You are on page 1of 5

Alamat Ng Daga

Noong araw ay magkakasama ang lahat ng mga tao. Nakaka-sundo sila at laging
masaya, Maalwan ang kanilang buhay dahil ipinagkaloob sa kanila ng Diyosa ng
Kasaganahan ang lahat ng maaari nilang hilingin.
Isa lamang ang kapalit ng lahat ng iyon. Ibig ng diyosa na huwag silang aalis sa
kanilang paraiso.
Sa kabila ng mabuting kabuhayan ay hindi makuntento si Raga. Isa siyang
binatilyong may malikot na imahinasyon. Ibig niyang malaman kung ano ang
nasa kabila ng kanilang paraiso. Bawat araw ay may udyok siyang nadarama sa
kanyang puso na nagsasabing tuklasin niya kung ano ang nasa kabila ng naka-
mulatang paraiso.
Isang gabi ay lakas-loob na tumakas si Raga. Wala siyang kasingsaya dahil ang
pakiramdam niya ay nakawala siya sa isang gintong kulungan.
Gayunman ay hindi niya inasahan na kabaligtaran ng buhay sa paraiso ang
matutuklasan.
Subalit dahil bagong karanasan iyon para kay Raga kaya sabik parin siya.
Lumakad siya at nagtatakbo sa putikan, natulog siya sa maruming paligid.
Kumain din siya ng mga pagkaing noon lang nakita ng mga mata. Naging
eksayted din siya sa pakikisalamuha sa iba't ibang klase ng mga taong na may
malaking kaibahan sa mga nakatira sa paraiso.
Nalibang si Raga sa bago niyang daigdig. Inubos niya ang panahon sa pag-gala at
pagdiskubre ng mga bagay-bagay. Halos hindi niya namalayan ang paglipas ng
mga araw.
Isang gabi ay dumating kay Raga ang pangungulila. Naalala niya ang ina na
marahil ay labis nang nag-aalala.
Naalala rin niya ang ama na tiyak niyang hinahanap siya.
Bigla rin niyang naalala ang mga kaibigan at mga kakilala.
Nagmumuni-muni siya nang may dumampot sa kanya.
"Teritoryo namin to!" sabi ng isa.
"Maghanap ka ng sarili mong lugar!" wika naman ng kasama nito.
Nalungkot si Raga. Sa paraiso ang lahat ay pantay-pantay. Walang inaapi at
walang nang-aapi. Noon niya nakuro na mas maganda parin ang kanilang
paraiso.
Marusing at mabaho, hindi naki-lala si Raga ng mga taga-paraiso. Pinalayas siya
ng mga ito. Kahit anong paliwanag niya ay walang gustong makinig. Napaiyak si
Raga na tinawag ang kanilang diyosa. Ngunit sa halip papasukin sa paraiso ay
isinumpa siya nito sa pagsuway sa utos.
Si Raga ay naging isang malitt na hayop na nakadidiri ang itsura. Sa marurumi at
mababahong lugar lang siya nakatitira tulad ng mga pusali at mga lungga. Si
Raga, ang binatang dating taga-paraiso, ang pinagmulan ng lahi ng mga daga.
Alamat Ng Makahiya

Ang mag-asawang Mang Dondong at Aling Iska ay mayaman at may kaisa-isang


anak. Mahal na mahal nila ang labindalawang taong gulang na si Maria.
Napakabait at masunuring bata si Maria. Sa kabila ng magandang katangiang ito
ni maria, ang pagkamahiyain ay kaakibat ng kanyang katauhan. Ayaw niyang
makipag-usap sa ibang tao kung kaya't nagkukulong lamang siya sa kanyang
silid para lamang makaiwas sa mga tao.
Si Maria ay may taniman ng mga magagandang bulaklak. Ang kaniyang mga
bulaklak ay sadyang napakagaganda kung kaya't ang mga ito ay kilalang-kilala
sa kanilang bayan.
Isang araw, ang kanilang bayan ay pinasok ng mga bandido. Pinapatay nila ang
bawa't masalubong at kinukuha ang anumang mahahalagang bagay. Sa takot na
mapahamak si Maria, itinago siya ni Mang Dondong at Aling Iska sa bunton ng
mga halaman. Si Aling Iska ay nagtago sa loob ng kabahayan, samantalang si
Mang Dondong ay nakahandang salubungin ang pagdating nga mga bandido.
"Diyos ko! Iligtas mo po ang aking anak." Dasal ni Aling Iska.
Nang walang anu-ano'y bumukas ang pintuan ng kanilang bahay. Si Mang
Dondong ay walang nagawa nang pukpukin siya sa ulo ng mga bandido.
Nagtangkang tumakas si Aling Iska nguni't tulad ni Mang Dondong, siya rin ay
nahagip at nawalan ng malay-tao. Naghalughog ang mga bandido sa buong
kabahayan. Matapos samsamin ang mga kayamanan ng mag-asawa ay hinanap
nila si Maria nguni't sila ay bigong umalis. Hindi nila natagpuan si Maria.
Nang matauhan ang mag-asawa, ang kanilang anak na si Maria ang agad nilang
hinanap. Patakbo nilang tinungo ang halamanan. Laking lungkot ni Aling Iska ng
hindi matagpuang ang anak. Nang walang anu-ano'y may sumundot sa paa ni
Mang Dondong. Laking pagtataka niya nang makita ang isang uri ng halaman na
mabilis na tumitikom ang mga dahon.
"Anong uri ng halaman ito? Ngayon lang ako nakakita nito!" Ang may
pagkamanghang sabi ni Mang Dondong.
Tinitigang mabuti ng mag-asawa ang halaman, at doon nila napagtanto na ang
halamang iyon ay dili-iba't si Maria. Ginawa siyang halaman ng Diyos upang
mailigtas sa mga bandido.
Hindi mapatid ang pagluha ni Aling Iska at laking pagkagulat na muli ni Mang
Dondong na bawa't patak ng luha ni Aling Iska, ito ay nagiging isang maliit at
bilog na kulay rosas na bulaklak.
Magmula noon, ang halamang iyon ay inalagaang mabuti ng mag-asawa sa
paniniwalang ito ang kanilang anak. Tinawag nila itong Makahiya, tulad ng
isang katangian ni Maria.
Ang Alamat Ng Gagalangin

