You are on page 1of 6

E-Filipino: Ang Pagtuturo at Pagkatuto ng/sa Wikang Filipino Sa

Sistemang Open and Distance Learning


Petras, Jayson de Guzman

Abstract:
Kadikit ng panahon ng Information and Communication Technologies
(ICT) ang pagpasok sa ating kamalayan at lipunan ng mga terminong gaya ng eLearning, e-Commerce, e-Government, knowledge-based society, knowledgebased economy, information society, paperless society, information economy,
attention economy at iba pang techno-terms (Librero, 2008). Sa panig ng
akademya, nagresulta ang ICT ng pagbabago maging sa sistema ng pagtuturo at
pagkatuto sa wikang Filipino. Isa sa mga kongkretong patunay nito ay ang
pagkakaroon ng asignaturang isinasagawa sa wikang Filipino sa UP Open
University (UPOU). Mula sa personal na danas ng mananaliksik hanggang sa mga
kaugnay na literatura hinggil sa Open and Distance Learning (ODL), sinusuri sa
papel na ito ang ibat ibang salik sa pagtuturo ng/sa wikang Filipino kaugnay ng
mga isyung pang-mag-aaral, estratehiya sa pagtuturo, at Internet bilang
pangunahing paraan ng pakikipag-ugnayan. Upang tugunan ang layunin,
ipaliliwanag sa papel ang kabuuang sistema ng ODL at ang kontekstuwalisasyon
nito sa Pilipinas, partikular sa UPOU. Ilalahad din sa pag-aaral ang katangian ng
mga mag-aaral ng UPOU kaalinsabay ng inaasahang katangian ng isang ODL
teacher. Sa ganang ito, magiging tungtungan ng pananaliksik ang ugnayang
akademiko sa distance education na tinalakay ni Moore (1989). Mula rito,
bibigyang-diin ang epektibong pagbubuo ng mga gawain sa pagtuturo/pagkatuto
ng mga aralin sa wikang Filipino sa ODL at ang paggamit ng software na Moodle.
Inaasahang sa pamamagitan nito ay mabibigyang-ideya ang mga mambabasa sa
kabuuang sistemang ODL bilang lunan ng pagtuturo ng/sa wikang Filipino sa
makabagong panahon.

Isang Pagsusuri sa Persepsyon sa at Aktwal na Kahusayang


Pampagtuturo ng Guro
Gannaban, Maria Fe E.

Abstract:
Layunin ng pag-aaral na ito na mataya ang aktwal na pagtuturo ng guro sa
Filipino ayon sa sariling persepsyon ng guro, ng kanilang mag-aaral at ng
kanilang tagapamahala tungkol sa mga katangian ng isang mahusay na guro sa
Filipino. Nilalayon ding sagutin ang mga sumusunod na katanungan: (1) Anoano
ba ang sariling persepsyon ng guro, mag-aaral at tagapamahala ng mahusay na
guro sa Filipino?, (2) May pagkakaiba ba ang sariling persepsyon ng mga guro,
mag-aaral at mga tagapamahala hinggil sa mga katangiang dapat taglayin ng
isang mahusay na guro sa Filipino?, (3) Ano-ano ang mga katangiang ipinapakita

ng mga guro sa kanilang aktwal na pagtuturo?, at (4) Nasasalamin ba sa aktwal


na pagtuturo ng mga gurong kalahok ang mga persepsyon nila, ng kanilang
mag-aaral at tagapamahala hinggil sa mga katangian ng isang mahusay na guro
sa Filipino? persepsyon ng mga guro, mag-aaral at tagapamahala; mga
katangian ng mahusay na guro sa Filipino; aktwal na pagtuturo o praktis ng mga
guro sa Filipino

