Jennifor L. Aguilar Nagpupumilit, naggugumiit, nagsusumiksik Pinipilit, ginigiit, sinisiksik Wikang Filipino’y ihanay sa mga wika ng daigdig Makamit ang antas maging wika ng saliksik
Hindi mararating ni hindi maihahambing
Maging wika’y suntok lamang sa dilim Hangga’t walang bait, buti at panalanging taimtim Na gamitin sa saliksik ang wika nating angkin
Sa mga paaralan, ni hindi nga pinapansin
Mga guro’t administrador, napakababa siyang tinuturing Matatalinong usapin, debate’t mga sulatin Ni hindi maipilit na gamitin lang man din
Sa larang-medikal, naririnig ba natin?
Mga terminolohiya ng sakit at gamot na generik Hindi nga mabigkas ng pasyenteng namimilipit Kasama na niyang namatay hanggang sa makremeyt
Maging sa hudikatura, may puwang bang nakalaan?
Pobreng Pilipinong nasasakdal, sa Ingles pinagtatalunan Nakulong na’t lahat, nabulok sa bilangguan Hindi man lamang nakapagtanggol sa wika niyang alam.
Hindi magtatagumpay at walang mararating
Wikang mahal natin kung ganito itinuturing Tuluyan siyang masasadlak, mananatiling alipin Mabibilanggo’t magkakasakit hanggang tayo’y lisanin
Simulang pahalagahan, gamitin nang gamitin
Talastasan sa tahanan at komunidad natin Sa simbahan, paaralan, ospital o hukuman Senado at Kongreso, hanggang sa Malakanyang
Itakda itong wika ng aklat at kasaysayan
Agham, matematika at diskursong pangkaunlaran Itanim ito sa dila at mga kabataan Hanggang sa tumubo’t magbunga sa henerasyong dadaan
Pagka’t Filipino’y wikang mabalasik
Kung magpupumilit ay may makakamit Kung maggugumiit, tuluyang makasasapit Kung magsusumiksik, magiging wika ng saliksik