Noong panahon ng Kastila ay kakaunti lamang ang mga lugar na may pangalan.
Hirap magbigay ng pangalan ang mga matatanda kaya sila ay nagtitiyaga na
lamang kung ano ang kanilang narinig o nakita.
May mga Kastilang napadako sa isang lugar sa Tondo. Naglabas sila ng mga
armas. Nagtaka ang mga Pilipino kung bakit naglabas ng mga armas ang mga
kastila gayong hindi naman sila nakikipaglaban. Ang ginawa ng mga tao ay
lumapit sa mga Kastila at sila ay nagmano. Waring napahiya ang mga Kastila sa
ginawi ng mga tao.
Sa pamamasyal ng mga Kastila ay nakita rin nila ang kakaibang paggalang ng
mga Pilipino. Ang pag-aalis ng sumbrero kapag may nasalubong, pagyukod sa
may kapangyarihan, pagtulong ng mga bata sa matanda, ang paghalik sa kamay
ng matatanda at ang pagsagot ng "po at opo" kapag nakikipag-usap sa matatanda
at mga di-kilalang mga panauhin. Lalo pa silang natuwa nang iutos ni Raha
Matanda sa mga kalalakihang Pilipino na tumulong sa pagkumpuni sa nasirang
bapor ng mga Kastila.
Sa panahong inilagi ng mga Kastila sa lugar na iyon ay, nasaksihan at
naramdaman nila ang pagiging mabait at matulungini ng mga Pilipino. Sa utos
lamang ni Raha Matanda ay isang taong kumilos ang mga tao. Ginamot, nila ang
mga nasugatang sundalong Kastila, binigyan ng maginhawang tulugan, pinakain
at ianalagaan hanggang.
Nang paalis na ang mga Kastila, sila ay lungkot na lungkot dahil sa parang ayaw
na nilang lisanin ang lugar na iyon. Doon nila nadama ang paggalang ng
kanilang kapwa tao. Ang pagkamagagalangin ng mga Pilipino sa lugar na iyon
ay ipinamalita ng mga Kastila saan man sila mapadako. Lagi nilang isinasalaysay
ang kanilang karanasan sa lugar ng "Magagalangin." Sa paglipas ng panahon
ang lugar na iyon sa Tondo ay tinawag na "Magagalangin" at dahil sa pasalin-
salin ng bibig ay naging "Gagalangin."
Alamat Ng Butiki
Noong unang panahon, may isang batang ubod ng pilyo at pakialamero sa lahat ng bagay.
Marami tuloy ang nagagalit, kaya madalas mapalo at mapagalitan si Kiko ng ama't ina.
Gayunpaman, wala ring kadala-dala ang batang ito na lalong tumigas ang ulo at wala pang
galang sa mattanda. Dahil dito, walang may gustong makipagkaibigan sa kanya. Palibhasa'y
walang kalaro, ang mga hayop na lang ang ginawang libangan nito. Ang maaamong hayop ay
nagiging mailap dahil sa pananakit ni Kiko. Kalaunan, pati ang tanim ng may tanim ay lihim
nitong sinisira.
Isang araw, habang nagwawalis ng bakuran ang ina ay lumapit si Kiko sa punso at walang
sabi-sabing winasak ito. Galit na galit ang ina sa anak.. Pagkatapos ay abut-abot ang kanyang
paghingi ng paumanhin sa mga duwende.
"Mga nuno, patawarin po ninyo ang aking anak. Hinding-hindi napo siya uulit. Mag-babait na
po siya. Pangako po."
Pinangaralang mabuti ng ina si Kiko na huwag uulitin ang ginawang paglapastangan nito sa
punso dahil masamang magalit ang mga lamang-lupa.
Subalit kinabukasan, matapos isuga ang kalabaw ay bayawak naman ang napagtuunan ng
pansin ng batang sutil. Sinundan ito ngunit nawala nang sumuot sa nakausling ugat ng puno.
Hawak ang tirador ay sinaliksik ni Kiko ang buong paligid.
Laking galak nito nang matagpuan ang maraming itlog ng bayawak, at tuwang-tuwa na
tinirador ang mga itlog. Biglang nagulat ang bata nang lumitaw sa harp niya ang isang
duwende.
"HOY! BATANG SALBAHE, BAKIT MO BINASAG ANG MGA ITLOG? HINDI MO BA ALAM NA
MAY BUHAY SALOOB NITO? SA GINAWA MONG IYAN, KITA'Y PARURUSAHAN. MAGIGING
KALAHI KA NG BAYAWAK...!"
"Huwag po, maawa po kayo sa akin. Magpapakabait napo ako, peks man."
"SINUNGALING! ILANG BESES KA NANG NANGANGAKO TUWING PINAPALO KA NG TATAY
MO. AT KAHAPON LANG, NANGAKO ANG NANAY MO, PERO NAGBAGO KABA? NGAYON,
BILANG PARUSA, IKAW AY HAHALIK SA LUPA BAGO MAGTAKIP SILIM AT DAHIL IKAW AY
TAO NA NILALANG NG MAYKAPAL KAYA SA TAHANAN KA RIN MANANAHAN. BUTIKI ANG
ITATAWAG SA IYO!" Pagkawika'y dagling naglaho ang duwende.
Dali-daling kumaripas ng takbo ang nahintakutang bata at nagsisigaw nang...
"AYOKONG MAGING BUTIKI NANAY, TULUNGAN MO AKO... AYAW KONG MAGING
BUTIKI...!"
Napadungaw ang ina at kitang-kita niya ang pagkasubasob ng anak bago paman ito nakaakyat
ng hagdan. Nagtaka ito sa pagbabagong-anyo ni Kiko hanggang maging maliit na hayop na
animo'y bayawak.
Palibhasa'y "BUTIKI" ang huling katagang narinig sa anak, kaya butiki na rin ang itinawag niya
rito. Bagama't mabait ay mailap ang hayop na ito dahil sa hiya.
Patuloy pa rin ang paghalik ng butiki sa lupa tuwing dapithapon. Panahon na lang ang
hahatol kung nararapat na ngang ibalik sa dating anyo si Kiko. Para sa mga duwende, mabuti
nang manatili itong butiki sa habang panahon. (HOY! BATA, GUSTO MO MAGING BUTIKI?)
Ang Alamat Ng Buwayang Bato

