You are on page 1of 39

Multilinggwalismo: Salbabida ng Wikang Filipino at Mga Dayalekto,

Bagong Kahingian ng Globalisadong Mundo

ni David Michael M. San Juan

(lahok na nagwagi ng Ikatlong Gantimpala sa

Gawad Surian sa Sanaysay-Gantimpalang Collantes 2008)

“Kayo’y nagkaisa upang ibigkis ang inang bayan sa Espanya gamit ang mga kwintas na

rosas ngunit ang totoo, iginagapos n’yo siya sa pamamagitan ng mga kadenang

matibay pa sa diyamante! Humihingi kayo ng pantay na karapatan, ng Hispanisasyon

ng inyong mga pag-uugali, at hindi ninyo mapagtantong ang inyong hinihingi ay

pagpapatiwakal, ang pagkawasak ng inyong pagkamamamayan, ang pagdurog sa

inyong lupang tinubuan, ang pagpapataw ng diktadura! Magiging ano kayo sa

hinaharap? Isang bansang walang sariling diwa, bansang walang laya, lahat ng taglay

ninyo’y hiram lamang, pati na ang inyong mga depekto! Nagmamakaawa kayong

lukuban ng Hispanisasyon at ni hindi man lang kayo nahihiya!”

(Simoun sa nobelang “El Filibusterismo”)

Sandaantaong mahigit matapos ipahayag ni Jose Rizal ang kanyang tuligsa sa

Hispanisasyon ng mga indio sa wika at pag-uugali sa panahon ng kolonyalismong

Español, narito’t gahum o hegemonya naman ng Ingles ang kinakatunggali ng

sambayanang nakikibaka pa rin para sa isang bansang tunay na malaya at may sariling

wika. Naglalayag pa rin sa maalong dagat ng ligalig at kawalang-katiyakan ang wikang

Filipino at mga katutubong dayalekto sa kasalukuyan. Sa halip na itaguyod ang wikang

1 ng 39
sarili, muling humihiling ng “tanikalang matibay pa sa diyamante” ang ilang Pilipinong

nabubulagan at nagdudunung-dunungan. Muli na naman nilang isasabak ang

sambayanan sa isang pagpapatiwakal. Binubura ng ilang kongresistang may makitid na

isip at pananaw ang mga tagumpay na kinamtan ng pambansang kilusang

nagtataguyod sa wikang pambansa at mga wikang katutubo ng Pilipinas. Ilang hakbang

na lamang at malapit nang maisabatas ang kalagim-lagim na bangungot na tinatawag

na AN ACT TO STRENGTHEN AND ENHANCE THE USE OF ENGLISH AS THE MEDIUM

OF INSTRUCTION IN PHILIPPINE SCHOOLS (House Bill/HB No. 4701). Ipinasa na ito ng

mga ignoranteng kongresista at inaantabayanan naman ang magiging aksyon ng mga

senador ng republika. Nakalulungkot na katuwang ng mga kongresista sa tusong

kudeta kontra-Filipino ang pinakamataas na lingkod-bayan na sinasabing nag-aral sa

isang pamantasan ni Uncle Sam. Kung tutuusin, mas nauna pa nga siya sa kanila nang

kanyang lagdaan ang dokumentong tila isang sentensyang bitay sa wikang Filipino at

mga wikang bernakular, ang Executive Order/EO 210. Pagpuksa sa Filipino at mga

dayalekto pabor sa lalo pang pagpapatibay ng pangungunyapit at paggamit ng wikang

Ingles sa edukasyon ang pangunahing layunin ng HB 4701 at EO 210 kaya mukhang

promotor, punong-kapural, tagapanguna at di lamang simpleng katuwang ang

kasalukuyang okupador ng Palasyo.

Kung magtatagumpay ang mga kabalyerong Amerikanista sa gobyerno,

malamang na magising tayo isang araw na burado’t lusaw nang lahat ang mga dakilang

pag-igpaw na kinamtan ng mahigit kalahating siglong pakikibaka para sa wikang

pambansa at mga wikang katutubo, sa malawak na dagat ng Ingles na muling lulunod

2 ng 39
sa sambayanan sa panibagong yugto ng Amerikanisasyon. Kailangan ng Filipino at ng

mga dayalekto ng mabisang salbabida upang makatawid sa sanlibo’t isang daluyong ng

kasalukuyan tungo sa maalwang bukas na naghihintay sa kabilang pampang ng

kasaysayan.

Basurang Argumento ng mga Amerikanista: Ingles daw ang wika ng

Information and Communication Technology (ICT)

Kailangang ilantad ang kahungkagan at kabobohan ng mga argumentong

inilalako sa taumbayan ng mga Amerikanista sa gobyerno at akademya, ng mga

“nagmamakaawa nang wala munti mang hiya” na maging Amerikano sa isip, sa salita at

sa gawa, batay na rin sa mabalasik na panulat ng ating pambansang bayani, upang

mapigilan ang nakaambang panunumbalik ng gahum ng Ingles. Mahalagang

mapatunayang palso ang mga argumentong pabor sa monolinggwalismong Ingles

upang maitanghal ang multilinggwalismong pabor sa Filipino at mga dayalekto.

Konsiderasyong ekonomiko ang binabanggit na dahilan ng EO 210 sa pagpapatibay ng

Ingles bilang pangunahing wikang panturo batay sa isang bahagi ng panimula nito:

“...there is a need to develop the aptitude, competence and proficiency of our students

in the English language to maintain and improve their competitive edge in emerging

and fast-growing local and international industries, particularly in the area of

Information and Communication Technology.”

Nakakatawa at/o nakakatuwang isipin na bago pa lumitaw ang EO 210 ay may

sagot na sa gayong kabobohan si Dr. Isagani R. Cruz (2001), isang edukador at

3 ng 39
kolumnistang bihasa sa Filipino at sa Ingles: “Ang pinakabagong development sa

larangan ng kompyuter...ay ang bagong tuklas na paraan kung paanong magiging

Mandarin at Cantonese ang mga wikang lumalabas at ipinapasok sa

kompyuter...Walang duda na sa loob ng sampung taon ay mapapalitan ang wikang

Ingles ng wikang Tsino (Mandarin man o Cantonese) bilang wikang pangkompyuter...”

Maaaring sumobra ang tantya ni Cruz sa pagpalit ng wikang Tsino sa Ingles bilang wika

ng kompyuter ngunit totoong sa kasalukuyan ay unti-unti nang lumiliit ang bahagi o

share ng Ingles sa wikang ginagamit sa internet at inaasahang mababawasan pa ito sa

mga darating na panahon.

Sa pananaliksik ng tagapangulo ng Internet Society/ISOC-Slovenia na si Borka

Jerman-Blažič (2005), binanggit na batay sa tala ng United Nations Educational,

Scientific and Cultural Organization (UNESCO), 45.5% ang share ng Ingles bilang

wikang gamit sa internet noong 2001, habang 8.5% lamang ang sa Intsik. Kagulat-

gulat na makalipas ang tatlong taon, 29% na lamang ang sa Ingles habang 20.2% na

ang sa Intsik. Mula 5.9%, umabot sa 10.9% ang bahagi ng kategoryang other

languages (mga wikang di kasali sa 12 pinakagamiting wika sa internet) sa nasabing

panahon. Samakatwid, nasa lugar ang optimistikong hula ni Jerman-Blažič ukol sa

pamamayagpag ng multilinggwalismo sa internet at ICT na kaugnay ng hula ni Cruz.

Kung totoong bukal sa loob ng Ingleserang okupador ng Malacañang ang layuning

makasunod sa takbo ng mundo ang bansa, multilinggwalismong nakakiling sa wikang

Filipino at mga dayalekto ngunit nagbibigay-puwang din sa iba pang wikang dayuhan,

at hindi monolinggwalismong pabor lamang sa Ingles ang dapat niyang isulong.

4 ng 39
Walang batayan ang pagpipilit ng mga Amerikanista na isabatas ang gahum ng Ingles

dahil diumano’y ito ang wika ng ICT. Bakit tayo sasandig sa Ingles lamang kung papaliit

na ang share nito sa daigdig ng mga kompyuter, habang papalaki naman ang sa iba

pang wika? Isa pa, hindi ba’t sa Hapon at Korea na parehong nangunguna sa ICT

(nakauungos pa nga sa Estados Unidos sa maraming aspektong teknolohikal),

katutubong wika ang ginagamit sa akademiko at industriyal na pananaliksik? Ang Tsina

ay sinasabing umaabante na rin sa ICT gamit ang sariling wika. Katunayan, ang

sanaysay na ito’y nalikha sa pamamagitan ng laptop na sa Tsina ginawa! Ang Pilipinas,

na mula’t mula pa’y Ingles na ang gamit sa ICT ay importer lamang ng mga laptop at

iba pang yaring kompyuter hanggang ngayon, bagamat nakapagpoprodyus na ng mga

microchip. Malibang tumulad tayo sa mga bansang may pagmamahal sa sariling wika –

dumudukal ng dunong at nananaliksik sa sariling wika – hinding-hindi tayo

makahahakbang pasulong sa ICT at sa iba pang larangan. Wala nang ibang wikang mas

mabisa sa pagkatuto ng kahit anupaman kundi ang wikang ginagamit ng madla, ang

inang wika ng bawat mamamayan, ang wikang unang natututuhan sa tahanan, ang

wika ng masa, ang wika ng midya, ang wika ng pang-araw-araw na komunikasyon.

Walang dudang ang wikang ito’y ang wikang Filipino at ang mga katutubong dayalekto.