Social Network sa Pilipinas: Isang Kultural na Pagtanaw sa


Facebook at Pakikipag-ugnayan ng mga Pilipino
Gayares , Joseph
Abstract:
Ang papel na ito ay bunsod ng umiiral na kasikatan ng Social network sa
Pilipinas partikular na ang Facebook. Layunin ng papel na ito na ipakita ang
ugnayan ng Facebook sa kultura ng mga Pilipino na siyang magpapaliwanag sa
mainit na pagtangkilik ng mga Pilipino sa Social network na ito. Gamit ang
balangkas ng pagpapahalagang Pilipino na binanggit ni de Guia (2005), ang
analisis ng papel na ito ay umiikot sa aspeto ng Kapwa bilang Core Value,
Pakiramdam bilang Interpersonal value, at Kagandahang-loob bilang Sociopersonal value. Gamit ang mga piling websites na nagdedetalye kung paano
ginamit ang Facebook sa isang sitwasyon ng pakikipag-ugnayan, ipinapakita ng
papel ang mataas na antas ng interpersonal na aspeto ng mga Pilipino sa
pakikipag-ugnayan. Nagbibigay din ng papel na ito ng isang pananaw kung
paano ang Facebook ay maaaring maging isang mabisang paraan ng
pagtutulungan sa mga Pilipino ng sa gayon ay mapakinabangan ng lubos ang
mga kabutihang hatid ng pagiging konektado sa internet at pagiging kasapi ng
isang Social Network kagaya ng Facebook. Sa ganitong paraan, mababawasan
ang mga alalahanin tungkol sa negatibong hatid ng teknolohiya at mas lalo pang
mapapatibay ang positibong aspeto ng pagiging sociable na kalikasan ng mga
Pilipino. Inaasahan din na ang papel na ito ay makakadagdag sa mga literatura
sa cultural studies hinggil sa epekto ng makabagong teknolohiya at
komunikasyon sa lipunang Pilipino.

Panimulang Pag-Aaral sa Varayti ng Tagalog-Pateros sa Domeyn


ng Balutan
Villanueva, Voltaire

Abstract:
Isa sa mga sakop na aralin ng Lingguwistika ang Sosyolingguwistika. Malayo na
ang narating ng larangang ito sapagkat naging tuon nang napakaraming pagaaral ang ugnayan ng wika at lipunan. Napatunayan na hindi kayang
paghiwalayin ang maigting na koneksyon ng wika at lipunan na pangunahing

layunin sa pag-aaral at pagsusuri bilang salalayan ay Sosyolingguwistika. Sa


sitwasyon ng bayan ng Pateros, ang varayti ng wika sa domeyn ng industriya ng
balutan ay magiging lagusan o kuhanan ng batis. Ang wika sa balutan sa Pateros
ang magiging sandigan upang mailarawan, mauga,t at masuri ang kahalagahan
ng wika sa isang pamayanan o komunidad pangwika. Ang wika ng balutan ang
magiging impukan at kuhanan ng mayamang karanasan, kultura at kasaysayan
ng bayan ng Pateros. Sa pamamagitan ng pag-aaral na ito ay masusuri ang
kakanyahang Pateros mula sa batis sa industriyal na rejister o leksikal na aytem
ng ibat ibang domeyn ng balutan ng Pateros. Ito ay magiging mahalagang
bahagi ng kabuuan at pagkakakilanlan ng munting bayan at pagpapayabong ng
wikang pambansa ng Pilipinas. Ang pag-aaral na ito ay nakatuon sa pagtatala ng
leksikal aytem ng mga salita sa domeyn ng balutan na mayroong malaking
kaugnayan sa pangkalahatang kaakuhan ng Pateros.

Edukasyong di Pormal ng mga Katutubong Agta sa General Nakar,


Quezon Gamit ang SWOT Analisis
Zafra, Reynele Bren G.
Abstract:
Ang pagbibigay ng halaga ng mananaliksik sa edukasyon at kultura ang nagudyok sa kanya upang isakatuparan ang pag-aaral na ito na tumatalakay sa
usapin ng edukasyong di pormal ng mga katutubong Agta sa General Nakar,
Quezon. Dito sinuri niya ang kalagayan ng Sentrong Paaralan ng mga Agta sa
aspektong kultural, pedagohikal, kaguruan at ekonomikal gamit ang
makapangyarihang SWOT Analisis.

