You are on page 1of 9

ALAMAT NG PINYA

Si Aling Rosa ay isang balo. Siya ay may sammpung taong gulang na anak na babae, si Pinang. Mahal na
mahal ni Aling Rosa ang kanyang anak. Nais niyang lumaking bihasa sa gawaing bahay ang anak.
Tinuturuan niya si Pinang sa mga gawaing-bahay.
Dahil sa nag-iisang anak, ayaw gumawa si Pinang lagi niyang ikinakatwiran na alam na niyang gawin ang
anumang itinuturo ng kanyang ina. Pinabayaan lang siya ng kanyang ina.
Isang araw ay nagkasakit si Aling Rosa. Hindi siya makabangon at makagawa sa bahay. Napilitan si
Pinang na gumawa ng gawaing-bahay. Inutusan siya ng ina niya na magluto siya ng lugaw. Kumuha si
Pinang ng ilang dakot na bigas, inilagay sa palayok at hinaluan ng tubig. Isinalang niya ito sa ibabaw ng
apoy. Iniwan niya ang niluluto at naglaro na. Dahil sa kapabayaan, ang ilalim ng bahagi ng lugaw ay
namuo at dumikit sa palayok. Nagpasensiya na lang si Aling Rosa. Kahit papaano nga naman ay
napagsilbihan siya ni Pinang.
Nanatili sa higaan ang matandang babae gn ilang araw pa. Si Pinang ang napilitang gumawa ng mga
gawaing-bahay. Isang araw, sa paghahanda ng pagluluto, hindi makita ni Pinang ang sandok. Lumapit
siya sa ina at nagtanong. Nasuya na ang ina sa katatanong ni Pinang. "Naku, Pinang sana'y magkaroon ka
ng maraming mata upang lahat ng bagay ay makita mo at hindi ka tanong nang tanong!"
Dahil galit ang ina, hindi na umimik si Pinang. Umalis siya upang hanapin ang sandok. Kinagabihan,
nabahala si Aling Rosa nang hindi pa bumalik ang anak. Nagpilit siyang bumangong upang kumain.
Tinawag niya ang anak nguni't walang lumalapit sa kanya.
Isang umaga, nagwawalis ng bakurang si Aling Rosa nang may makita siyang isang uri ng halaman na
tumubo sa silong ng kanilang bahay. Hindi niya alam kung anong uri ng halaman iyon. Binunot niya at
itinanim sa kanyang halamanan. Lumaki ang naturang halaman at di nagtagal ay namunga ito. Nagulat si
Aling Rosa sa anyo ng bunga. Ito ay hugis ulo ng tao na napapalibutan ng mata.
Biglang naalala ni Aling Rosa ang huling sinabi niya sa nawawalang anak na magkaroon sana siya ng
maraming mata upang makita ang kanyang hinanap. Tahimik na nanangis si Aling Rosa. Noon niya
napagtanto na tumalab kay Pinang ang kanyang sinabi. Gayunpaman, inalagaang mabuti ni Aling Rosa
ang halaman at tinawag niya itong Pinang bilang pag-alaala sa kanyang anak. Nang maglaon ang bunga
ito ay tinawag na "Pinya."



ALAMAT NG NIYOG

Noong unang panahon may mag-asawang taimtim na nagdarasal upang magkaroon ng anak. May
dalawang taon nang nagsasama ang mag-asawang Juan at Maria ngunit wala pa rin silang mga supling.

Lahat na halos ng mga alam nilang paraan upang magka-anak ay kanila ng sinubukan. Nagawa na nilang
magsayaw sa kalye kasama ng iba pang mga mag-asawang hindi rin magka-anak; nasubukan na rin
nilang uminom ng ibat ibang dahon-dahon na ayon sa matatanda ay makapagbibigay ng kanilang
ninanais at kung ano-ano pang mga seremonyas. Ngunit wala pa ring supling ang nabuo sa sinapupunan
ng babae.