Sa isang panig ng ilog-Pasig, sa tapat ng simbahan ng Guadalupe, sa lalawigan


ng Rlzal, ay may nakausling malaking bato sa tubig. Ito ay ginagawang labahan
ng mga babae.
Sang-ayon sa isang matandang alamat, isang lalaking intsik ang nangahas
maligo sa ilog na ito. Sa kabila ng babala ng isang babaing taga-Guadalupe
sumige pa rin siya sa paliligo. Hindi siya naniniwala na may malaking buwaya
na lumilitaw doon at nangangain ng tao.
Sarap sa paliligo ang lalaking intsik nang di kaginsa-ginsa'y biglang lumitaw ang
isang malaking buwaya mula sakabilang pampang. Mabilis na lumangoy ang
buwaya papalapit sa lalaking intsik.
Walang magawa ang mga nakakakita sa mga pangyayari samantalang ang
lalaking intsik ay hindi makakilos sa matinding sindak at takot.
"O, San Nicolas! ikaw ngayon tulong akyen. Ikaw ngawa awa sa akyen. Ikaw
ngawa isa milakro! Ngawa mo mato sa muwaya! ang sigaw ng nahihintakutang
intsik.
Labis na ikinagulat ng lahat. Pagkawika ng intsik ng ganitong pangungusap, ang
buwaya ay naging bato nga.
Maabilis na kumalat ang balitang iyon hanggang sa Maynila. Ang grupo ng mga
intsik ay lumikom ng pera upang makapagpatayo ng isang simbahan sa tapat ng
pinangyarihan ng milagro. Ibinigay nila ang nalikom nahalaga sa mga Kastila
para siyang mangasiwa sa pagpapatayo ng simbahan.
Nang mayari ang simbahan, iniluklok nila ang imahen ng San Nicolas sa altar,
Ang pangyayaring ito ay ipinagdiriwang taun-taon at dinarayo ng mga tao mula
pa sa malalayong pook.
Subalit hindi lang ang simbahan ang nakakatawag pansin sa mga
nakikipamiyesta doon, kung di pati na ang nakausling bato sa atapat nito
naanimoy gulugod ng isang malaking buwaya.
Ang pook na ito ay tinawag na Buwayang Bato bilang pag-gunita sa milagrong
naganap. Hanggang sa ngayon ay dinarayo pa rin ng mga tao.

You might also like