BAYAN AT PAGKABAYAN SA SALAMYAAN: ANG PAGPOPOOK NG


MARIKINA SA KAMALAYANG-BAYANG MARIKENYO
Petras, Jayson de Guzman
Discipline: Kalinangang bayan

Abstract:
Kabisera ng Industriya ng Sapatos ang naging pagkakilanlan ng Marikina sa
maraming taon. Sa kabila ng pagtamlay ng industriya ng sapatos sa
kasalukuyan, nanatili itong panlabas na tatak ng bayan na iginigiit ng mga
istrukturang tulad ng Marikina Shoe Museum at ng kinikilalang pinakamalaking
pares ng sapatos sa buong mundo batay sa Guiness Book of World Records.
Gayundin, sa kasalukuyang politikal na kaganapan, nailulugar ang Marikina
bilang modelo ng kalunsuran. Sa ganitong mga panlabas na pagtingin sa
Marikina bilang sentro ng industriya at ng urbanisasyon, naisasantabi ang bigkis
ng pagiging bayan mula sa ugnayan ng tao sa kanyang kapwa at kalikasan
(Rodriguez-Tatel 10). Samakatuwid, higit pa sa mga panlabas na larawan, isang
hamon ang ganap na pagkilala sa Marikina mula sa loob. Nararapat na kilalanin

ang Marikina hindi lamang bilang administratibong yunit, kundi lalot higit sa
pagpapakahulugan, paghuhugis, paglalarawan, paglikha ng lugar at tao batay
sa ibat ibang tinig at persepsyon, nakatitik man o salimbibig, sa pagdaan ng
panahon (Nelmida-Flores 1) o sa natatanging kalinangan at kapaligiran ng
nanahan dito (sipi kay Salazar nina Navarro et al. 129-130). Samakatuwid,
nararapat ang isang pagpopook o pagsasadiwa ng ako mula sa natatanging
karanasan sa loob ng bayan (Nuncio at Nuncio 17). Kaugnay nito, ipinapanukala
ng pag-aaral ang konsepto ng salamyaan bilang dalumat ng pagkilala sa bayan
at pagkabayan na nakaugat sa kamalayang-bayang Marikenyo. Sa simpleng
pakahulugan, ang salamyaan ay isang salitang Tagalog (bahagi ng diyalektong
Marikenyo) na nangangahulugang isang silungan kung saan ang mga
Marikenyo, partikular ang mga matatanda, ay nagasasama-sama upang
magpahinga, magkuwentuhan, magkainan, at maglibang (Florendo-Imao 12). At
sa mga umpukan at kuwentuhang nagaganap sa salamyaan, mahalagang
masuri ang pagtatampok nito sa sama-samang pag-alam at pag-ugat sa
kaakuhan ng bayang Marikina mula sa ugnayan nito sa kalikasan at tao sa kabila
ng hamon ng modernisasyon

Ang Pagbasa ng Juan for All, All for Juan ng Eat Bulaga at ang
Mito ng Bayanihan of D Pipol
Ancheta, Jeffrey Rosario
Discipline: Philippine Studies
Abstract:
Gamit ang semiotika ni Roland Barthes, sinuri sa papel na ito ang Juan for All, All
for Juan na isang segment ng Eat Bulaga na ipinalalabas sa GMA7 tuwing
tanghali, upang masipat ang pagbuo ng mito ng tinatawag nilang bayanihan of
d pipol. Sa pamamagitan ng paggamit ng awtor ng mga imahe, dayalogo, at
musika mula sa palabas, inilahad ng awtor ang naging pagbasa niya sa nasabing
segment. Inilahad din sa papel na ito ang konsepto ng semiotika upang higit na
maunwaan ng mambabasa ang dahilan ng paggamit nito ng awtor.