Preskripsyong salat sa sentido komun at kaalamang panglinggwistika: Ingles

bilang pangunahing wikang panturo

Sa kabila ng mapanlinlang na pamagat ng EO 210 na Establishing the Policy to

Strengthen the Use of English as a Second Language in the Educational System, hindi

5 ng 39
maikukubli ng kahit sinong mapaglubid ng buhangin, gaano man kagaling, ang pagiging

makiling nito sa Ingles kontra sa Filipino at mga dayalekto ng Pilipinas. Sa unang

seksyon ng nasabing dokumento’y matutunghayan ang isang kagimbal-gimbal na

probisyong taliwas sa pamagat nito: “...English should be used as medium of instruction

for English, Math and Science from at least the Third Grade. The English language shall

be used as a primary medium of instruction, in all public institutions of learning at the

secondary level. As a primary medium of instruction, the percentage of time allotment

for learning areas conducted in the English language in high school is expected to be

not less than seventy percent (70%) of the total allotment for all learning areas...”

Ganito rin halos ang sinasabi sa Seksyon 4 ng HB 4701 tungo sa deklaradong layunin

na “...to make the education of the young aligned with the requirements and realities of

business life and competitive in the global environment by strengthening, enhancing

and developing the use of the English language as the medium of instruction in all

levels of education, from the preschool to the tertiary level.” Pinalala pa ito ng mga

probisyon na nagbibigay-prayoridad sa Ingles bilang wika ng interaksyon sa paaralan,

wika sa mga publikasyong pang-estudyante at wika sa mga eksaminasyong

inaadminister ng gobyerno. Ang sumatotal, sa pananaw ng mga Amerikanista,

kailangang paunlarin ang Ingles ng mga Pilipino para makasabay sa takbo ng mundo sa

pamamagitan ng paglalagay nito sa pedestal bilang pangunahing wikang panturo,

maging laban man sa pag-unlad ng sariling wikang Filipino at ng mga katutubong

dayalekto. Hindi man lang nila isinaalang-alang ang napakaraming pananaliksik sa

buong daigdig na nagpapatunay na inang wika o unang wika ang pinakamabisang

6 ng 39
wikang paturo. Kapag matibay ang pundasyon sa inang wika, magiging madali rin ang

pagkatuto ng iba pang wika. Kung gayon, salat sa kaalamang panlinggwistika at walang

bahid ng kahit katiting na sentido komun ang pagpupumilit ng mga Amerikanista na

itanghal ang Ingles bilang pangunahing wikang panturo.

Monolinggwalismo versus Multilinggwalismo

Di na dapat pang pagtalunan kung wastong paunlarin ang Ingles sa Pilipinas

sapagkat kahit ang mga grupong maka-Filipino ay naniniwalang kailangan pa ring ituro

ang Ingles, ngunit ang pagsasantabi sa wikang pambansa para lamang maisulong ang

Ingles ay masikhay na tinutunggali ng maraming akademista. Hindi ba’t mas mainam

kung pare-parehong pauunlarin ang mga umiiral na wika sa Pilipinas, pangunahin ang

wikang pambansang magbubuklod sa sambayanan?

Mismong ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay suportado ang pagsusulong

ng Ingles kasabay ng pagtataguyod sa Filipino at mga dayalekto, kaya nga sa mga

nakararaang taon, multilinggwalismo na ang panawagan ng ahensya, kasama ng iba

pang naliliwanagang mga samahang pangwika at indibidwal na akademista. Sa isang

talumpati, ipinagtanggol ng tagapangulo ng KWF na si Dr. Ricardo Ma. Duran Nolasco

(2007) “[a]ng lohika ng patakarang multilinggwal sa pagpapaunlad ng mga wika sa

Pilipinas...” na “unti-unting tinatanggap ngayon ng mas maraming mananaliksik sa wika

at/o tagagawa ng patakaran sa ating pamahalaan...” Idinagdag pa niyang

“Sinusuportahan ng KWF ang anumang kampanya na papaghusayin ang kasanayan sa

Ingles ng ating mga estudyante...” Sa ganitong diwa’y pinagsusumikapan ngayon ng

7 ng 39
KWF na maipaliwanag sa taumbayan ang kabutihan ng multilinggwalismo upang

malao’y matanggap nila ito. Sa kasalukuyan, patuloy na umaalingawngaw ang

mataginting na tinig ng KWF para sa multilinggwalismo gaya ng ipinahayag ng

tagapangulo nito: “It is time to foster respect for ALL languages especially endangered

languages, and to promote and protect them. Let us celebrate our linguistic diversity

with the peoples of the world. Wika Mo. Wikang Filipino. Wika ng Mundo. Mahalaga!”

(Nolasco 2008).

Wasto at kapuri-puri ang paninindigan ng KWF at iba pang samahang pangwika

pabor sa multilinggwalismo kontra sa gahum ng Ingles, sapagkat ganito rin ang trend

sa globalisadong daigdig o sa mundong sinasalanta ng globalisasyong ekonomiko na

noo’y pinangingibabawan ng Estados Unidos lamang. Lipas na ang panahong iisang

makapangyarihang bansa na lamang ang nakapagpapataw ng gahum sa buong

sistemang ekonomiko ng daigdig. Nagbabagong-anyo ang globalisasyon tungo sa

diaspora ng dominasyong ekonomiko at lingguwistiko mula sa Estados Unidos tungo sa

iba pang mga industriyalisadong bansa gaya ng Alemanya, Rusya at Tsina.

Katunayan, noong ika-16 ng Mayo 2007 ay pinagtibay ng Pangkalahatang

Asembliya ng United Nations ang isang resolusyong nagsusulong sa multilinggwalismo

bilang paraan ng pagtataguyod, pangangalaga at pagpapanatili sa dibersidad ng kultura

at wika sa buong mundo kasabay ng pagpapahayag sa taong 2008 bilang “Pandaigdig

na Taon ng Mga Wika.”

Nauna pa rito’y naglabas ng opisyal na paninidigan ang United Nations

Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) pabor sa multilinggwalismo

8 ng 39
(2003). Ayon sa nasabing dokumento, “Studies have shown that, in many cases,

instruction in the mother tongue is beneficial to language competencies in the first

language, achievement in other subject areas, and second language learning.” Ibinatay

ng UNESCO ang ganitong paninindigan sa pananaliksik nina N. Dutcher at G.R. Tucker

(1997) at S. Mehrotra (1998) na pawang pinondohan ng World Bank, isang entidad na

pangunahing nagsusulong ng globalisasyon sa ekonomya. Pinakamahalagang

konklusyon ng pananaliksik nina Dutcher at Tucker ang napatunayang bisa ng unang

wika ng bata bilang wikang panturo sa maagang bahagi ng pag-aaal. Ipinaliwanag

nilang mahalaga ang unang wika sa panimulang pagtuturo ng pagbasa, sa pag-unawa

ng paksang-aralin at bilang matibay na pundasyon sa pagkatuto ng pangalawang wika.

Sa antas lokal, napatunayang balido ang konklusyon nina Dutcher at Tucker kung

susuriin ang matagumpay na paggamit ng unang wika bilang pangunahing wikang

panturo sa Lubuagan, Kalinga. Sa pagsusulit sa kakayahan sa pagbasa ng mga nasa

ikatlong baitang ng elementarya na saklaw ng 2006 National Achievement Test (NAT),

nanguna ang Lubuagan – sa 10 distrito sa dibisyon ng Kalinga – sa English (76.5%) at

Filipino (76.44%) dahil “...ang unang wika ay siyang ginamit na midyum ng pagtuturo

sa naturang eskuwelahan, kahit sa science at math” (Nolasco 2007). Akmang-akma ito

sa mga tinuran ni Mehrotra: “...students learn to read more quickly when taught in their

mother tongue. Second, students who have learned to read in their mother tongue

learn to read in a second language more quickly than those who are first taught to read

in the second language. Third, in terms of academic learning skills as well, students

taught to read in their mother tongue acquire such skills more quickly.”

9 ng 39
Batay sa isang posisyong papel (c.2003) ng Sanggunian sa Filipino (SANGFIL),

Pambansang Samahan ng mga Tagamasid-Tagapagtaguyod ng Filipino (PASATAF),

Pambansang Samahan sa Wika (PSW), Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL),

Pamantasang Normal ng Pilipinas, Unibersidad ng Pilipinas, Pamantasang Ateneo de

Manila at Pamantasang De La Salle, napatunayan na sa isang eksperimento sa Iloilo

noong dekada 1960 ang “mas mabilis at mabisang matuto” ng mga kabataang Pilipino

sa sariling wika.

Wikang Filipino at Mga Dayalekto: Wika ng Sambayanan

Ano nga ba ang sariling wika ng mga Pilipino? Walang iba kundi ang wikang

Filipino at ang mga katutubong dayalekto, aminin man o hindi, tanggapin man o hindi

ng mga kabalyerong maka-Ingles. Gamit ang wikang Ingles, ipinahayag ng pangulo ng

Miriam College na si Dr. Patricia Licuanan sa isang forum (2007) na may mahigit 150

wikang sinasalita sa Pilipinas. Aniya, 99% ng mga tahanan sa Pilipinas ay nagsasalita ng

Filipino o Tagalog bilang una o pangalawang wika (ayon sa datos ng isang pambansang

census) habang tinatayang 30,000 lamang ang nagsasalita ng Ingles bilang unang wika

na karamihan pa’y mga Amerikanong nakatira sa bansa. Samakatwid, mas malaki pa rin

ang porsyento ng gumagamit ng Filipino at ng mga dayalekto bilang unang wika at/o

wika ng komunikasyon. Ayon naman kay Vivencio R. Jose (1996), sa maraming lugar sa

Mindanao, “bukod sa Filipino ay sabay-sabay na ginagamit ang Iloko, Cebuano,

Hiligaynon at Waray...” Malamang na ang Filipino at ang mga wikain ay kapwa rin

10 ng 39
ginagamit sa iba pang rehiyong di-Tagalog, depende sa kontekstong panlipunan (sino

ang kausap, ano ang pinag-uusapan atbp.).

