You are on page 1of 9

Pinoy Slang: Wika sa Kulturang Popular1

Claudine Favor Duyala

Kung inyo munang mamarapatin, akoy may ichichika ng kaunti, jutay lang ba? Alam ba news na muntik ko na kayong ma-indian ngayon? Paano gravidad ang traffic ever diyan sa may Kalentong. Feeling ko aabutin ako ng siyam-siyam bago makarating dito. Bukod sa slow motion ang mga sasakyan, nakakabadtrip pa iyong drayber. Halos lahat ng makitang tao sa gilid ng kalsada hinihintuan at inaayang sumakay. Keri na sana kung sandali lang siya doon, aba 48 years pa kung mag-abang. Nakakaloka talaga. Paumanhin sa pamamaraan ng aking pagsasalaysay. Iyan ay isa lamang kathang-isip na kwento na bagamat hindi ko naranasan kanina ay may bahid ng katotohanan. Una, di lingid sa inyong mga taga-rito ang pagkatalamak ng traffic diyan sa Kalentong, kundi man sa kahabaan ng Shaw Blvd. patungo rito. Ikalawa, totoong
1

Papel na binasa sa Pamantasang Jose Rizal, Mandaluyong City noong ika-24 ng Agosto 2005 sa okasyon ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika.

LCCM Review

Page 75

may mga drayber ng ganoon ang istilo sa pamamasada. At may katotohonan na ang ilan sa mga ekspresyon at salitang ginamit ko sa pagkukwento gaya ng chika, jutay, alam ba news, ma-indian, gravidad, ever, slow motion, nakakabadtrip, keri, 48 years at nakakaloka, ay ang bida sa talakayan ngayong hapon ito.

Batay sa pamagat ng aking presentasyon, ilang termino ang mahalagang mabigyang linaw natin bago magptuloy. Una na rito ang paggamit ko ng pariralang Pinoy slang. Para sa hapong ito, sakop ng Pinoy slang ang mga salita, eskpresyon, wikang impormal na ginagamit nating mga Pilipino. Bagamat karamihan ng mga halimbawang aking babanggitin ay nasa o halaw sa, salitang Tagalog, pinili ko ang salitang Pinoy sapagkat hindi lamang mga Tagalog ang gumagamit ng mga ito. Ang salitang Pinoy mula sa salitang Pilipino ay kilalang palayaw natin sa ating mga sarili.

Kung titignan sa diksyunaryo ang kahulugan ng salitang slang ay: vocabulary of casual or playful, often short-lived expressions used especially for humor, irreverence (mockery, disrespect) or striking effect. Hindi bat ang paraan ng pagkukwento ko kanina dahil may halong Pinoy slang ay tila di nababagay sa ganitong klaseng okasyon. May dating kasi itong tila nais magpatawa o nais mangutya o mag-iwan ng impact sa kausap. Ang katangian nito bilang impormal na wika ang nagtatakda ng kanyang lugar. Kung minsay tinatawag itong salitang balbal, jargon o bigkas lansangan. Sinabi ni Paz Belvez na ang bigkas lansangan ay isa sa pinakamaunlad na wika dahlia sa pagiging gamitin nito at pabago-bago na likha ng ibat-ibang grupo ng tao.

Sankatwid, kung pagsasamahin ang mga salitang Pinoy at slang tutukoy ito sa kalipunan ng mga salita, ekspresyon, impormal na wika na ginagamit nating mga Pinoy sa ating pang-araw-araw ng pag-uusap o kumbersasyon. Ang napipinoto kong kontribusyon para sa Buwan ng Wika ay ang pagkilala sa Pinoy slang bilang bahadi ng ating pang-araw-araw ng komunikasyon at ng ating kultura sa kabuuan. Isa itong pagkilala sa Pilipino at sa paglikha ng mga salitang magagamit ng mga tao. Pagtutuunan natin ng pansin ang Pinoy slang di lang sa usaping wika kundi pati na rin sa usapin ng kulturang popular.

