You are on page 1of 1

Eugene Spencer C.

Lopez 10 – LDS
Araling Panlipunan Ms. Karen Calimlim

Ang Pilipinas ngayon ay ibang iba sa Pilipinas noong unang panahon. Ibang-iba
ang noon na isinasalang-alang ang iba sa ngayon na makasarili, ang noon na tapat sa
bayan sa ngayon na may kolonyal na pag iisip at ang noon na totoong Pilipino sa ngayon
na Pilipino na lamang sa pangalan. Ang pelikulang “Heneral Luna” ay nakita ko kung
paano talaga maging isang tunay na Pilipino. Sa katauhan ni Heneral Luna ko nakita ang
mga ugaling dapat ay taglay ng bawat isa sa atin. Sa lahat ng kanyang sinabi, ang
pinakatumatak sa akin ay ang katagang, “Negosyo o kalayaan; bayan o sarili?” na kung
saan ako’y natamaan sapagkat may mga pagkakataon na ako rin mismo ay nagiging
taksil sa ating bayan. Ngunit ang mas inaalala ko ay ang katotohanang hindi lang ako
ang nag-iisang ganito kundi marami.
Sa mundo natin ngayon, bibihira na lamang ang mga taong may pusong kayang
mag-alay ng sariling buhay o kaya’y serbisyo para sa bansa. Kadalasa’y puro pansariling
intensyon na lamang ang nananaig kaysa sa pagmamahal sa Inang Bayan. Ang pagiging
isang Pilipino ay madali. Ipanganak ka lamang sa Pilipinas, Pilipino ka na; pero ang
pagiging isang tunay na Pilipino ay mahirap. Sa mundo natin ngayon na kung saan
lumalaganap ang teknolohiya at kaisipang kolokyal, bilang na lamang ang katulad ni
Heneral Luna na handang maglingkod sa bayan nang tapat at walang duda. Kadalasa’y
karamihan sa mga Pilipino ngayon ay nakalilimot sa kung ano ang tunay na damdaming
makabayan. Nalilimutan nila na ang pag-angat ng bayan ay higit na mas importante sa
pag-angat ng iilan lamang. Nawawala na ang pagsasakripisyo para sa nakararami dahil
puro sarili na lamang ang iniintindi. Isang halimbawa nito ay ang pagkakaroon ng brain
drain at brawn drain na kung saan unti-unting nauubos ang lakas paggawa na dapat sana
ay sa ating bansa. Kadalasang rason ng mga tao ay ang kaunting sahod na nakukuha
nila sa bansa. Pero naisip ba nila na kung lahat ay magtatrabaho para sa ekonomiya ng
bansa, ay aangat ang ating estado sa lipunan? Hindi. Ang perang dapat sana ay para sa
ating ekonomiya ay napupunta sa ekonomiya ng ibang bansa.
Sa panonood ng pelikula, hindi lamang ako nabago nito sa pamamagitan ng
pagmulat sa akin sa kalagayan ng Pilipinas noon, kundi nakita ko rin ang iba’t-ibang
kontemporaryong isyu na makikita mula noon hanggang ngayon. Una rito ay ang
kaisipang kolonyal na masasabi kong ugat ng lahat ng paghihirap ng bansa na epekto na
rin ng pagiging alipin ng Pilipinas sa kamay ng mga dayuhan ng humigit 380 na taon.
Dahil dito, ebidente sa pag-iisip ng mga Pilipino ang pagkainggit sa kung anong mayroon
ang ibang lahi. Mas pinipili pa ng iba sa ating bilihin ang produkto nila na sa tingin natin
ay mas maganda ang kalidad kaysa sa sarili nating gawang produkto. Sumunod dito ay
ang pagtataksil sa kapwa Pilipino. Makikita sa pelikula kung paano pinagtulung-tulungan
ng ilan si Heneral Luna mapabagsak lamang siya. Sa aking palagay, ebidente pa rin ito
hanggang sa kasalukuyan. Huwag na tayo lumayo sapagkat mula sa kakatapos na
Ikalawang Digmaang Pangdaigdig ay makikita natin ang mga taksil na Pilipinong makapili
na nasisikmura ang dugo ng kapwa nilang Pilipino na nasa kanilang mga kamay. Huling
isyu ay ang digmaan na siyang sentro ng buong pelikula. Makikita rito ang walang habas
na pagkakagulo’t pagkamatay ng maraming tao kahit na inosente ang ilan sa kanila.
Sa pag-uugnay ng pelikula sa kasalukuyan ay mas lalo kong naintindihan ang
dahilan kung bakit kailangan nating balikan ang nakaraan. Para sa akin, iisa lamang ang
dahilan – upang maitama ang mga dating mali. Ngunit dapat nating tandaan na
maiwawasto lamang ang mga mali kung ang lahat ay magbubukas ng isip at puso para
sa pagbabago. Kaakibat ng pagwawasto ng mga mali ay ang pag-unlad na mangyayari
lamang kung tayo’y magtutulungan. Ating ibalik ang bayanihan na kung noon ay mga
bahay lamang ang binibuhat, ngayon ay ang ating buong bansa na. Maaaring walang
maging epekto ang pagbabago ng iisa lamang tao ngunit kung pagsasamasamahin natin
ang sambayanang Pilipino, sa tingin ko ay walang imposible sa pagkamit ng ating nais.
Tularan natin ang pagtutulungan ng mga Pilipino noon para sa kalayaan at pag-unlad.
Kung hindi tayo, sino ang gagawa nito? Kung hindi ngayon, kalian pa natin sisimulan?

You might also like