Nawawalan na ng pag-asa ang mag-asawa nang sa wakas ay nabuntis din si Maria. Ngunit maselan
siyang magbuntis. Halos buong maghapon ay nakahiga lamang ito sapagkat palagi siyang nahihilo at
naduduwal. Hindi lamang iyon, marami din siyang hinihiling na kainin o di kayay pagmasdan.

Dahil sa matagal nilang inantay ang magkaroon ng anak, ibinibigay ni Juan ang lahat ng pinaglilihian ng
kanyang asawa maski pa mahirapan ito sa paghahanap. Lahat ng mga kakaibang prutas, ibat ibang luto
ng pagkain at kung ano-ano pang hinihiling ni Maria ay pinipilit na hanapin ni Juan upang hindi
magdamdam ang asawa at hindi mapasama ang bata sa kanyang sinapupunan.

Isang araw, may iba na namang pinaglilihian si Maria. Gusto raw niya ng prutas na bilugan ang hugis at
sa loob nito ay may tubig at may puting laman na parehong ubod ng sarap at nakakabusog. Naghanap si
Juan ng prutas na sinasabi ng kanyang asawa ngunit wala siyang makita na may ganoong paglalarawan.
Maging ang mga kapitbahay na kanyang pinagtanungan ay walang alam na prutas na may ganoon
bunga. Umuwi si Juan na bigo sa paghahanap ng nasabing prutas.

Dahil hindi nakakain ng pinaglilihian niyang prutas ay dinamdam ito ni Maria. Ayaw niyang kumain ng
kahit ano maliban sa pagkaing kanyang inilalarawan. Siya ay unti-unting nanghina at nagkasakit.
Nagmakaawa si Juan na kumain ang asawa dahil sa buntis pa man din ito ngunit ayaw talagang kumain
ni Maria hanggat matikman niya ang hinahanap na prutas.

Patuloy na nanghina si Maria at di kalaunan ay namatay. Dahil sa lungkot, inilibing ni Juan ang asawa sa
kanilang bakuran. Ilang buwan ang nagdaan at may kakaibang halamang umusbong sa pinaglibingan kay
Maria. Inalagaan ito ni Juan dahil naaalala niya ang yumaong asawa sa halamang ito.

Dumaan pa ang dalawang taon at nagkabunga ang halaman na ngayon ay isa ng matayog na puno.
Kumuha ng bunga si Juan at nang biyakin niya ito ay may laman itong parang tubig at puting laman.
Tinikman ni Juan ang prutas at ito ay ubod sarap. Muli niyang naalala ang prutas na pinaglilihian ni
Maria noon na ganoong-ganoon nga ang paglalarawan. Sa pagkakataong iyon, alam niya na ang puno ay
ang kanyang namayapang asawa na si Maria.
ALAMAT NG MAKAHIYA