LCCM Review

Page 76

Isang paglilinaw lang, di ko hangad itaas sa pedestal ang Pinoy slang at ibaba ang pormal na wika. Hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang aking punto de bista ukol sa katangian at implikasyon ng Pinoy slang na manipestasyon ng wika sa kulturang popular. Marami kasing isyung kakawing ito, nariyan ang imaheng ang salitang kalye ay bulgar na pananalita o kayay ang mga isyu ng katamaran ng mga taong mag-isip ng angkop na salitang gagamitin. Gaya halimbawa ng paggamit ng salitang chuva sa ating mga pangungusap kung tinatamad tayong isipin ang nararapat na salitang gagamitin para ilarawan ang isang bagay o kaya wala lang talaga tayong maisip. Ang nakapagtataka dito ay tila naintindihan na ng kausap ang ibig mong sabihin kahit puro chuva lang ang iyong ginamit. Pinapaalala ko rin sa lahat na di ko mabibigyang tugon ang inyong mga katanungan ukol sa etimolohiya o pinag-mulan ng mga salitang ito. Ngunit ang mas mahalagang gawin rito ay maipakita kung paano kumikilos ang Pinoy slang sa ating lipunan at ano ang implikasyon ng pagkakaroon natin nito. Bago magpatuloy mahalagang bigyang kahulugan ang mga termino kagaya ng wika, kultura at kulturang popular ng sagayon maipalita ang ugnayan ng mga ito sa isat-isa. A. Wika Ayon kay Gleason, (sa aklat ni Paz Belvez) ang wika ay isang masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na pinili at isinaayos sa paraang arbitraryo upang magamit sa komunikasyon ng mga taong nabibilang sa isang kultura, Ang mga katangian naman ng wika ay: may masistemang balangkas, sinasalitang tunog, komunikasyon, pantao, kaugnay ng kultura, natatangi, malikhain at patuloy na nagbabago. Ayon kay Saussure, sa pagsabi niyang ang wika ay arbitraryo mahalagang pagtuunan ng pansin kung paanong ang mga salitang ito ay gumagana at ginagamit sa isang wika. B. Kultura Ang kultura ay isang partikular na paraan ng pamumuhay ng isang grupo ng mga tao. Ayon kay John Storey, culture can refer to texts and practices whose principal function is to signify, to produce or to be the occasion for the production of meaning. Sabi naman ni John Fiske, culture is the constant process of producing meanings of and from our social experience and such meanings necessarily produce a social identity for the people involved.

LCCM Review

Page 77

C. Kulturang Popular Ayon kay Gilda Cordero-Fernando sa aklat niyang Pinoy Pop Culture, tumutukoy ang pop o pop culture sa kung ano ang sab pangkalahatan ay tanggap ng nakararaming tao. Malaking impluwensya sa kulturang popular ang teknolohiya at mass media gaya ng pahayagan, telebisyon at pelikula kaya madali itong makilala. Ito aniya ay visual, auditory at gustatory (o may kinalaman sa taste). Sa naturang aklat naitanghal ni Fernando ang Pinoy slang bilang bahagi ng kulturan popular. Marami siyang halimbawang ibinigay at mga paliwanag sa pagbuo ng mga ganitong salita na tatalakayin natin mamaya.

Ayon naman kay Soledad Reyes, ang kulturang popular ay ang higit na kontemporaryong ekspresyon ng mga pananaw na matatagpuan sa kapaligiran, artipak o nilikha o ginawa ng mga kapwa Pilipinong manlilikha/manunulat upang igyan ng artikulasyon ang mga pangarap, ideya at saloobin ng nakararami.

Ayon kay John Storey, ang kulturang popular ay kulturang nagugustuhan ng nakararami. Dagdag pa niya, ang mga teksto ay palaging nagpapakita ngisng partikular na imahe ng mundo (pelikula, musikang popular at fiction). Texts are said to take sides, consciously or unconsciously in this conflict. Cultural practices (gaya halimbawa ng paggamit ng slang) articulate in a disguised from collective (but suppressed and repressed) wishes and desires.

Ayon naman sa Neo-Gramscian Hegemony Theory, popular culture is a site of struggle between forces of resistance of subordinate groups in society and the forces of incorporation of dominant groups in society. Making popular culture can be empowering to subordinate and resistant to dominant understandings of the world.

Mainam na tandaan ang mga kahulugang nabanggit dahil kakailanganing ito sa malapitang pagbasa at paglulugar sa Pinoy slang bilang wika sa kulturang popular. Ang susunod naman ay ang mga impormasyong tungkol sa Pinoy slang, mga halimbawa nito at mga paraan ng pagbuo at paglikha mula sa Tagalog Slang Dictionary ni R. David Zorc at Pinoy Pop Culture ni Gilda Cordero-Fernando.

