You are on page 1of 4

BUOD NG “ALAMAT NG PASIG”

Fernando Bautista Monleon

Bakit hahambalain ang ating pagsuyo?


Buhay niring buhay
Bakit hahamakin ang sumpa’t pangako?
Nagtanim ng lumbay --- hindi biru-biro
Dapat na malamang
Tanging aanihin: siphayo, siphayo?

Halinang maglakbay, giliw ko’y halina


Tayo na sa laot,
Kita’y magliwaliw sa tuwa’t ligaya,
Sa lunday kong munti, halika’t sumama,
Pagmasdan mo, irog
Hayun naghihintay mula pa kanina ----

Ako ang gagaod, ikaw ang await


Mutyang prinsibini,
Sasaliwan tayo ng kalawlaw-tubig;
Sasaksi sa ati’y ang nanungong langit
Habang ang pagkasi---
Nag-aaliw-aliw sa tunamong sakit.

Hinampo kahapon ay iyong limutin,


Ang bulong ang dusa;
Hayaang ibulong ng amihang hangin;
Buksan ang dibdib mo, unahin ang damdamin
Ngumiti na sana,
Ipinid ang puso sa silang hiliahil.

Hala na, mahal ko, ang luha mong bubog


Huwag mong sayangin,
Huwag mong hayaang sa lupa’y madurog;
Sadyang ang pagsinta’y liku-likong ilog,
Ang masisindakin, masasawan agad sa matuling agos!

Di ngani miminsang pulpol sa panulat


Sa kaligayahan
Kumita ng isang balighong liwanag;
Di anong gagawin? Sa pakawakawak,
Sintang bathaluman,
Nihihiya ako’y ikaw rin ang hanap.

Paanong di gayon... ikaw ang dinsulan


Niring salamisim
Na sa kariktan mo’y namamaraluman;
Iyong hinanakit kundi mapaparam,
Sa pagkahilahil
Hahangga pa yata ang ako’y pumanaw.
Kaya’t panimdim mo’y tuluyang mapawi,
Sa bahagyang hapis,
Isang kabaliwang magpakalugami...
Saanman sumapit,
Tanging ikaw lamang yaring luwalhati.

Kasakdalan mang ang sintang magbago,


Kahit sa pangarap,
Bukal ng pagsuyo’y hindi maglililo...
Kung kita’y limutin, buhay ko’y paano?
Kung kapos ang palad,
Kamataya’y langit--- na makalilibo!

Pahirin na ngani sa nimintang diwa,


Ang sugat ng puso,
Ang lagim ng dusang lason sa siphayo
Sa aking pagyao’y
Saka na lumuha; ulilang pagsuyo---
Maghapon ---- magdamag na magpakasawa!

Habang naglalakbay ang ating pagkasi,


Sa iklapsaw ng alon;
Wariin mo hirang, ang aking sinasabi,
Iyong panibugho --- limit na mangyari
Saanman iukol....
Mabuting-masama, masamanf-mabuti.

Kita ay dadalhin sa Taal na Bayan,


Hayun lang sa dulo....
Isang munting pulo sa Bombon, Batangas
At magmula noon ay pasisilangan,
Tayo’y magtutungo
Sa bayan ng pasig, sa gulod sumilang.

Doo’y may alamat ang isang kahapong


sa aklat ng lahi’y
Lipos ng pag-ibig, tigib ng linggatong;
Sa dalampasigan, sad among nagyabong,
Tayo’y manakati’t
Pagal na gunita’y muling magbabangon
Unang Kabanata: Sa pulo ng Taal