Sa isang papel na binasa sa isang internasyunal na kumperensya, tinalakay ni

Cruz (2006), ang pagiging paimbabaw o superficial ng Amerikanisasyon ng Pilipino sa

kultura at sa wika. Alalaon baga’y nagtatagumpay pa rin ang Pilipino na magkaroon ng

sariling identidad sa kabila ng mapanglunod na gahum ng Amerikanistang wika at

kultura. Sumusulong at tuluy-tuloy yumayabong ang Filipino sa kabila ng mga

maniobrang kontra rito ng ilang mga nasa gobyerno. Tinawag ni Dr. Bienvenido

Lumbera (2005) na “kapit sa patalim na pag-unlad” ang gayong penomenon.

Sa telebisyon, lahat ng palabas sa prime time, lalo na sa mga nangungunang istasyon

ay Filipino ang gamit na wika. Ang mga advertisement ay kadalasang Filipino kundi man

Filipinong may halong kaunting Ingles. Sa pahayagan, mas malawak ang sirkulasyon ng

mga tabloid sa wikang Filipino kaysa sa mga broadsheet na Ingles. Batay sa banggit ni

Cruz, ang kabuuang sirkulasyon ng lahat ng pahayagang Ingles sa Pilipinas (Philippine

Daily Inquirer, Philippine Star, Manila Bulletin atbp.) ay 1.5 milyong kopya lamang kada

araw na walang panama sa 3.5 milyon ng mga pahayagang nakasulat sa Filipino

(Abante, Abante Tonite, Bulgar, People’s Journal, People’s Journal Tonight, and People’s

Taliba).

Walang dudang mula Aparri hanggang Zamboanga, isama pa ang Y’ami, Saluag,

Balabac at iba pang dulong bahagi ng Pilipinas, malayo na ang narating ng wikang

Filipino. Patuloy na ginagamit ang mga dayalekto sa iba't ibang rehiyon ngunit

malaganap na rin ang Filipino. Katunayan, sa aking pagdaan sa Cagayan de Oro

11 ng 39
patungong Camiguin, matatas na nag-uusap-usap sa Bisaya ang mga drayber, tour

guide at iba pang mga taga-roon, ngunit nang ako’y makipagkwentuhan sa kanila,

matatas din silang nakipag-usap sa akin sa Filipino, bagamat tubong-Mindanao talaga

sila at Bisaya ang kanilang unang wika. Biro nga ng isa kong kaibigang Filipino major

din, kahit nga ang mga Abu Sayyaf na nagkukuta sa pinakamagubat at pinakaliblib na

mga lugar sa Sulu at Basilan ay sanay nang mag-Filipino. Tandang-tanda ko pa nga

noong buhay pa si Abu Sabaya, ang sikat na tagapagsalita ng grupo, Filipino ang lagi

niyang ginagamit sa pagpapahayag ng kanyang mga demand sa pamamagitan ng Radio

Mindanao Network (RMN). Sa FM, ilang istasyon na lamang ang purong Ingles pa rin

ang wikang ginagamit. Tuwang-tuwa nga ako tuwing nakakapakinig sa ibang DJ dahil

sa totoo lang, tunog-akademiko ang kanilang mga talasalitaan. Pwede mo na nga silang

isabak sa balagtasan dahil sa ganda ng tugma at indayog ng kanilang mga

ispontanyong pagbati at pahayag. Hindi kalabisang ipaghambog na halos lahat ng

Pilipino ay nakapagsasalita at nakagagamit na ng Filipino sa araw-araw na diskurso.

Kahit ang pinakamalaki, pinakamalakas at pinakamatandang pangkat ng mga rebelde

sa Pilipinas, ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National

Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ay matagal nang gumagamit ng Filipino at bernakular

bilang mga pangunahing wika ng komunikasyon. Katunayan, kinilala ng Pambansang

Komisyon sa Kultura at Sining/NCCA (2000) ang pagtatatag ng CPP ng isang Kawanihan

sa Pagsasalin noong dekada 70 bilang “isang makabuluhang hakbang sa

institusyonalisasyon ng pagsasalin” mula Ingles tungong Filipino at vice-versa, na isang

malaking ambag sa pagsusulong ng wikang pambansa.

12 ng 39
Sa mismong pamahalaan, may mga kapuri-puring pagtatangka na ipalaganap

ang Filipino. Sa Supreme Court Forum on Access to Justice (2008), natutuwang ibinalita

ni Punong Mahistrado Reynato S. Puno na naging mabunga ang eksperimental na

paggamit ng Filipino sa deliberasyon ng mga korte sa ilang lugar. Naging mabilis ang

proseso ng pagtatanong ng mga abogado at pagsagot ng mga testigo, kaya pinaplano

ng Korte Suprema na palawakin pa ang paggamit ng Filipino sa mga deliberasyon ng

mga hukuman. Nagtayo rin ang Korte Suprema ng isang komite sa pagsasalin na ang

pangunahing tungkulin ay magsalin ng mga mahahalagang desisyon ng hukuman mula

Ingles tungong Filipino. Makabuluhan din ang pagsusumikap nina Pangalawang Pang.

Noli de Castro, Sen. Francis “Chiz” Escudero, Sen. Ma. Consuelo “Jamby” Madrigal, Sen.

Lito Lapid at Sen. Antonio Trillanes sa madalas na paggamit ng Filipino sa kanilang mga

pampublikong pahayag.

Sa internet, inilunsad ng mga akademistang maka-Filipino ang proyektong

Wikipilipinas upang ipalaganap ang intelektwalisadong paggamit ng Filipino sa

pamamagitan ng paglikha ng mga akademikong artikulo na estilong-Wikipedia. Sa

Wikipedia, ang pinakapopular na online encyclopedia, kasama ang “Tagalog”

(terminong ginamit sa unang pahina o opening page ng Wikipedia) at Ilokano sa unang

limampung wika sa daigdig na may pinakamaraming naka-upload na artikulo. Sa ilang

beses na pakikipag-chat ko sa mga taga-Davao at iba pang mga Pilipinong aking

nakasalamuha, sa pakiwari ko’y magaling na rin silang mag-Filipino. Mayorya rin sa mga

half Filipino (na sa ibang bansa isinilang at sa ibang bansa rin nakatira) na

nakatsismisan ko sa internet ay nakakaintindi ng Filipino. Samakatwid, ang Filipino ay

13 ng 39
buhay at ginagamit sa midya gayundin sa internet ng mga Filipino sa iba’t ibang panig

ng mundo. Bunga nito, di kataka-takang ito ang wikang mas gamitin din sa maraming

paaralan sa kabila ng pagpupumilit ng gobyerno na isabatas ang Ingles bilang

pangunahing wikang panturo.

Wika ng Bayan: Bukal ng Karunungan

Sa UP-Integrated School (kindergarten hanggang hayskul), itinuturo ang lahat ng

asignatura sa wikang Filipino kaya mas mataas ang average na markang nakukuha ng

mga mag-aaral (Dr. Mario Miclat: 2001). Samantala, dahil Ingles ang nangingibabaw na

wikang panturo sa Agham at Matematika, laging “kulelat” ang Pilipinas sa Trends In

Math and Science Survey/Third International Math and Science Study/TIMSS ayon kina

Virgilio Almario (1996) at Juan Miguel Luz (2007). Kasama sa mga nangunguna sa

nasabing pagsusulit ang Timog Korea, Hapon, Belgium at Republikang Czech, mga

bansang di Ingles kundi sariling wika ang wikang panturo sa Agham at Matematika.

Kung tutuusin, marami nang mga sangguniang aklat ang nailimbag sa Filipino sa iba’t

ibang asignatura kaya maaari na talagang isabansa ang ekperimento ng Unibersidad ng

Pilipinas (Cruz: 2001). Malaganap na ang paggamit ng Filipino sa lahat ng antas ng

edukasyon, sa halos lahat ng asignatura, dahil sa pagsisikhay ng Komisyon sa Wikang

Filipino at mga mananaliksik sa akademya na makabuo ng mga diksyunaryo, glosaryo

at aklat-sanggunian sa iba’t ibang larangan. Binanggit ni Dr. Lydia Liwanag (2001) na

nakapaglabas ng halos 250 publikasyon ang dating Surian ng Wikang Pambansa.

Nagpapatuloy at lalo pang humuhusay ang gayong sipag ng kasalukuyang KWF sa

14 ng 39
suporta na rin ng marami-raming samahang pangwika. Kapuri-puri rin ang dami at

kalidad ng mga publikasyong Filipino na naisakatuparan ng UP-Sentro ng Wikang

Filipino (Lilia Antonio: 2006). Sa Pamantasang Normal ng Pilipinas, marami-rami nang

glosaryong Filipino, Filipino-Ingles at maging Filipino-Ingles-Dayalekto sa iba’t ibang

larangan ang nabuo sa pamamagitan ng mga pananaliksik, tesis at disertasyon ng mga

mag-aaral sa antas-gradwado.