LCCM Review

Page 78

D. Tagalog Slang ayon kay R. David Zorc Isang akademiko si R. David Zorc na gumawa ng Tagalog slang dictionary. Binigyang kahulugan niya ito bilang isng pagpapakita ng henyo ng mga tao. Make language fun and make fun of language, dagdag pa niya. Ang Tagalog slang daw ay nagmula sa ibat-ibang paraannng pakikipag-usap sa mga in-group gaya ng mga magaaral (toxic, bisi-bisihan), mga drayber ng jeep (cosa), mga artista at mga gay (chuk chak chenes at iba pang swardspeak). Bagamat sa loob ng grupo ginagamit o sinimulang gamiting ang mga ito, nakaabot ito sa mga pahayagan at iba pang media. Bukod pa rito, ang mga tao ay nakakalikha ng mga salita at ekspresyong slang sa panghiram mula sa ibang wika at sa pagbibigay ng bagong kahulugan sa mga salitang dati nang ginagamit. Ang mga sumusunod ay ilang paraan ng pagbubuo ng Tagalog slang ayon kay Zorc: Loanwords. Ito ay mga salitang hiram sa ibang wika kagaya ng mula sa Ingles (promdi, toxic, jas-jas), Kastila (di kahon, pumapel), Intsik (tong), Bisaya (sibat mula sa Cebuano at gurang mula sa Waray-Bisaya), at Kapampangan (utol). Mayroon namang mga salitang Tagalog na may bagong kahulugan gaya ng kanang-kamay, luto at taga. Ang coinages ay mga nalikhang salita mula sa o ibinatay sa mga salitang ginagamit na. Ang mga sumusunod naman ay halimbawa ng mga coinages: palpak (lagpak), walandjo (walanghiya) at asucara de papa (sugar daddy). Kabilang din sa Tagalog slang ang paggamit ng mga numero bilang mga ordinaryong salita na may kahulugan iba pang kahulugan bukod sa mga bilang na nirerepresenta nito (666, 14344). Sa paghuhubog naman ng salita, mayroon siyang limang kategoryang binuo. Ito ay ang mga sumusunod: 1. wordplay ang paglalaro sa mga salita ay ang paglilipat ng mga tunog, pagbawas o pagdagdag ng titik o pantig (nenok, dedo, balbon*) 2. metathesis - mayroong pagpapalit ng mga tunog sa loob mismo ng salita kagaya ng pagbaliktad ng mga pantig (astig, bokal, sitak) 3. pagpapaikli (amboy, munti, syano)

LCCM Review

Page 79

4. acronym - karamihan sa mga ito ay maiintindihan lamang kung ikaw ay isng insider o kabilang sa grupong gumagamit nito (LQ, HHWWPSSP, KGB, AIDS)**. 5. mix-mix paghahalo o pagsasama ng dalawa o higit pang wika sa isng salita, parirala o pangungusap (akinset katapusan, anong say mo, pa-epek, labnat, bow ka na lang) * mula sa salitang Kastila na barbon (full-bearded man) **para sa mga di pamilyar ito ang ibig sabihin ng mga acronym na nabanggit: LQ Lovers Quarrel HHWWPSSP Holding hands while walking, pa-swing-swing pa KGB Kung Gabi Bakla AIDS Anit Is Definitely Showing (isa lamang ito sa maraming kahulugan) E. Pinoy Slang ayon kay Gilda Cordero-Fernando Ito naman ang mga kategorya halaw sa aklat ni Fernando na nabanggit kanina: 1. yuppietalk (clueless, PC para sa personal computer) 2. kolehiyala speak (kaka-ines, over, superyabang) 3. service speak (bos, tsip, brad) 4. mga original (lagare, chikahan) 5. Filipino English (gives para sa hulugan at five-six para sa interes sa utang) 6. carabao English (I dont know to you), Engalog (telebabad, chancing, praning) 7. slang (astig, dada, jeprox) 8. swardspeak (thundercats, ma at pa, wiz at plang, trulili, jokla) 9. paboritong ekspresyon (benaki todits, bahala na si batman, di ko na ma-take, sana kunin ka na ni Lord) 10. salitang kalye sa musikang popular at pelikula (torpedo, hari ng sablay, huwag kang gamol) 11. brand names para sa generic (coke para sa softdrink, colgate para sa toothpaste, gasul para sa LPG, Kodak sa lahat ng camera, Band-Aid para sa lahat ng plastic strip) 12. contracting words (askal, kapalmuks) 13. combination (mga pinagsama-samang pantig ng magkakaibang salita (tapsilog, iscargo)

LCCM Review

Page 80

Sadyang napakaraming paraan ng pagbuo at paglikha ng mga salitang kabilang sa Pinoy slang. Interesante ang mga ito maging ang mga resultang salita, parirala o mga pangungusap na madalas nating naririnig kundi man ginagamit sa mga kumbersasyon.

