You are on page 1of 1

Kaharian ng Binukot

Nakakamanghang matuklasan ang munting palasyo ng mga binukot. Ito ang aking unang
pagkakataon na makarinig, makabasa ng pag-aaral, at makapanood ng mga kuwento tungkol sa kanila.
Para sa akin, isa itong magandang bahagi ng ating katutubong kultura, na kailangan pang saliksikin upang
magkaroon tayo ng malalim na pagkakaunawa sa kanila. May tanong na lumitaw sa aking isip, kung ako
man ay nabuhay sa kapanuhan ng mga binukot, tatanggapin ko bang maging isang tulad nila kung
mabibigyan ako ng pagkakataon?

Taglay ang kagandahang maihahalintulad sa pagsikat ng araw, maputi at makinis ang balat,
ganito kung ilarawan sa artikulo ang mga binukot, resulta marahil ng kanilang pagkakabukod sa isang
silid magmula ng sila’y tatlo hanggang limang taong gulang pa lamang hanggang sila’y tumungtong ng
16 taong gulang. Mayroon silang mga katuwang kaya halos wala silang ginagawa. Pero mali ako sa huli
kong sinabi.

Gaya ng ipinakilala ni Kara David sa kanyang dokumentaryo, sa buong buhay nilang pagiging
binukot, sila ang tanging nakakaalam ng mga epiko ng pangkat na kinabibilangan nila, ipinapasa sa
kanila ng pasalita at saulado nila ang mga ito, at kung kanilang kakantahin ng tuluy-tuloy aabot ng
dalawang buwan o higit pa para matapos. Sa pang-kulturang pagtingin, mabigat na tungkulin ito. At isa
pang pinagkakaabalahan nila ay ang paghahabi. Ang kanilang mga gawa ay sinusuot lamang ng mga
tinuturing nilang bayani sa mga nagaganap na labanan. Marahil ay mabigat din ang gampanin nila sa
espiritwal pagkat nagkakaroon din sila ng oras kasama ang mga babaylan.

Isa ngang pribilehiyo na maging binukot, dahil isa itong indikasyon na nabibilang ka sa uring
namumuno o may kapangyarihan sa komunidad. Sobrang pag-iingat at pagpapahalaga ang ibinibigay sa
iyo, ni pagsulyap ng lalaki ay ‘di maaari kung hindi mapaparusahan ng kamatayan ang sinumang gagawa
niyon. Pero sa kabila ng mga magagandang bagay na ito, at ituturing kang prinsesa, ito’y may kapalit.

Kalayaan, ito ang maliwanag na nakikita kong kapalit. Sa sandaling maging binukot ang isang
babae, hindi na siya makakapagdesisyon pa para sa sarili niya, mapapansin ito sa dokumentaryo ni Kara
David, na paulit-ulit na binabanggit ng binukot, susunod ka dahil ito ang gusto ng magulang mo, tila
nagiging obligasyon ito. Ipapakasal sa lalaking ni minsa’y ‘di pa nakita. Maaaring kalamangan ito sa
bahagi ng lalaki, pagkat isang karangalan na magkaroon ng asawang anak ng datu. Kaya para sa akin
nagsisilbing dekorasyon din ang binukot para talagang maitanghal sa lahat na ang kaniyang pamilya ay
nasa mataas na bahagi ng lipunan, habang ang binukot ay parang preso.

Hindi pa itong lahat ang tungkulin ng binukot, pero epekto marahil ng ideya ng kalayaan, ang
sagot ko sa tanong na nabanggit sa taas ay hindi. At dahil na rin ako ay may pagkamasigasig sa
pagdiskubre ng mga bagay-bagay, may sabik na tumuklas ng kapaligiran at kasiyahan ng buhay, hindi
ako makukuntento sa limitasyong ipapahiwatig ng silid na aking ituturing na mundo.

Marahil sa unti pa ang ating alam sa mga binukot kaya hindi pa ako naengganyong maging tulad
nila. Sana magkaroon pa ng mga pagsasaliksik tungkol sa kanila, maliban sa mga nabanggit ano pa
kayang nakakagulat at nakakatuwang ginagawa nila? Ang kanilang boses o opinyon ba’y may halaga sa
usaping pampolitika o pang-ekonomiya o maging sa kapayapaan at seguridad ng komunidad?

You might also like