Kahit sa ibang mga kolehiyo at unibersidad ay buhay na buhay rin ang

pagsisikhay ng mga akademistang maka-Filipino sa paggamit ng wikang pambansa sa

iba’t ibang sangay ng karunungan. Sinuri ni Dr. Clemencia Espiritu (2005) ang mga

patakarang pangwika ng mga nangungunang unibersidad sa Pilipinas at masaya niyang

inulat na “...mahirap nang alisin ang wikang Filipino sa pagtuturo ng anumang

asignatura. Bahagi na ito ng sistema ng pagpapahatid ng mga kaalaman sa mga mag-

aaral at nagiging mahalagang kasangkapan ito sa pagpapaunlad ng mga kasanayan at

kaalaman maging sa mga asignaturang itinuturo sa Ingles.” Sa isang artikulo, itinala

naman ni Lumbera (2005) ang mga personalidad na nagpasimuno sa matagumpay na

paggamit ng Filipino sa pagdukal ng karunungan sa pilosopiya (Padre Roque Ferriols),

teolohiya (Padre Alberto Alejo), sosyolohiya (Dr. Prospero Covar), kasaysayan (Dr.

Zeus Salazar), sikolohiya (Dr. Virgilio Enriquez) at panunuring pampanitikan (Virgilio

Almario). Pinatunayan naman ni Dr. Pamfilo Catacataca (2006) sa isang sanaysay ang

pagiging mabisa ng wikang Filipino bilang “midyum ng pagtuturo ng mga

pagpapahalagang Filipino.” Bago pa sumapit ang taong 2000, maunlad na ang

paggamit ng Filipino sa agham panlipunan batay sa mga sanaysay nina Ligaya

15 ng 39
Tiamson-Rubin (1993) Teresita Fortunato (1995), na kapwa nagwagi sa Gawad Surian

sa Sanaysay-Gantimpalang Collantes.

Sa mga pampublikong paaralan, pangkaraniwan na ang paggamit ng Filipino

kahit sa mga asignaturang ayon sa batas ay kailangang ituro sa Ingles. Ayon mismo sa

mga kaibigan kong guro sa mga paaralang pribado at publiko, imposibleng gamiting

pangunahin at/o tanging wikang panturo ang Ingles dahil hindi naman ito ang unang

wika ng mayorya sa mga mag-aaral sa Pilipinas. Kahit sa pribadong paaralang aking

pinagtuturuan, na karamihan sa mga estudyante’y galing sa mga mayayaman at

kilalang angkan, marami-rami na ring mag-aaral ang umaangal sa ipinagpipilitang

English Only Campaign ng eskwelahan. At bakit nga hindi, gayong kahit medyo ma-

Ingles ang kanilang Filipino ay walang dudang Filipino na rin ang mas gamitin ng

marami-rami sa kanila. Kapag oras ng meryenda o tanghalian, Filipino ang madalas na

marinig kong tsismisan. Patagong natutuwa ako sapagkat mismong mga estudyante

naming coño ay sa Filipino na rin nagtsitsismisan. Patunay lamang ito na hindi lamang

sa buong Pilipinas kundi sa lahat ng antas ng lipunan ay laganap at ginagamit na ang

Filipino, aminin man at hindi ng mga Amerikanista. Kung tutuusin, ang sapilitan nilang

pagraratsada sa EO 210 at HB 4701 ay senyales ng pamamayani ng Filipino sa aktwal

na pagtuturo. Hindi sila magkukumahog na “palakasin” ang Ingles kung ito’y hindi

mahina at nadadaig ng Filipino sa arena ng edukasyon.

16 ng 39
Pagtataguyod sa Filipino at Dayalekto: Unang Hakbang Tungong

Multilinggwalismo

Malinaw kung gayon na Filipino ang wikang nagbubuklod sa at wikang ginagamit

ng sambayanang Pilipino, at nangingibabaw pa ring de-facto na wikang panturo sa

lahat ng antas ng edukasyon. Katuwang ng Filipino, malaganap din ang paggamit ng

mga dayalekto lalo na sa elementarya sapagkat nananatiling unang wika ng marami-

raming bata ang mga wikain sa Pilipinas. Samakatwid, kapwa Filipino at mga

katutubong dayalekto ang mas mabisang pangunahing wikang panturo kaysa sa Ingles

sapagkat umiiral at nakaugat na sa lipunang Pilipino ang mga ito. Natumbok ni Dr.

Melania L. Abad (2007) ang ganitong konsepto: “Ang pagkatuto ay mabilis at epektibo

kung direktang gumigising ito sa maraming pandama at sensibilidad ng mga mag-aaral

at wala nang iba pang wikang kakatawan dito kundi ang wika niya sa araw-araw at

wikang magbibigay sa kanya ng higit na tiwala at pagkakakilanlan...”

Kakambal ng pakikibaka para tuluy-tuloy na itaguyod at gamitin ang wikang

Filipino at mga katutubong dayalekto ang pagsisikhay na isulong din ang Ingles at iba

pang wikang dayuhan sa Pilipinas dahil sa mga konsiderasyong kultural at sosyo-

ekonomiko. Wasto si Nelson Turgo (2006) sa pagbibigay-diin na mali ang kaisipang

malaganap na umiiral “na sa pagpapalakas ng Pambansang Wika, pinapahina ang

Ingles.” Maraming pananaliksik na ang nagpatunay na ang matibay na pundasyon ng

unang wika ay nagbubunsod sa mabilis na pagkatuto ng/sa iba pang wika. Samakatwid,

ang pagpapalakas ng unang wika, ng pambansang wika, ay pagpapalakas din sa

pagkatuto ng wikang banyaga sa hinaharap.

17 ng 39
Sa isang masaklaw na pag-aaral, sinuri ni Susan Malone (2003) ang mga

nangingibabaw na patakarang pangwika sa mga bansa sa Asya. Lumabas sa kanyang

pag-aaral na may mga pagkakataong napag-iiwanan ang unang wika sa edukasyon

kaya naman nagbigay siya ng isang rekomendasyon na dapat pakinggan ng ating

pamahalaan: “Provide a strong educational foundation in the language the learners

know best, enabling them to build on the knowledge and experience they bring to the

classroom.” Ibinatay ni Malone ang kanyang rekomendasyon sa naunang pananaliksik

nina Wayne Thomas at Virginia Collier (2001): “The strongest predictor of L2 [second

language] student achievement is the amount of formal L1 [the children’s first

language] schooling. The more L1 grade-level schooling, the higher L2 achievement.”

Sa konteksto ng Pilipinas, kailangan nating palakasin ang pagtuturo at paggamit ng

Filipino at mga dayalekto upang magamit natin itong matibay at mapagkakatiwalaang

tulay sa lubos na pagkatuto ng Ingles at iba pang wikang dayuhan.

Pag-igpaw sa Rehiyunalismo: Susi sa Tunay na Multilinggwalismo

Matagal nang gumugulong ang kampanya para sa sabay na pagtataguyod ng

wikang Filipino at mga dayalekto ng Pilipinas. Mula nang ihayag ng Konstitusyon ng

1987 ang masaklaw na depinisyon at katangian ng Filipino bilang buhay na wika na

Pilipino (na batay sa Tagalog) ang korpus at lilinangin sa tulong ng iba pang wikang

umiiral sa Pilipinas, namatay na ang dating lagablab ng mapanghating rehiyunalismo.

Unti-unti nang naging maluwag at maganda ang pagtanggap ng mga pangkat na di

Tagalog sa wikang Filipino. Aktibong nagsusumikap ang mga akademista na “ipauso” o

18 ng 39
palaganapin ang pag-asimila sa mga salitang katutubo para sa mga salitang walang

eksaktong katumbas sa Tagalog. Ang paglilimbag ng UP Diksyunaryong Filipino ay isang

malaki at makabuluhang ambag sa ganitong proseso sapagkat isinama ng mga

leksikograper nila ang mga salitang buhat sa iba’t ibang wikang katutubo ng Pilipinas.

Kailangan ang malaganap at tuluy-tuloy na paggamit ng mga salitang gaya ng “gahum”

(hegemony), “bana” (husband), “bodong” (peace pact), “ábyan” (close friend), “adi”

(male friend), “faga” (small fragments from a meteor that fell to the earth from outer

space), “himugà” (heinous crime), “dán-aw” (small lake), “dág-om” (rain cloud),

“xappo” (green chili) atbp., upang unti-unting makapasok sa pang-araw-araw na

talasalitaan ng mga pangkaraniwang Pilipino ang mga salitang mula sa mga wikang

katutubo. Walang ibang dapat magpasimuno sa ganitong proseso kundi ang mga taal

na tagapagsalita ng mga dayalekto gaya ng mga Bisaya, ayon kay Leoncio P. Deriada

(1995).

Sa pamamagitan ng pag-asimila sa mga katutubong salita, napalalakas ang

wikang Filipino lalo na sa aspekto ng intelektwalisasyon at nasyonalisasyon. Dapat

ipagpatuloy ang pagtataguyod sa leksikograpiya sa Filipino at mga dayalekto upang

maging ganap ang paggamit ng Filipino sa iba’t ibang larangan at para maisakatuparan

din ang istandardisasyon ng wikang pambansa.