Paglalagom Napatunayan natin na ang Pinoy slang ay nagtataglay ng mga katangian ng wika sa pangkalahatan. Ito ay sinasalitang tunog, ginagamit sa komunikasyon, kaugnay sa kultura, natatangi, malikhain at patuloy na nagbabago. Nais ko lang gawing partikular ang kaugnayan ng wika sa kulturang popular kung saan nakita natin ang papel ng mass media at teknolohiya sa paglikha, paglaganap at pag-inog ng Pinoy slang. Natatangi ito sa atin at kapansin-pansin ang pagkamalikhain ng wikang ito gaya ng nabanggit kanina. Kinikilala rin ang katangian nito na patuloy na magbabago at nagbabago. Hindi bat sa halip na isputing ang ginagamit na salita ay japorms na ang ginagamit upang ilarawan ang isang taong nakaporma at tila may ispesyal na okasyon na pupuntahan? Bilang isang teksto ng kulturang popular, ang Pinoy slang ay nakabatay sa arawaraw na karanasan ng tao. Ito rin ay repleksyon ng mga taong gumamit at lumikha nito, ng kanilang lipunan, ng panahon kung kailan ito nilikha at ginamit at siyempre ang klase ng kulturang popular na namayani rito. Nabanggit kanina ni Zorc ang paglaganap ng mga ganitong salita sa mga ingroup. Makikita natin ang nagiging papel ng Pinoy slang bilang isang bagay na nakapagibigay identidad sa isang grupo ng tao. Tila nakikilala ang isang grupo batay sa mga salitang ginagamit sa kanilang pag-uusap. Halimbawa nito ay iyong kolehiyala speak at swardspeak na binanggit ni Fernando. Kung may sarili silang mga tuntunin sa loob nito, di malayong may sarili silang wika. Nagtatakda ito ng mga hangganan para sa mga taong di kabilang sa grupo dahil hindi nila alam ang ganoong wika. Samakatwid tila nagagawad ito ng kapangyarihan sa mga tagapagsalita kumpara doon sa mga di nagsasalita nito. Kung minsan nga, kapag di mo alam ang bagong in na salita, mapag-iiwanan ka. Ang paggamit ng Pinoy slang ay maaaring makapagbigay ideya kung anong klaseng personalidad meron tayo, maging ang estado o uri na kinabibilangan sa lipunan. Di ko naman sinasabing tama palagi ang mga ito at ang pagsasalita lamang ang tanging basehan kaya lang hindi rin kasi maiwasan na iugnay ang paraan ng pagsasalita at pagpili ng salitang ginagamit sa katauhan ng isang tao at/o ng grupong kanyang kinabibilangan.

LCCM Review

Page 81

Samantala, nababakas din ang kalayaan nating hubugin at ayusin ang wika ayon sa ating pangangailangan. Kaya nga siguro kahit walang katiyakan ang kahulugan ng salitang chuva ay naiiintindihan natin kasi nakakatulong siya (kung minsan) sa mga usapan. Bilang pagtatapos akoy nag-iiwan ng kaunting panawagan sa paggamit natin ng Pinoy slang. Naway isaisip natin palagi na gaya ng nakasananyan na nating wikang binibigkas, may kaakibat na responsibilidad ang paggamit nito. Huwag magbibitaw ng salita kung di tiyak sa kahulugan at gamit. Tandaan na maaaring di lahat ng tao ay alam ang sinasabi ninyo. Laging isaalang-alang ang kausap at konteksto ng usapan upang maiwasan ang di pagkakaunawaan. Isaisip lagi ang layuning magkamit ng mabisang komunikasyon at ang ugnayang pantao. Higit sa lahat, maging aktibong kalahok sa proseso ng komunikasyon at pagbibigay kaulugan sa mga teksto, gawi at pangyayari sa lipunan.

LCCM Review

Page 82

Mga Sanggunian

Cordero - Fernando, G.(2001). Pinoy Pop Culture. Suyen Corporation. Fiske, J.(___) Understanding Popular Culture. Reyes, S.(1997) Pagbasa ng Panitikan at Kulturang Popular: Mga Piling Sanaysay 1976-1996. Ateneo de Manila University Press. Storey, J.(1997). An Introduction to Cultural Theory and Popular Culture 2nd Ed. Hartfordshire: Prentice Hall. Zorc, D., San Miguel R.(2000). Tagalog Slang Dictionary. Manila: De La Salle University Press,

LCCM Review

Page 83

You might also like