You are on page 1of 2

Mensahe ni Benigno S.

Aquino III, Pangulo ng Pilipinas, sa Sambayanan

Ukol sa pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution [Video message na ipinalabas noong ika-24 ng Pebrero, 2011] Ngayong buwan ng Pebrero, ipinagdiriwang natin ang ika-25 anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution. Sa mga hindi pa ipinapanganak sa panahong iyon, marahil ang tanong ninyo: Ano nga ba itong EDSA People Power? Bakit ba natin ito ginugunita? Ang kalayaang tinatamasa ninyo ngayon ay bunga ng pakikipaglaban ng taumbayan sa EDSA. Dito nagtipon at nagkaisa ang inyong mga magulang, ang inyong mga kamag-anak at ang marami pang Pilipino upang wakasan ang mahigit isat kalahating dekada ng diktaturya. Isang mapayapang rebolusyon ang tumapos sa mahabang panahon ng karasahan. Taas-noong ibinandila ng Pilipino sa mundo ang lakas ng pagkakaisa na nagmumula sa pagmamalasakit sa kapwa. Ang People Power Revolution ng Pilipinas ay nagsilbing inspirasyon sa iba pang mapayapang rebolusyon sa mundo: ang pagtibag sa Berlin Wall sa Germany at ang Velvet Revolution sa Czechoslovakia noong 1989. At kamakailan lang, ang pagwawakas ng diktadurya sa ibat ibang bansa sa Gitnang Silangan. Ito ang liwanag na hatid ng EDSA sa mga Pilipino at sa buong mundo. Huwag sana ninyong balewalain ang kalayaang tinatamasa niyo ngayon. Di tulad noong panahon ng batas militar kung saan binulag ang mga mamamayan at itinikom ang kanilang mga bibig. Malaya kayo ngayong lumabas sa gabi nang walang hudyat ng curfew; malaya kayong manood ng telebisyon at pakinggan ang opinyon ng publiko nang walang censorship sa media; malaya kayong ipahayag ang inyong mga pananaw at saloobin nang walang banta ng pag-aresto. Tandaan na lamang ninyo na may kaakibat na responsibilidad ang mga kalayaang ito. Tiwala ako, na gagamitin ninyo ang mga ito upang maka-ambag sa higit na ikabubuti ng ating bansa. Tinatawag ko ang mga kabataan: Pumulot kayo ng aral sa mga nakakatanda sa inyo na nakaranas ng Martial Law. Hindi lamang ito pagkilala sa mga bayani ng People Power. Sabi nga ng pilosopong si George Santayana, Those who cannot remember the past are condemned to repeat it.

Huwag nating hayaang maulit ang madilim na yugto ng nakaraan. Isapuso natin ang diwa ng bayanihan. Isabuhay natin ang pamana ng EDSA. Hawak natin ang susi sa pagbabago. Panahon na upang tayo naman ang kumilos. Tandaaan natin: Hindi natapos ang rebolusyon sa EDSA sa loob ng apat na araw lamang. Hanggat hindi natin nakakamit ang kalayan mula sa kahirapan, hanggat may mga nagpupumilit pa ring palaganapin ang katiwalian, obligasyon nating ipagpatuloy ang ipinaglaban sa EDSA. Makakamit lamang natin ang tagumpay kung mananaig ang pagkakaisa sa halip na pagkakanya-kanya. Matatamasa lamang ang tunay na pagbabago kung mamamayani ang pagiging tayo, sa halip na pagsulong ng maka-sariling interes. Tayo ang lakas ng People Power, tayo ang lakas ng pagbabago.

You might also like