Makabubuti ring pag-aralan at pakinisin pa ang panukalang-batas na inihain ni

Kinatawan Magtanggol Gunigundo ng Lunsod ng Valenzuela na pinamagatang An Act

Establishing a Multilingual Education and Literacy Program (HB 3719). Waring akma ang

panukala ni Gunigundo sa paninindigan ng KWF na isulong ang multilinggwalismo sa

19 ng 39
pamamagitan ng paggamit sa unang wika bilang pangunahing wikang panturo mula

pre-school hanggang Grade VI. Sa antas sekundarya, Filipino at Ingles naman ang

ipinapanukala ng KWF na maging pangunahing wika ng pagtuturo, habang magiging

“pantulong na midyum o hiwalay na asignatura” naman ang unang wika at rehiyunal na

lingua franca. Sa ilalim ng ganitong kalakaran, masusunod ang natural na batas sa

pagkatuto ng ikalawang wika: alalaon baga’y kailangan munang patibayin ang unang

wika na siyang magiging pundasyon ng lahat ng pagkatuto. Nilulutas ng ganitong

kompromiso ang problema ng mga rehiyong di Tagalog sa sabay-sabay na paggamit ng

dayalekto, Filipino at Ingles mula pa sa unang taon ng kanilang pag-aaral. Mabibigyan

ng sapat na panahong “magpakadalubhasa” sa unang wika ang mga estudyanteng

mula sa mga rehiyong di Tagalog bago isabak sa edukasyong bilinggwal/multilinggwal.

Makabuluhang ikampanya rin ang pagsasanib ng panukalang-batas ni Kinatawan

Guinigundo at ng HB 1138 o Batas na Nagtatakda ng Filipino bilang Opisyal na Wika ng

Pagtuturo sa mga Paaralan na akda naman ni Kinatawan Liza Maza ng Gabriela Party-

list. Sa gayong paraan, kapwa mapalalakas ang wikang Filipino at mga dayalekto sa

bansa habang hindi napapabayaan o naisasantabi ang wikang Ingles at iba pang

wikang dayuhan.

Sa pagsasanay naman ng mga guro ng/sa Filipino, na isa sa

pinakamahahalagang komponent ng pagpapaunlad sa wikang pambansa, kapuri-puri

ang papel ng KWF at mga pambansang samahang pangwika na walang-sawa sa

pagsasagawa ng mga rehiyunal at pambansang seminar, seminar-worksyap at mga

forum sa layuning mapaghusay ang paraan ng pagtuturo ng/sa Filipino. Nakatutuwang

20 ng 39
sa mga pambansang seminar-worksyap na nadaluhan ko ay may kinatawan ang halos

bawat rehiyon ng Pilipinas. Malayo na talaga ang narating ng Filipino at lalo pang

malayo ang mararating nito kung tuluy-tuloy nating panghahawakan ang mga

nakamtang tagumpay at lalo pang magsusumikap ang mga mamamayan sa

pagtataguyod ng mga programang pabor sa Filipino.

Makatutulong ang pagkakaloob ng mas maraming iskolarsyip sa mga gustong

mag-major sa Filipino, gayundin sa mga nais kumuha ng master at doktorado sa wikang

Filipino. Karaniwan, dehado ang mga major sa Filipino pagdating sa iskolarsyip dahil

ang prayoridad ay Agham, Matematika at Ingles. Kailangang tratuhing kapantay ng iba

pang asignatura ang Filipino lalo na pagdating sa pondo ng iskolarsyip para sa mga

magiging guro at sa mga gurong kumukuha ng pag-aaral sa antas gradwado.

Para mapanatili ang multilinggwal na bentahe ng mga Pilipino, maaaring tularan

ng iba pang paaralan ang eksperimental na offering ng Department of Linguistics ng UP

ng mga asignatura sa Cebuano. Katunayan, nahuhuli pa nga ang Pilipinas sa ganitong

larangan sapagkat sa isang unibersidad sa Asya Pasipiko ay matagal nang nakatala ang

Ilokano bilang isang asignaturang elective. Sa isang talakayan naming mga

magkakaklase sa paaralang gradwado, napag-usapan ang pagkakaroon ng

karagdagang asignatura para sa mga major sa Filipino. Isa sa mga kamag-aral naming

maalam sa Hiligaynon at Cebuano ang nagmungkahing magkaroon ng karagdagang

tatlong yunit ukol sa isang gamiting dayalekto na ituturo na parang foreign language.

Lahat kami (na karamiha’y taal na Tagalog) ay sumang-ayon sa panukala bagamat

kung tutuusi’y magiging karagdagang pahirap ito sa amin. Humantong pa nga ang

21 ng 39
aming usapan sa pagmumungkahi ng isang Bachelor in Education, major in Philippine

Languages (bukod pa sa major in Filipino). Kapag naging popular na ang

multilinggwalismong pinapangarap ng KWF, malamang na magkaroon na nga ng

gayong bukod na major. Sa matamang pag-aaral ukol sa at pagsasakatuparan ng mga

ganitong mungkahing hakbang, bukod pa sa mga umiiral na aktibidad, madaling

maisasabalikat at magiging ganap ang pag-unlad ng wikang Filipino at mga dayalekto

na siyang magiging tulay sa pagtawid natin sa ganap na multilinggwalismong lagpas pa

sa simpleng pag-aaral ng Ingles lamang.

Multilinggwalismo: Trend sa Mundo

Kakatwa sa unang pagsipat ngunit positibo at paborable sa wikang Filipino at

mga dayalekto ang isang aspekto ng globalisasyon. Hindi ko pinupuri ang buong

sistemang tinatawag na globalisasyon at hinding-hindi ko ito pupurihin kailanman

sapagkat naniniwala akong malaki ang pinsalang naidulot ng walang-rendang

globalisasyong ekonomiko sa mga industriyang Pilipino. Ito ang salarin sa pagbaha

ng mga produktong imported na naging dahilan ng pagkalugi ng maraming katutubong

industriya na humantong sa pagkatanggal sa trabaho ng napakaraming Pilipino. Salot

ang globalisasyong ekonomiko sa sambayanang naghihikahos sapagkat pinapatay nito

ang mga pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mamamayan. Gayunman, kinikilala ko

ang positibong epekto ng globalisasyong kultural. Dahil sa globalisasyong kultural,

nagkaroon ng interes ang nakararaming bansa na pag-aralan ang kultura ng iba pang

bansa. Nagsisikhay ang mga mamamayan ng daigdig na unawain at pakibagayan ang

22 ng 39
uri ng pamumuhay ng kanilang mga karatig-bansa, hangga’t maaari. Nakaugat ang

wika sa kultura kaya di kataka-takang sa proliperasyon ng panawagang dibersidad sa

kultura ay nagiging trend din ang dibersidad sa wika o multilinggwalismo. Sa panimula

sa aklat ni Wilga Rivers (2004) na pinamagatang Opportunities in Foreign Language

Careers, ipinahayag ni John M. Grandin (2004) ang koneksyon ng globalisasyon at

multilinggwalismo: “...a closer look at the impact of globalization on business, industry,

and most professions clearly earmarks cross-cultural communication skills, with

knowledge of languages as a core component, as a basic requirement for the workplace

of the twenty-first century.” Sa pagtindi ng kumpetisyon sa daigdig, nagiging malaking

bentahe o kalamangan ang pagiging multilinggwal. Mas maraming alam na wika, mas

maraming makakatransaksyon sa ilalim ng globalisasyon.

Sa Estados Unidos mismo na balwarte ng wikang Ingles, lumalaki ang interes at

pagpapahalaga sa multilinggwalismo lalo na sa edukasyon. Ayon sa American Council

on the Teaching of Foreign Languages, halos 14 milyong mag-aaral sa mga

pampublikong hayskul ang nag-enrol sa mga foreign language class noong 2000,

habang batay naman sa ulat ng US National Center for Education Statistics, aabot sa

15,000 bachelor’s degree sa wikang dayuhan at panitikan ang naipagkaloob ng mga

kolehiyo sa Amerika sa taon ding yaon (Rivers: 2004).

Sa Europa, aktibong isinusulong at pinopondahan ang anumang proyektong

pabor sa multilinggwalismo. Katunayan, may bukod na “European Commissioner” sila

para sa pagtataguyod ng multilinggwalismo. Inilahad ni Leonard Orban (2007) ang legal

na batayan ng multilinggwalismo sa Europa: “The European Union is founded on the

23 ng 39
principle of unity in diversity: embracing a wide variety of cultures, customs, beliefs –

and languages. The Charter of Fundamental Rights of the European Union respects

cultural, religious and linguistic diversity.” Ipinagmamalaki ni Orban ang pagkakaroon

ng tuluy-tuloy na multilinggwalismong reporma sa Europa. Tahasan din niyang

binanggit na ang multilinggwalismo ng mga Europeo ay isang malaking bentahe sa

pandaigdigang kalakalan. Mas maaakit nga namang makipagtransaksyon ang ibang

bansa sa kanila kung nagsasalita sila ng wika ng mga bansang iyon. Binigyang-diin

naman nina Jutta Limbach et al. (2008) ang kabuluhan ng multilinggwalismo sa

pagtatamo ng kaunlaran at kapayapaan: “Languages are not interchangeable, none is

dispensable, none is superfluous. To preserve all the languages of our heritage...to

encourage, even for languages which are very much minority languages, their

development in the rest of the continent, is inseparable from the very idea of a Europe

of peace, culture, universality and prosperity.” Tumatagos sa mga mamamayang

Europeo ang ganitong pananalig sa mga bentahe ng multilinggwalismo. Ayon sa isang

masaklaw na konsultasyong publiko na isinagawa sa mga bansang sakop ng European

Commission (2007) mayorya ng mga Europeo ang naniniwalang isang di matatawarang

asset ang dibersidad sa wika di lamang dahil sa mga konsiderasyong ekonomiko

(praktikalidad sa negosyo at trabaho) kundi dahil din sa mga kultural na aspekto

(paggalang at pag-unawa sa kultura ng ibang bansa).