Ang mag-asawang Mang Dondong at Aling Iska ay mayaman at may kaisa-isang anak. Mahal na mahal
nila ang labindalawang taong gulang na si Maria. Napakabait at masunuring bata si Maria. Sa kabila ng
magandang katangiang ito ni maria, ang pagkamahiyain ay kaakibat ng kanyang katauhan. Ayaw niyang
makipag-usap sa ibang tao kung kaya't nagkukulong lamang siya sa kanyang silid para lamang makaiwas
sa mga tao.
Si Maria ay may taniman ng mga magagandang bulaklak. Ang kaniyang mga bulaklak ay sadyang
napakagaganda kung kaya't ang mga ito ay kilalang-kilala sa kanilang bayan.
Isang araw, ang kanilang bayan ay pinasok ng mga bandido. Pinapatay nila ang bawa't masalubong at
kinukuha ang anumang mahahalagang bagay. Sa takot na mapahamak si Maria, itinago siya ni Mang
Dondong at Aling Iska sa bunton ng mga halaman. Si Aling Iska ay nagtago sa loob ng kabahayan,
samantalang si Mang Dondong ay nakahandang salubungin ang pagdating nga mga bandido.
"Diyos ko! Iligtas mo po ang aking anak." Dasal ni Aling Iska.
Nang walang anu-ano'y bumukas ang pintuan ng kanilang bahay. Si Mang Dondong ay walang nagawa
nang pukpukin siya sa ulo ng mga bandido. Nagtangkang tumakas si Aling Iska nguni't tulad ni Mang
Dondong, siya rin ay nahagip at nawalan ng malay-tao. Naghalughog ang mga bandido sa buong
kabahayan. Matapos samsamin ang mga kayamanan ng mag-asawa ay hinanap nila si Maria nguni't sila
ay bigong umalis. Hindi nila natagpuan si Maria.
Nang matauhan ang mag-asawa, ang kanilang anak na si Maria ang agad nilang hinanap. Patakbo nilang
tinungo ang halamanan. Laking lungkot ni Aling Iska ng hindi matagpuang ang anak. Nang walang anu-
ano'y may sumundot sa paa ni Mang Dondong. Laking pagtataka niya nang makita ang isang uri ng
halaman na mabilis na tumitikom ang mga dahon.
"Anong uri ng halaman ito? Ngayon lang ako nakakita nito!" Ang may pagkamanghang sabi ni Mang
Dondong.
Tinitigang mabuti ng mag-asawa ang halaman, at doon nila napagtanto na ang halamang iyon ay dili-
iba't si Maria. Ginawa siyang halaman ng Diyos upang mailigtas sa mga bandido.
Hindi mapatid ang pagluha ni Aling Iska at laking pagkagulat na muli ni Mang Dondong na bawa't patak
ng luha ni Aling Iska, ito ay nagiging isang maliit at bilog na kulay rosas na bulaklak.
Magmula noon, ang halamang iyon ay inalagaang mabuti ng mag-asawa sa paniniwalang ito ang kanilang
anak. Tinawag nila itong Makahiya, tulad ng isang katangian ni Maria.

ANG ALAMAT NG MAKOPA

Sa dakong baybayin isang bayan ng Ilokos, may naninirahang mga tao. Sila ay nananalig at sumasamba
sa diyoses ng kanilang ninuno. Bilang ganti, sila naman ay pinagkakalooban ng kanilang anito ng isang
masagana at maunlad na pamumuhay.
Ang kanilang kasaganahan at kaunlaran ay kinaiinggitan ng kanilang karatig-bayan. Pilit nilang inalam
ang pinagmulan ng kanilang kayamanan. Sa kanilang pagmamatyag, natuklasan na ang mga taga-tabing-
dagat ay may tinutugtog na malaking kampana tuwing nag-aalay at nananalangin sa sinasambang Apo
Binayen. Gayugndin ang gawain sa oras ng kagipitan.
Ang kampanang hugis-sombrero ay kaloob ng bathala sa bundok ayon sa mga taga-tabing dagat. Dahil
dito ipinasiya ng mga tagakaratig bayan na nakawin ang kampana. Sa pagliit ng buwan ang takda
nilang paglusob sa mga baybaying dagat.
Natunugan ng mga taga baybaying dagat ang masamang balak taga karatig-bayan kung kaya't itinago
nila ang malaking kampana. Ibinaon nila ito sa masukal na gubat. Na malapit sa kanila, Tinambangan
nila ang paglusob ng mga kaaway. Malaking labanan ang namagitan sa magkabilang panig. Maraming
namatay nguni't nanaigi parin ang kampo ng kabutihan.
Nanalo man ang tagabaybaying-dagat sa labanan ay malungkot pa rin sila sa dahilang walang
makapagturo sa kinababaunan ng malaking kampana. Ang mga kalalakihan nangasiwa sa pagbabaon ng
malaking kampana ay pawang nangasawi sa labanan.
Magmula noon ay naging malungkot aa lugar ng baybaying-dagat. Dumanas sila ng tagtuyot. Namatay
ang kanilang mga pananim dahil sa matinding init. Ang mga panalangin ay nawalan ng kasagutan.
Nisaisip nila na ito ay bunga ng pagkawala ng malaking kampana.
Nagpatuloy ang ganoong kahirapan. Minsan isang bata ang naghahanap ng makakain sa kagubatan ang
nakapansin sa isang puno na hitik na hitik sa bunga. Ang buganang ito ay hugis-kampana. Pumitas siya
ng isa at nasarapan siya sa lasa ng bungangkahoy. Pumitas siya nang pumitas sa abot ng kanyang
madadala. Iniuwi nya ito sa kanilang lugar. Nagustuhan din ng ibang tao ang lasa ng bungangkahoy.
Nguni't ang ipinagtaka ng mga taga baybaying dagat ay kung bakit ito hugis-kampana. Nagtalu-talo sila
hanggang sa maalaala nila ang malaking kampanang nawawala. Naghukay sila sa tabi ng puno at laking
tuwa nila nang matagpuan doon ang malaking kampana. Bglang nagdilim ang kalangitan at bumuhos
ang isang malakas na ulan. Walang pagsidlan sa tuwa ang mga tao. Inisip nilang ito ay sagot ng Apo sa
bundok bilang tugon sa pagkakatuklas nila sa malaking kampana.
Magmula noon ay muling umunlad ang buhay ng mga taga baybaying dagat. Tumubong muli ang
kanilang mga pananim. Palagi rin nilang tinutugtog ang malaking kampana tulad ng kanilang
nakagawian. Bilang pagtanaw ng utang na loob sa halamang naging dahilan ng pagkakabalik ng
nawalang kampana, nagtanim pa sila ng marami pang mga punong ito at ang mga bungang punong ito
ay tinawag nilang "Makopa."
ALAMAT NG BAYABAS

