarin sa
matrikula, maliban pa sa ibang mga multa at parusa na maaaring ipataw sa kanila sa ilalim ng
sinundang talata o ng mga umiiral na batas.

SEKSIYON 17. Sugnay na Pambawi. — Lahat ng mga batas at dekreto, partikular ang Mga
Dekretong Pampanguluhan Blg. 932 at 1371 at ang mga gayong katitikan ng panuto, mga
tuntunin at regulasyon, o mga bahagi nito na hindi sang-ayon sa nilalaman ng Batas na ito ay
binabawi rito o binabago nang naaayon sa nilalaman nito.

SEKSIYON 18. Sugnay ng Pagkakahiwalay. — Kung anuman sa probisyon ng Batas na ito ay


ipahayag na hindi sang-ayon sa konstitusyon, hindi maaapektuhan niyon ang pagiging
katanggap-tanggap at bisa ng mga probisyong hindi naapektuhan niyon.

SEKSIYON 19. Sugnay ng Pagkakabisà. — Ang Batas na ito ay agarang magkakaroon ng bisà
sa publikasyon nito sa Ingles sa isang pahayagan sa Ingles at sa Filipino sa isang pahayagan sa
Filipino, na kapwa may malawakang sirkulasyon.

Pinagtibay: 10 Hunyo 1989.

[Read in English]

Di-opisyal na salin ng Official Gazette para sa mga pangangailangang pampatalastas.

This entry was posted under Laws and Issuances, Republic Acts and tagged Laws, Republic
Acts. Bookmark the permalink.
REPUBLIC OF THE PHILIPPINES

All content is in the public domain unless otherwise stated.

ABOUT GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.

 Official Gazette
 Open Data Portal

GOVERNMENT LINKS

 The President
 Office of the President
 Office of the Vice President
 Senate of the Philippines
 House of Representatives
 Supreme Court
 Court of Appeals

You might also like