Bagamat nagkakaiba sa istratehiya at plano, masasabing multilinggwal na

edukasyon ang pangkalahatang padron sa mga bansa sa Europa. Taong 2002 nang

magkasundo ang mga pinuno ng mga bansa sa Europa na pasimulan ang “ambisyosong

24 ng 39
patakaran” ng pagtuturo ng “‘inang wika at dalawa pang ibang wika” sa mga mag-aaral

(Orban: 2007). Mabuting halimbawa ang matagumpay na trilinggwal na edukasyon sa

isang probinsya ng Netherlands na tinalakay ni Yehannes Ytsma sa isang pananaliksik

(c.2004). Pinasimulan din ng mga Europeo ang Programang Socrates at Leonardo Da

Vinci para maparami ang mga mag-aaral ng mga mga wikang dayuhan (Michael Kelly et

al.: 2004). Sa pagdagsa ng mga migrante sa Europa, ang mga wikang pinapayagang

gamitin sa mga paaralan ay dumami rin (Siegfried Gehrmann at Marianne Krüger-

Potratz: 2004).

Sa Asya, normal na patakaran ang multilinggwalismo sapagkat matagal nang

multilinggwal ang mga Asyano. Bago pa dumating ang mga dayuhang mananakop mula

sa Kanluran, maraming wika na ang umiiral sa Asya. Katunayan, ayon kay Malone

(2003), sang-katlo (1/3) sa 6,000 wika ng daigdig ang sinasalita sa Asya. Bunga nito,

natural lamang ang multilinggwalismo sa pang-araw-araw na komunikasyon at laganap

din ang pagkakaroon ng multilinggwal na edukasyon kagaya ng sa India, Tsina, Korea

at Malaysia. Kaiba sa “bilinggwalismo” ng mga Pilipino na nakakiling sa Ingles, ang

multilinggwalismo sa mga bansang nabanggit ay pangunahing nakasalig sa paggamit

ng wikang pambansa at/o mga katutubong wika bilang pangunahing midyum sa

pagtuturo bagamat itinuturo rin ang Ingles at iba pang wikang dayuhan. Pinatunayan

nina Dr. Pamela Constantino, Dr. Florencia Victor at Rho Young Chul (2005) ang pag-

iral ng ganitong klase ng multilinggwalismo sa Asya.

Multilinggwalismo rin ang trend sa iba pang panig ng daigdig. Sa estadong

Victoria ng Australia, tinuturuan ng isa pang wikang bukod sa Ingles ang lahat ng mga

25 ng 39
bata (Guus Extra at Kutlay Yağmur: 2005). Samantala, ayon kay Vuyisile Msila (2007),

may mga patakaran na ang South Africa na nagtataguyod sa inang wika ng mga mag-

aaral bilang pangunahing wikang panturo sa halip na Ingles at Afrikaans. Samakatwid,

mas maraming wika na ang ginagamit sa iba’t ibang mga rehiyon sa halip na sumandig

lamang sa dalawang dominanteng wika. Inulat naman ni Ethelbert E. Kari (2002) na sa

Nigeria, bilinggwalismo o multilinggwalismo ang nangingibabaw na patakarang pang-

edukasyon ng iba’t ibang rehiyon. Kung susumahin, buong mundo’y masaya nang

nagtatampisaw at nagbababad sa multilinggwalismo habang ang Pilipinas naman ay tila

muli na namang nalulunod sa dagat ng monolinggwalismong Ingles.

Filipino Bilang Wika ng Globalisadong Mundo

Kakatwa na habang kumikitid o pinakikitid ang espasyong para sa wikang Filipino

at mga katutubong dayalekto sa Pilipinas, lumalawak naman ang interes dito ng iba’t

ibang bansa sa daigdig dahil sa pagiging unibersal ng panawagang multilinggwalismo.

Ayon kay Ivy Dulay (c.2006), may 50 unibersidad, kolehiyo, hayskul at mga

intermedyang paaralan sa Estados Unidos ang nagtuturo ng Filipino sa kanilang mga

mag-aaral. Binanggit din niya na ayon sa datos ng 2005 US Census, “Tagalog” ang

ikaapat na pinakagamiting wika sa mga tahanan doon. Bunsod nito, nangangamba si

Dulay na sa pagsasabatas ng Ingles bilang pangunahing wikang panturo sa Pilipinas,

lumalaki ang posibilidad na mabawasan kundi man maglaho ang interes sa wikang

Filipino at kulturang Pilipino ng mga taga-Estados Unidos at tapyasin kundi man

tuluyang alisin ng pamahalaang Amerikano (estado at pederal) ang subsidyong

26 ng 39
ginugugol para sa pagpapalaganap nito sa Amerika. Sino pa nga ba ang mag-aaral ng

isang wikang dehado at ginagawang basahan kahit sa sarili niyang bansang

pinagmulan?

Ipinagmamalaki naman ni Natalia V. Zabolotnaya (2006) na “In recent decades

70 qualified Philippine specialists having good command of Filipino and several dozens

of Indonesian specialists who studied Filipino as optional subject were trained in Russia.

Today we have two Filipino groups and two PhD student-linguists in Moscow State

University and one Filipino group in St. Petersburg State University.” Sa kabuuan,

nakapagtala si Zabolotnaya ng 90 pananaliksik ng mga Ruso ukol sa Philippine

Linguistics. Hindi kataka-takang kahit sa internet ay may mga video (“Russians

Speaking Deep Tagalog” sa www.youtube.com) na nagpapakita ng mga Rusong

matatas mag-“Tagalog.”

Sa California, isa sa pinakamataong estado ng USA, kapantay ng iba pang

asignatura ang Filipino sa maraming paaralan sapagkat ang mga nagtuturo nito ay

kumukuha rin ng eksamin na inaadminister ng gobyerno na katumbas ng ating

Licensure Examination for Teachers (LET).

Sa Dubai at Hong Kong, pangkaraniwan na ang mga karatulang nakasulat sa

wikang Filipino dahil sa dami ng mga manggagawang Pilipino sa mga lugar na iyon.

Ipinagmalaki naman ni Conrado de Quiros na di tayo dapat magulat kung makarinig ng

isang batang Pranses sa Pransya na nagsasalita ng Filipino. Diumano’y tinuturuan ng

mga yayang Pilipino ng Filipino ang mga batang Pranses na kanilang inaalagaan upang

27 ng 39
maging mas madali ang kanilang pakikipagkomunikasyon sa kanila. Lumalabas tuloy na

nagiging unang wika ng mga batang nabanggit ang Filipino sa halip na Pranses

sapagkat madalas namang wala sa bahay ang kanilang mga magulang!

Ipinagpapalagay ni De Quiros na “masasakop” ng mga Pilipino ang mundo sa

pamamagitan ng “kusina,” sa pamamagitan ng dambuhalang hukbo ng mga yayang

masipag sa trabaho at makabayan sa pagsasalita. Tinatayang may 8 milyong Pilipinong

nagtatrabaho sa iba’t ibang panig ng mundo at parami nang parami ang permanente

nang naninirahan sa mga bansang kanilang pinagtatrabahuhan, kaya lalong nagiging

praktikal para sa mga dayuhan na pag-aralan ang wikang Filipino. Hindi malayong

maging isang mayor na wikang dayuhan sa iba’t ibang bansa ang Filipino pagdating ng

panahon.

Sa aming paaralan, may Special Filipino Subject (Level 1-3) para sa mga

estudyanteng dayuhan o kaya’y mga Pilipinong hirap mag-Filipino. Mayorya sa mga

kumukuha ng asignaturang ito ay mga Koreano na pagkatapos ng hayskul ay bumabalik

sa kanilang lupang tinubuan. Umaabot sa 200 mag-aaral kada taon ang sumasailalim sa

programang ito. Papalaki nang papalaki ang bilang ng mga Koreano sa aming paaralan

kaya naman inaasahang mas lalawak ang saklaw ng programang Special Filipino. Malaki

ang posibilidad na maging isang popular na pangalawang wika ng mga Koreano ang

Filipino, lalo pa nga’t parami nang parami ang mga Koreanong nag-aaral sa Pilipinas

bawat taon.

28 ng 39
Hamon at Kahingian ng Globalisadong Mundo

Sa paglaganap ng multilinggwalismo sa buong mundo, magkakaroon ng bentahe ang

Filipino sapagkat marami-rami na rin itong binhing sumisibol sa iba’t ibang panig ng

mundo. Sinasalita at pinag-aaralan na ito ng mga dayuhan kaya nararapat lamang na

lalo nating itaguyod ang paggamit at pagtuturo ng Filipino. Kapag napagbuti natin ang

pagtuturo ng/sa Filipino, mas mabisa na nating matututuhan ang iba pang mga wikang

dayuhan gaya ng Ingles. Hindi tayo dapat makuntento sa monolinggwalismong Ingles

sapagkat kung tutuusin, maaaring dumating ang panahon na ibang wika na ang maging

lingua franca ng daigdig, gaya ng Mandarin. Kung ganap nating napatibay ang ating

sariling wika, madali tayong makaaangkop sa gayong sitwasyon sapagkat magagamit

nating matibay na tulay ang inang wika sa pag-aaral ng anumang pangalawang wika.

Kung pababayaan nating muling manumbalik ang monolinggwistikong gahum ng Ingles,

muli tayong magsisimula sa wala kapag nabago ang lingua franca ng mundo.

Mas mabuti ang multilinggwalismo kaysa monolinggwalismo kaya’t dapat nating

sagkaan ang anumang pagtatangka na ibalik at patibayin ang gahum ng Ingles.