Nagpunta sa Look ng Taal ang makata at ang kanyang bathaluman at doo’y kanilang tinanaw ang
maririkit na tanawin sa pulong anaki’y susong sa tubig nauupo. Ginaygay ng kanilang paningin ang luntiang
burol, ang bumubugang taluktok ng gulod, ang mapayapang nayon sa kalambakan, ang mga naghanap ng
dampang kogon, ang puhuna’t paggawang magkaagaay sa paglinang sa bukid, ang mga binata’t dalagang
nagtatalik sa wagas at matimyas na pagsusuyuan, at ang mga bunsong gumagalang sa kanilang mga magulang.
Ang lahat-lahat ng mga iyon ay nagsisilbing mga puta-putaking paglalarawan ng isang kariktang
makatotohanan at makasining. At sa pagitan ng mga taludtod ay kasamang napaguhit ang magagandang
kaugalian ng ating lahi. Anupa’t habang binabasa ang mga sumusunod na saknong ay mapupunang sa
balintataw ng ating isipan ay isa-isang nagdaraan ang mga bahagi at kabuuan ng isang maalamat na Bayan ng
Taal na natitigib ng pag-ibig, katiwasayan at kaluwalhatian.

Ikalawang Kabanata: Ang Ulirang Magkatoto

Ang magkaibigang gumagalaw sa kabanatang ito ay mga likhang tauhan lamang. Ngunit binibigyang-
diin ang matalik nilang pagsasama at pagsusunuran na siyang ulirang gawi ng ating kabataan noong unang
panahon. Gayundin, pinag-ukulan dito ng karampatang pagpapahalaga ang katutubong sipag at tiyaga ng ating
kalalakihan noon, sampu ng kanilang kasiglahan sa paggawa at sa wastong pamumuhay. Kaiba kaysa sa
karaniwang kalakaran ngayon, ang mga tunay na lalaki noon ay kinikilala at nakikilala hindi sa tikas ng tindig
kundi sa lipaking palad at matipunong bisig. Noon, ang kabataan ay mapagharimuan upang makapaglaan para
sa kinabukasan at tumayo sa sariling mga paa. At di kasi nga, ang mga ito’y katotohanan sa buhay na sukat
pagkakilanlan ng ating kabataan kahapon. Sa pamamagitan ng matapat na paglalarawan ng asal at gawi ng
ulirang magkatoto may nangyayaring maiguhit sa ating dalumat ang mga kaugaliang maipagmamalaki ng ating
mga ninuno.

Ikatlong Kabanata: Ang Nawawalang Kaharian

Sadyang ang mabuting layon ay hindi nabibigo. Maaaring sa simula’y mabatbat ng mga balakid,
masuong sa mga panganib, at dumanas ng katakut-takot na hirap, ngunit ang lahat ng mga iyan ay silbing daan
lamang sa huli ng lalong marikit na pagtatagumpay ng isang marubdob na mithiin. Ganyan ang nangyari sa
magkaibigan Lakan Tindalo at Magat Mandapat. Sa kanilang paglalakbay ay sinamang-palad silang mahulog sa
kamay ng isang tanod-baybayin upending maging katuparan lamang ang kanilang hangaring matagpuan ang
nawawalang Kaharian. Ganyan ang pagkakabanghay ng mga pangyayari, isang pagkakabalangkas na nalilipos
ng tulaing gumuguhit ng mga katotohanan sa dagat ng buhay.

Ikaapat na Kabanata: Si Dayang Sumilang

Ang magkabotong bihag ay hinatulan ng malupit na si Datu Pasig na magbanat ng buto sa


kaingin. Subalit ang hatol na iyan ay tinutulan ng kanyang butihing anak na si Dayang Sumilang. Sa ganang
Lakambini, ang marapat sa dalawang pagadpad ay tanggapin ang mga iyon sa palasyo bilang panauhin. Sa
simula’y hindi minabuti ng datu ang gayong paghihimasok, subalit sa huli’y naliwanagan din siya sa
katumpakan ng matwid ng kanyang bunso at siya’y napahinuhod. At, sabihin pa, ang mga tagpong iginuhit ng
mga pangyayari ay naging isang kawing ng mga tulaing sinikap gamitan ng makasining na banghay ng mga
pananalita sa halayhay ng mga taludtod.

