You are on page 1of 2

Nang bumalik si Hesus sa sariling bayan, hinarap Niya hindi lang ang Kanyang mga

kababayan kundi pati ang Kanyang Sarili. Hinarap Niya ang pagkakakilala sa Kanya ng mga
tao roon. Ang nasabing mga tao ang naging saksi kung paano Siyang lumaki. Maaaring ang
ilan sa kanila ay nakasama pa Niyang mag-aral sa sinagogang kinaroroonan nila. Ang ilan
siguro ay nakalaro pa Niya noong Siya'y musmos pa.
Batid ni Hesus na hindi Siya tatanggapin ng sariling bayan subalit nagpatuloy pa rin Siya sa
pagtungo roon. Hindi naging hadlang para sa Kanya ang iisipin ng mga kababayan upang
patuloy na ipahayag ang Mabuting Balita. Nangibabaw sa Kanya ang pag-ibig at ang
kagustuhang sumunod sa kalooban ng Ama.
Bilang mga binyagang nakikihati sa misyon ni Kristo, madalas nating nararanasan ang
mga rejections sa pagpapahayag natin ng Salita ng Diyos. Higit na masakit ang
mga rejections na ito kapag nagmumula sa mga taong malapit sa atin-- sa ating mga mahal
sa buhay o mga kaibigan.
Noong nagsisimula pa lamang ako sa paglilingkod sa parokya ni San Antonio de Padua sa
Malabon, madalas akong tawaging "father" ng mga kapitbahay at ng mga pinsan ko. May
mga pagkakataong magugulat na lang ako kapag may lalapit sa 'kin at pabirong
magsasabing "father, 'wag n'yo kami kalimutang ipagdasal" o "ipagsimba". O kung hindi
man ay may biglang magpupunas sa braso ko at biglang mag-aantanda ng krus.
Sa pagharap natin sa mga tao kapag tayo'y nagpapahayag, kaharap din natin ang ating
mga sariling pagkataong tinitimbang ng mga nakikinig sa atin. Maraming hindi maniniwala
sa atin dahil sa ating nakaraan o maaaring dahil sa ating mga kinagawiang mga likong
gawain.
Ni-reject ng mga taga-Nazaret ni Hesus dahil kinikilala nila Siyang katulad lamang nila kung
hindi man higit na mababa sa kanila. "Hindi ba't ito ang anak ni Jose?" Ni Jose na isa
lamang karpintero. Sinabi pa nila, "doktor, gamutin mo muna ang iyong sarili" dahil
itinuturing din nilang makasalanan ang Panginoong Hesus.
Ang mga rejections ay hindi mawawala sa anumang anyo ng paglilingkod. Noon ngang bago
ako magsimula ng blog na ito, katakut-takot na agam-agam ang dinaanan ko dahil alam
kong marami ang magtataas ng kilay kapag mabasa nila ang mga post ko. And take note,
anak lang din ako ng isang karpintero. Hindi ako isang pari o isang katekista. Ang puhunan
ko lang ay ang pagnanais kong maranasan ng iba ang pag-ibig ng Diyos na nararanasan ko
na ibinahagi din ng mga taong naglakas-loob na magpahayag.
Marami pang pagsubok ang darating sa atin. Marami pang mga anyo ngpersecutions. Lagi
lang nating isaisip ang mga sinabi ng Panginoon sa Kanyang mga alagad:
"Kapag kayo'y dinakip nila upang litisin, huwag kayong mababahala kung ano ang sasabihin
ninyo. Sa oras na iyon, sasabihin ninyo ang dapat ninyong sabihin, sapagkat hindi kayo ang
magsasalita; ang inyong mga sasabihin ay manggagaling sa Espiritu Santo. (Marcos 13:11)

Bilang mga propeta sa bisa ng ating binyag, tunay ngang higit pa sa ating mga sarili at sa
lahat ng pagsubok ang ating inihahayag sapagkat ito ang Salita ng Diyos.
Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay
Diyos. Sa pasimula ay kasama na siya ng Diyos. Nilikha ang lahat ng bagay sa
pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. (Juan 1:13)

You might also like