ANG UNANG GAT NG LALAWIGANG RIZAL: ISANG UNANG


PAGTATANGKA SA MULING-PAGBUBUO SA BUHAY AT KATAUHAN NI
GAT SALYAN MAGINTO
Amante, Vincent Louise
Discipline: Kalinangang bayan
Abstract:

Sa pagbubuo ng kasaysayan ng isang bayan, isang maselang gawain ang


pangangalap ng mga datos na may 400 taon na ang nakalilipas. Kaya hindi
maiiwasang hagilapin at itala ang mga alamat at kuwentong bayan tungkol sa
lugar na tinutukoy. Bilang isang dumayot naninirahan sa lalawigan ng Rizal, sa
bayan ng Binangonan, pinili kong alamin ang pagpapangalan sa mga bayan ng
aming lalawigan batay sa mga nakalap na alamat at kuwentong bayan ng mga
ito. Pinili ko ang Isla ng Talim sa Lawa ng Bai at dito ituon ang aking saliksik
mula sa makukuha kong mga alamat ng mga bayan ng Rizal. Matagal na akong
nahihiwagaan sa islang ito mula pa noong nasa elementarya ako. Mula sa tuktok
ng aming bubong ay tanaw ko ang lawa at ang isla. Lalo pa akong namangha
nang maakyat ko ang burol sa aming subdibisyon at ituro ng ilang kaibigan ang
Bundok Tagapo na mas kilala bilang Bundok ng Susong Dalaga ng nasabing isla.

Pagsisimula ng Kilusang Feminista sa Pilipinas at Indonesia:


Panimulang Paghahambing
Jose, Mary Dorothy d.

Abstract:
Ang papel na ito ay panimulang paghahambing sa pagsisimula ng kilusang
feminista sa Pilipinas at Indonesia. Sa kadahilanang may kasalatan sa mga pagaaral tungkol sa papel ng kababaihan sa kasaysayan at kadalasang natatalakay
lamang sila kung ang nilahukan nilang larangay panlalaki, minarapat na
pagtuunan ng pansin sa papel na ito ang papel ng kababaihan sa pagpapasimula
ng kilusang feminista sa Pilipinas noong 1905 at Indonesia noong 1912.
Binalangkas ang paksa hindi lamang sa diwa ng Araling Kababaihan kundi sa
diwa rin ng Araling Kabanwahan sa pamamagitan ng komparatibong pag-aaral sa
mga pagkakatulad at pagkakaiba sa naging karanasan ng Pilipinas at Indonesia
sa usapin ng pagsisimula ng kilusang feminista sa dalawang bansa.

Nasyonalismo at Pagkakakilanlan sa Musika ng Iglesia Filipina


Independiente: Pagsusuri sa Misa Balintawak ni Bonifacio Abdon
Tan, Arwin Q.
Discipline: Social Science
Abstract:

Bilang bagong-tatag na simbahan noong mga unang taon ng ika-20 siglo, ang
Iglesia Filipina Independiente (IFI) ay nagtangkang igiit ang impluwensya nito sa
mga Pilipino gamit ang ibat ibang pamamaraan ng lehitimasyon upang
pagtibayin ang posisyon nito bilang pambansang simbahan ng sambayanang
Pilipino. Sa maraming mekanismong maaaring makapagdulot ng malawakang
epekto, kapansin-pansin ang pagbibigay-halaga at pagkilala ng simbahan sa
kakaibang kapangyarihan ng musika upang palaganapin ang maalab na diwang
makabayan ng mga nagtatag nito at mga kasapi.
Sa artikulong ito, uusisain ko ang kahalagahan ng musika sa IFI. Kasama rito
ang paggamit ng mga simbolismo at representasyon na nakapaloob sa malaritwal na pagganap ng misang Aglipayano. Nakatuon ang pag-aaral sa
komposisyon ni Bonifacio Abdon na binansagang Misa Balintawak, na maaaring
maituring na isa sa pinakaunang kumpletong misa, kung hindi man ito ang
pinakauna, na nasa wikang Tagalog. Susuriin ito bilang isang balangkas
panlipunang ginamit ng simbahan upang maitaguyod ang kanyang presensyang
pampulitika, lalung-lalo na sa pagbibigay-kahulugan sa pag-awit ng misa sa
pampublikong espasyo kung saan ang simbahan ang nagmistulang entablado sa
pagganap nito. Ang katangian ng Misa Balintawak, gamit ang malalalim na
simbolismo, ay pag-aaralan upang mabigyang-linaw ang pag-intindi kung paano
ito nakapag-ambag sa adhikain ng IFI upang ito ay kilalanin, tanggapin, at
igalang bilang isang malayang simbahang Pilipino.

You might also like