Panahon nang sumandig tayo sa ating wikang pambansa gaya ng mga mauunlad na

bayan at gamitin itong tulay sa mas mabisang pagkatuto ng di lamang isa kundi marami

pang dayuhang wikang sinasalita ng daigdig.

Dapat tayong matuto sa karanasan ng mga Europeo na nakakita ng maraming

oportunidad sa multilinggwalismo. Kasalukuyan nilang isinusulong at pinopondohan ang

multilinggwalismo sa paaralan, pamahalaan at iba pang sektor ng lipunan di lamang

dahil sa konsiderasyong pangkultura kundi pati sa pang-ekonomya. Mas malaki nga

29 ng 39
naman ang tsansa ng isang bagito na mapasok sa trabaho kung mas maraming wika

siyang alam, bukod pa sa Ingles na pangkaraniwan na lamang. Sa mas malawak na

pagtanaw, kahingian ng globalisasyon ang multilinggwalismo. Hindi totoong Ingles

lamang ang pinapaboran ng globalisasyon. Kung tutuusin, biktima ng globalisasyon ang

Ingles sapagkat mula nang umarangkada ito, napilitan ang mayorya ng mga bansa na

mag-aral ng Ingles kaya’t naging pangkaraniwang kasanayan na lamang ang

pagsasalita ng wikang ito gaya ng kakayahang gumamit ng kompyuter (Jutta Limbach

et al.: 2008). Hindi na sapat ngayon ang pagsasalita ng Ingles, sapagkat sa tindi ng

kumpetisyon sa pagitan ng mga bansa, mas madaling makapagbebenta ng mga

produkto ang isang bansa sa isa pang bansa kung may kaalaman siya sa kultura at lalo

pa sa wika ng bansang katransaksyon. Kung gayon, malinaw na sa globalisadong

mundo, mas makasusungkit ng kwarta at oportunidad ang tao o bansang multilinggwal

kaysa sa pangkaraniwang monolinggwal lamang. Sa halip na magpalunod sa gahum ng

Ingles, kailangan tayong mangunyapit at sumandig sa multinggwalismo at makisabay

sa takbo ng mundo na sa panahong ito ng globalisasyon ay naghahawan ng daan tungo

sa “...isang bagong lingguwistikong kaayusan kung saan sabay-sabay na dinedebelop

ang pandaigdigang wika, pambansa o rehiyunal na wika at lokal na wika” (Patrocinio

Villafuerte at Rolando Bernales: 2008).

Kailangang kontrahin ng mga makabayan ang mapanlunod na daluyong ng mga

kabalyerong Amerikanista sa gobyerno na walang ibang nasa isip kundi paslangin ang

ating wikang pambansa. Kailangang matutuhan nating wasakin ang “diyamanteng

tanikala” ng Amerikanisasyon sa panahon ng globalisasyon. Kailangan nating isapuso’t

30 ng 39
isaisip na ang tunay na kaunlaran ng bayan ay makakamit, pangunahin, sa

pamamagitan ng pagsandig sa sarili. Dapat nating iwasiwas ang bandila ng

multilinggwalismo sa Pilipinas laban sa monolinggwistikong gahum ng Ingles. Sa

ganitong paraan, hindi lamang natin maisasalba ang ating wikang Filipino at mga

dayalekto, kundi makapaghahatid pa tayo ng mas maraming oportunidad sa ating

bansa, sa kabila ng matinding kumpetisyong dulot ng globalisasyon.

Habang pinayayaman at nililinang natin ang Filipino at mga dayalekto, mas

madaling magkakaintindihan ang lahat ng sektor sa ating lipunan: negosyante,

siyentista, lingkod-bayan, pangkat minorya, magsasaka, manggagawa... Sa pagsasalita

at paggamit ng isang wikang pambansa, mas magiging mas mabilis at epektibo ang

anumang proyekto ng gobyerno. Wala nang away at di pagkakaunawaan dahil mabilis

magkaintindihan sa usapan. Sa pag-unlad ng ating bayan, mas maraming dayuhan ang

maaakit na mag-aral ng ating wika. Habang pinagbubuti natin ang pagtuturo ng/sa

Filipino, lalo nating napatitibay ang tulay na magagamit natin sa pag-aaral ng mga

wikang dayuhan. Habang dumarami ang wikang dayuhan na ating natututuhan, mas

dumarami ang oportunidad na ating maaaring makamtan. Kung gayo’y di lamang natin

naisalba ang ating pagkakakilanlan, maaabot pa natin ang minimithing kaunlaran

habang nagiging tulay rin tayo ng pagkakaunawaan at kapayapaan sa pagitan ng mga

bansang magkakaiba ang wika at kultura.

Sa ganitong diwa, panahon nang isigaw natin mula Aparri hanggang sa

Zamboanga: mas maraming wika, mas maganda! Sulong multilinggwalismo! Sulong

Filipino! Wika mo, wikang Filipino, wika ng mundo, mahalaga!

31 ng 39
Mga Sanggunian:

Abad, Melania L. 2007. Neoliberalistang Pagpaplanong Pangwika: Tungo sa

Komodipikado at Episyenteng Pagpapahayag (sa “Mula Tore Patungong Palengke:

Neoliberal Education in the Philippines”).

Almario, Virgilio S. 1997. Edukasyong Filipino sa Agham at Matematika. (sa

“Kasaysayan at Pag-unlad ng Wikang Pambansa ng Pilipinas”).

__________________________. 1994. Pagpapayaman sa Wikang Filipino. (sa

“Kasaysayan at Pag-unlad ng Wikang Pambansa ng Pilipinas”).

Almario, Virgilio S. et al. (mga editor). 2001. UP-Diksiyonaryong Filipino. UP-

Sentro ng Wikang Filipino, Lunsod ng Quezon.

Antonio, Lilia F. 2006. Ang Pag-igpaw sa Mga Problema sa Pagtuturo at Paggamit ng

Filipino (seminar paper: 9th Philippine Linguistics Congress). Department of Linguistics,

University of the Philippines. Lunsod ng Quezon.

Atienza, Monico M. at Constantino, Pamela C. (mga editor). 1996. Mga Piling

Diskurso sa Wika at Lipunan. UP-Sentro ng Wikang Filipino, Lunsod ng Quezon.

Catacataca, Pamfilo D. 2006. Wikang Filipino: Mabisang Midyum ng Pagtuturo ng

mga Pagpapahalagang Pilipino (sa “Guro: Mula Tsok Hanggang Internet”).

Chul, Rho Young. 2005. Isang Komparatibong Pagpaplanong Pangwika sa Kaso ng

Korea at Filipinas (sa “Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL”).

Constantino, Pamela C. (editor). 2005. Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL. UP-

Sentro ng Wikang Filipino at Sanggunian sa Filipino, Lunsod ng Quezon; at Pambansang

Komisyon para sa Sining, Lunsod ng Maynila.

32 ng 39
__________________________. 2005. Panimula ng “Ikalawang Sourcebook ng

SANGFIL”.

Cruz, Isagani. 2001. Kung Bakit sa Wikang Filipino Lamang Dapat Ituro ang mga

Sabjek sa Lahat ng Lebel ng Edukasyon sa Filipinas (sa “TALISIK...”)

__________________________. 2006. Split-Level Americanization: A Case Study of

McDonaldized Philippines (papel na binasa sa “International Conference on the United

States and the Pacific Islands: Culture, Science, Politics”). Okinawa, Japan. [masisipat

sa http://criticplaywright.blogspot.com/2006/12/split-level-americanization-case-

study.html]

Derbyshire, Charles (tagasalin). 2005. The Reign of Greed (salin ng El

FIlibusterismo ni Jose Rizal). Project Gutenberg Ebook. [masisipat sa

http://www.gutenberg.org/files/10676/10676-h/10676-h.htm]

Deriada, Leoncio P. 1995. Ang Pagpapunlad ng Filipino sa Tulong ng mga Bisaya (sa

“Tinig 2: The Living Voice in Conversation”). UP Creative Writing Center. Lunsod ng

Quezon.

Dulay, Ivy. c.2006. Opposition to HB4701 Which Imposes the Use of English As the

Sole Medium of Instruction in Philippine Schools (online petition). [masisipat sa

http://www.petitiononline.com/HB4701/petition.html]

Dutcher, N. and Tucker, G.R. 1997. The Use of First and Second Languages in

Education: A Review of Educational Experience (sa “Education in a Multilingual World”).

Washington D.C.

Grandin, John M. 2004. Foreword to “Opportunities in Foreign Language Careers”.

33 ng 39
Espiritu, Clemencia C. (editor). 2005. Ang Filipino sa Ibayong Kurikulum. (sa

“Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL”)

__________________________. 2001. TALISIK: Opisyal na Dyornal Sentro ng

Kahusayan sa Filipino, Philippine Normal University (Vol. 1 Bilang 1). Lunsod ng

Maynila.

__________________________. 1998. Mga Tugon ng Mga Cebuano sa Kontrobersyang

Pangwika: Implikasyon Para sa Debelopment ng Filipino (sa “Wikang Filipino sa

Larangang Akademiko: Kolokyum ’96, ’97, ‘98”).

Espiritu, Clemencia C. at Fortunato, Teresita F. (mga editor). 2006. Guro: Mula

Tsok Hanggang Internet (Aklat-Parangal kay Nenita R. Papa). Pambansang Samahan sa

Linggwistikang Filipino.