Ikalimang Kabanata: Naghari’y Lupit

Natuklasan ng magkaibigang ang Pasig ay isang palang Bayang walang Diyos – ibang-iba kaysa Taal.
Doo’y lupit ang siyang naghahari. Doo’y ang gahaman ang siyang marangal; ang masipag ang siyang
nagugutom; ang gumagawa ang siyang inaapi. Iyan ang diwa ng batas ni Datu Pasig. At ang sinumang
magtangkang sumuway sa utos ay sa usok ni Agni humahangga at napupugnaw. Ang mapapait na
katotohanang iyan ay siyang gumuhit ng mga tanawing nakapanghihilakbot sa ilalim ng kabanatang ito. . . mga
tanawing nalilipos ng katotohanan at buhay na buhay ang paglalarawan at pagkakaugnay-ugnay.
Ikaanim na Kabanata: Dibdib sa Dibdib

Ang kabanatang ito’y nararmtan ng isang nag-aalimpuyong damdamin. Binuksan ni Magat Mandapat
ang kanyang dibdib at inihayag ang kanyang niloloob bagay sa kabuktutang naghahari sa Bayan ng Pasig.
Walang pangiming kanyang tinalampak ang balintunanag lagay ng buhay sa dakong iyon. Doo’y pinarurusahan
ang katamaran. Subalit ang kasipagan naman ay hindi ginagantimpalaan. Sa kabilang dako’y nagbukas din ng
dibdib si Dayang Sumilang na sa pagtatapat ay lalong napatunayan ang kadakilaan ng kalooban. Siya man ay
laban sa likong palakad ng kanyang ama. Dangan at wala siyang magawa kundi ang humingi na lamang ng
saklolo sa kaluluwa ng kanyang yumao nang ina.

Ikapitong Kabanata: O Pag-ibig!

Umid, ngunit mapanibughuin. Dilat ngunit bulag. Dungo ngunit makapangyarihan. Ganyan – ang pag-
ibig! Ganyan ang nadadama ni Magat Mandapat sa kaibuturan ng kanyang nagdurugong puso. Salamat na
lamang at si Dayang Sumilang ay nagkikimkim na rin pala ng isang pag-ibig na mahinhin, ngunit maunawain.
Marubdob ngunit mapagtimpi. Gayunman, hindi naging dahilan itp upang magbawas ang dakilang hangarin ng
binata na hanguin sa kaalipnan ang mga kaawa-awang magsasaka ng Pasig. At lalo siyang nagpakadakila nang
kanyang ipagtapat sa dalaga ang kanyang adhika na tangkang isakatuparan sa kasakdalan man umanong
buhay niya ay mapawakawak. Di kasi nga, ang pag-uusap ng magkasintahan ay tila daloy ng mainit na dugong
nananalaytay sa mga himaymay ng ating maliit na puso.

Ikawalong Kabanata: Ang Pagkagunaw

Ang sanduguan ay naganap. Si Magat Mandapat at si Lakan Tindalo ay siyang naging taga-akay ng mga
bulag. Subalit sa pagsasagupa’y minsan pang nadaig ng malaki at malakas na hukbo ng mga salanggapang ang
maliit at mahinang mga kampon ng katwiran. Gayunpaman, ang mithing dakila ay sadyang pinagpapala
maging ng mga bathala ng kalikasan. Sa mataos na pananalangin ni Dayang Sumilang sa kinikilalang bathala ng
bahagharing si Brangaw, ang dayaming apoy na sana’y pupugnaw na lamang sa napikot na bayaning
kasintahan ay nagmatang-tubig sa bumuhos na ulan. Ang dagat ay umapaw at bilang karurukan ng
kasaysayang ito, ang Bayang Pasig ay nagunaw sa bumahang tubig.

Pagtatapos: Bagong Umaga

Ang Alamat ng Pasig ay may kinalaman sa buhay at kapalaran ng Magsasakang Pilipino. Nang dahil sa
mga tagpong napalarawan sa kasaysayang ito, natutuhan na natin ngayong dakilain ang ating mga magsasaka,
hindi lamang sa bayan ng Pasig kundi gayundin sa buong kapuluan magmula sa dulong kahilagaan ng Luzon
hanggang sa dulong katimugan ng Mindanao. Ngayon ay mayroon na tayong katarungang panlipunan at sa
ating bansa’y naaari na ngayong mag-agapay ang puhuna’t ang paggawa sa pagbuhay sa isang Bayang
Kayumangging busog sa ligaya at kasaganaan.

Sinaliksik ni:

ALMARIE S. MALLABO

You might also like