You are on page 1of 2

Valeriano Hernandez at Pea: Ama ng Nobelang Tagalog

Si Valeriano Hernandez at Pea (ang Pea ay apelyido ng kanyang ina) ay isinilang sa nayon ng San
Jose, Bulakan, Bulakan noong Disyembre 12, 1858. Siya ay bunsong anak nina Marcos Hernandez at
Dominga dela Pea. Ang kanyang ama ay isang platero, at ang hanapbuhay na ito ang kanyang ginamit
upang maitawid ang kanyang pamilya sa pang-araw-araw na pangangailangan.

Nagsimulang mag-aral si Tandang Anong (ito ang tawag sa kanya ng mga kasamahang manunulat sa
Muling Pagsilang) ng Kartilya at ang kanyang naging guro ay ang kanilang kapit-bahay na si G. Marcelino
Nuque. Sa murang edad na sampu ay nakitaan na siya ng pagkahilig sa pagbabasa at pagsusulat.

Sa nayon ng Matungao, Bulakan, Bulakan ginugol ni Tandang Anong ang malaking bahagi ng kanyang
kamusmusan sa piling ng mga kababatang sina Gregorio Santillan (ama ng mga manunulat na sina Dr.
Jose Santillan at Dr. Pura Santillan-Castrence), Benito dela Pea, at Mariano Cristobal.

Nagsimula siyang mamasukan bilang kawani ng isang Kapitan Alvarez sa gulang na labindalawa
matapos pumanaw ang kaniyang ama. Nagsilbi rin siyang kawani ng husgado. Nakasal siya kay Victoria
Laktaw, isang taga-Matungao sa gulang na 45, subalit ang mag-asawa ay hindi pinalad na mabiyayaan
ng anak.

Nagsimula siyang sumulat sa pahayagang El Renacimiento Filipino (Muling Pagsilang) na


pinamatnugutan ni Jose Palma at sa pahayagang Taliba kung saan inilathala ang kanyang pitak
na Buhay Maynila na nasalin kay Huseng Batute matapos na siya ay pumanaw. Sa mga pahayagang ito
nakilala ang kanyang angking husay sa pagsulat. Maliban sa mga tula, sumulat din siya ng mga nobelang
inilabas ng serye sa Seccion Tagala ng Muling Pagsilang. Dito iniluwal ang kanyang mga unang nobela
na sa kalaunan ay naging panulukang bato ng mga akdang prosa ng mga sumunod na panahon.

Inihambing si Tandang Anong ni Bb. Mona P. Highley, propesora ng Kagawaran ng Ingles sa Pamantasan
ng Pilipinas sa mandudulang Ingles na si Shakespeare. Sila ay kapwa tagahawan ng kani-kanilang
panitikang kinabibilangan. Na mula sa Edad Media ay ipinakilala ni Shakespeare ang isang bagong anyo
ng panitikan, gayon din naman ginamit ni Tandang Anong ang isa bagong anyo sa panahong ang Tagalog
ay hindi gaanong ginagamit dahil sa malawakang paggamit ng Kastila at ang pagdating ng wikang Ingles.

Sa Muling Pagsilang, nakasama ni Tandang Anong ang mga kilalang manunulat na gaya nina Lope K.
Santos, Faustino Aguilar, Andres Rivero, Carlos Ronquillo, at iba pa. Kilala sa taguring Ama ng Nobelang
Tagalog, itinuturing na obra maestra niya ang Kasaysayan ng Magkaibigang si Nena at si
Neneng (1905), bagamat iniluwal din ng kanyang panitik ang iba pang mga nobela tulad ng: Pagluha ng
Matuid (1899), Mag-inang Mahirap (dalawang bahagi 1905 at 1906), Hatol ng
Panahon (1909), Pahimakas ng Isang Ina (1914), Unang Pag-ibig (1915), Dangal ng
Magulang (1920), at iba pa, gayundin ang mga maiikling kuwento at mga tula.

Pumanaw ang dakilang alagad ng sining noong Setyembre 7, 1922 at inilibing sa kanyang pinagmulang
bayan ng Bulakan, Bulakan.
Sa kasalukuyan, ang ilang mga kagamitan ng manunulat (pluma, orihinal na kopya ng patente ng
nobelang Si Nena at Si Neneng, at iba pa) at dalawang sipi ng El Renacimiento Filipino (1910 at 1911) ay
nasa pag-iingat ni G. Jaime Villafuerte Jr. ng Matungao, Bulakan, Bulakan, na apo niya sa talampakan sa
kanyang pamangkin na si Maria.

You might also like