European Commission. 2008. Promotion of Multilingualism in the 31 Countries of the

Lifelong-learning Programme (Final Report). [masisipat sa

http://ec.europa.eu/education/languages/pdf/doc1631_en.pdf]

__________________________. 2007. Outcomes of the European Commission’s Public

Consultation on Multilingualism. [masisipat sa

http://ec.europa.eu/education/policies/lang/consult/report_en.pdf]

Extra, Guus at Yağmur, Kutlay. 2005. Multilingual Cities Project: Crossnational

Perspectives on Immigrant Minority Languages in Europe. Babylon, Tilburg University,

The Netherlands. [masisipat sa

http://www6.gencat.net/llengcat/noves/hm05primavera-estiu/docs/extra.pdf]

34 ng 39
Fortunato, Teresita F. 1995. Tungo sa Intelektwalisasyon ng Filipino sa Ekonomiks:

Ilang Parameter (sa Gawad Surian sa Sanaysay: Gantimpalang Collantes: 1992-1998).

Gullas, Eduardo et al. 2006. House Bill/HB No. 4701 (An Act to Strengthen and

Enhance the Use of English As the Medium of Instruction in Philippine Schools).

Jerman-Blažič, Borka. On Cultural Diversity and Multilingualism On the Internet.

Internet Society, Slovenia. [masisipat sa http://www.wallonie-en-

ligne.net/2005_Prospective-Internet/Actes/2-2-1_Jerman-Blazic_Borka.pdf]

Jose, Vivencio R. 1996. Ang Wika ng Pagpapalaya, at Ang Papel ng Akademya (sa

“Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan”).

Kelly, Michael et al. 2004. European Profile for Language Teacher Education –A

Frame of Reference: A Report to the European Commission Directorate General for

Education and Culture. [masisipat sa

http://ec.europa.eu/education/languages/pdf/doc477_en.pdf]

Kari, Ethelbert E. 2002. Multilingualism in Nigeria: The Example of Rivers State

(seminar paper: Seminar on Multilingual Situation and Related Local Cultures in Asia

and Africa). Tokyo University of Foreign Studies, Tokyo, Japan. [masisipat sa

http://www3.aa.tufs.ac.jp/~P_aflang/TEXTS/eekari02march.pdf]

Komisyon sa Wikang Filipino. 1998. Wikang Filipino sa Larangang Akademiko:

Kolokyum ’96, ’97, ‘98. Lunsod ng Maynila.

__________________________. 1998. Gawad Surian sa Sanaysay: Gantimpalang

Collantes (1992-1998). Lunsod ng Maynila.

35 ng 39
__________________________. 2005. English-Tagalog Dictionary (6th Edition). Lunsod

ng Maynila.

Komiteng Ad-Hoc, Tanggapan ng Chancellor ng UP-Diliman. 2002. Kartilya Para

sa Wikang Filipino (sa “Kasaysayan at Pag-unlad ng Wikang Pambansa ng Pilipinas”).

Licuanan, Patricia B. 2007. Language and Learning (talumpati sa “CEO Forum on

English-Philippine Business for Education”). Asian Institute of Management. [masisipat

sa http://www.quezon.ph/wp-content/uploads/2007/04/licuanan-speech-1.pdf]

Liwanag, Lydia B. 2001. Ang Proseso ng Istandardisasyon ng Wika: Mga Isyu at

Karanasan ng Pilipinas.(sa “TALISIK...”)

Limbach, Jutta et al. 2008. A Rewarding Challenge: How the Multiplicity of

Languages Could Strengthen Europe (Proposals from the Group of Intellectuals for

Intercultural Dialogue set up at the initiative of the European Commission). European

Commission. Belgium.

[masisipat sa http://ec.europa.eu/education/languages/pdf/doc1646_en.pdf]

Lumbera, Bienvenido. 2005. Saan Tutungo ang Wikang Filipino Ngayong Binubura ito

ng Globalisasyon? (sa “Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL”).

Lumbera, Bienvenido et al. (mga editor) 2007. Mula Tore Patungong Palengke:

Neoliberal Education in the Philippines. IBON Foundation, Inc. Lunsod ng Quezon.

Luz, Juan Miguel. 2007. ‘English First’ Policy Will Hurt Learning). Inquirer.Net.

[masisipat sa http://archive.inquirer.net/view.php?db=1&story_id=44752]

Macapagal-Arroyo, Gloria. 2003. Executive Order (EO) 210, Series of 2003. (nasa

“Apendiks” ng “Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL”).

36 ng 39
Malone, Susan. 2003. Education for Multilingualism and Multi-literacy in Ethnic

Minority Communities: The Situation in Asia (nalimbag din sa Asian/Pacific Book

Development: Vol. 34 no. 2, January, 2004). SIL International, Bangkok, Thailand.

[masisipat sa http://www.sil.org/asia/ldc/plenary_papers/susan_malone.pdf]

Mehrotra, S. 1998. Education for All: Policy Lessons From High-Achieving Countries

(sa “Education in a Multilingual World”). New York.

Merriam and Webster Bookstore, Inc. 1986. Ang Konstitusyon ng Republika ng

Pilipinas (Bilingual Edition). Lunsod ng Maynila.

Miclat, Mario. 2001. Bukas na Liham ng SANGFIL kay Pangulong Gloria Macapagal-

Arroyo Hinggil sa Wikang Filipino (sa “Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL”).

Msila, Vuyisile. 2007. From Apartheid Education to the Revised National Curriculum

Statement: Pedagogy for Identity Formation and Nation Building in South Africa

(nalimbag din sa Nordic Journal of African Studies). University of South Africa, South

Africa. [masisipat sa http://www.njas.helsinki.fi/pdf-files/vol16num2/msila.pdf]

Nolasco, Ricardo Ma. Duran. 2008. Languages Do Matter! (Press Release).

[masisipat sa http://wika.pbwiki.com/f/PRESS+STATEMENT_February+12.pdf]

__________________________. 2007. Maraming Wika, Matatag na Bansa (Talumpati

sa 2007 Nakem Conference). Don Mariano Marcos State University. [masisipat sa

http://asagcaoili-ariel.blogspot.com/2007/06/nolascos-maraming-wika.html]

Orban, Leonard. 2008. Tradition and Cultural Diversity: Multilingualism as Instrument

for a Trans-boundary Europe (talumpati). Clingendael Institute for International

Relations, The Hague, Netherlands. [masisipat sa

37 ng 39
http://ec.europa.eu/commission_barroso/orban/news/docs/speeches/080402_speech_H

ague/EN_Tradition_and_Cultural_Diversity_Multilingualism.pdf]

__________________________. Towards a lingua franca of the Mediterranean?

Multilingualism in Europe (talumpati). Lectio Magistralis for the XIII International

Summer School, Gorizia, Italy. [masisipat sa

http://www.summerschool.isig.it/Documenti/Speeches/Orban.pdf]

Pambansang Komisyon sa Kultura at Sining. 2000. Gabay sa Pagsasalin. Lunsod

ng Maynila.

Puno, Reynato S. 2008. Talumpati sa Supreme Court Forum on Access to Justice.

Court of Appeals, Manila.

Rivera, Wilga M. 2004. Opportunities in Foreign Language Careers (Revised Edition).

Mc-Graw Hill Companies, Inc. USA

Tiamson-Rubin, Ligaya et al. 2001. Kasaysayan at Pag-unlad ng Wikang Pambansa

ng Pilipinas. Rex Book Store, Lunsod ng Quezon.

__________________________. 1993. Intelektwalisasyon at Istandardisasyon ng

Filipino sa Agham Panlipunan (sa Gawad Surian sa Sanaysay: Gantimpalang Collantes:

1992-1998).

Turgo, Nelson. 2006. Kung Bakit Nagmura Ako ng Putang Ina sa Buwan ng Wika O

ang Diskurso ng Kapangyarihan/Pulitika ng Tunggalian sa Filipino Bilang Wikang

Pambansa (talumpati). Manuel S. Enverga University Foundation, Inc. Lunsod ng

Lucena, Quezon.

38 ng 39
[masisipat sa http://planet.naga.gov.ph/2006/08/18/kung-bakit-nagmura-ako-ng-

putang-ina-sa-buwan-ngwika/]

United Nations-General Assembly. 2007. Resolution 61/266 (Multilingualism).

[masisipat sa http://www.undemocracy.com/A-RES-61-266.pdf]

United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).

2003. Education in a Multilingual World (Position Paper). Paris.

[masisipat sa http://unesdoc.unesco.org/images/0012/001297/129728e.pdf]

Villafuerte, Patrocinio V. at Bernales, Rolando A. 2008. Pagtuturo ng/sa Filipino:

Mga Teorya at Praktika. Mutya Publishing House, Valenzuela City.

Victor, Florencia. 2005. Lingguwistikong Dibersidad: Komparatibong Pagsusuri ng

Pagpaplanong Pangwika ng India at Filipinas (sa “Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL”).

Young Chul, Rho. 2005. Isang Komparatibong Pagpaplanong Pangwika sa Kaso ng

Korea at Filipinas (sa “Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL”).

Ytsma, Yehannes c.2004. Trilingual Primary Education in Friesland, The Netherlands.

[masisipat sa www.euroclic.net/inhoud/cfiles/pdf/netherlands2.pdf]

Zabolotnaya, Natalia V. 2006. Philippine Linguistics Studies in Russia (seminar paper:

9th Philippine Linguistics Congress). Department of Linguistics, University of the

Philippines. Lunsod ng Quezon. [masisipat sa

web.kssp.upd.edu.ph/linguistics/plc2006/papers/FullPapers/III-A-3_Zabolatnaya.pdf]

39 ng 39

You might also like