Noong unang panahon, may isang bayan na pinamumunuan ng isang sakim at mapagmataas na hari. Si
Haring Barabas ay kinatatakutan ng kanyang mga sinasakupan ngunit palihim din nila itong
kinamumuhian. Walang ibang alam gawin ang hari kundi ang mag-utos at pagalitan ang kanyang mga
alipin. Ang mga utos pa man din nito ay imposibleng gawin at hindi makatwiran. Ang hari ay mahilig
kumain, matulog at mag-aksaya ng kayamanan niya.

Nagkaroon ng matinding taghirap sa kanyang kaharian. Hindi maganda ang naging ani ng mga
magsasaka at naging mahina ang benta ng mga mangangalakal. Ang lahat sa kaharian ay inutusang
magtipid upang maka-alpas sa taghirap na kanilang nararanasan.

Lahat nga ng tao ay gumawa ng kanya-kanyang paraan upang makatipid maliban sa isang tao. Ang
mismong hari na si Barabas ay hindi sumusunod sa kanyang utos. Walang itong pakialam na naghihirap
ang mga taong kanyang nasasakupan. Patuloy siya sa paglustay ng kanyang kayamanan sa mga walang
kwentang mga bagay.

Habang ang lahat ng tao ay nagtitipid at minsan lang sa isang araw kung kumain, ang hari ay parang
piyesta kung magpaluto sa kanyang mga alipin. Ibat ibang putahe ng ibat ibang mahal na klase ng
pagkain ang kanyang ipinapahanda. At ang masaklap pa dun ay siya lamang ang kakain ng mga pinaluto
niya. Maski sobra ang mga pagkain ay hindi niya niyayaya ang kanyang mga kasambahay o ang mga
taombayan na saluhan siyang kumain. Ang mga hindi niya maubos ay hinahayaan lang niya hanggang sa
tuluyan na itong masira at hindi na puwedeng makain.

Isang araw habang nagpipiyesta ang hari sa harapan ng kanyang palasyo ay may lumapit na isang
matandang pulubi. Humingi ng limos ang pulubi maski pagkain na lamang pantawid sa kanyang gutom
ngunit hindi pinansin ng hari ang matanda. Sa halip, pinagtabuyan pa niya ito. Nawawalan daw siya ng
ganang kumain dahil sa mabahong amoy ng pulubi.

Nagalit ang pulubi at sinabi sa hari na dahil sa kasakiman nito ay bibigyan niya ito ng isang leksiyong
hindi niya makakalimutan. Hindi pa natatapos magsalita ang matanda ay biglang kumulog at kumidlat.
Ang hari ay unti-unting nagbago ng anyo. Nagsisigaw itong humihingi ng tawad sa matanda ngunit huli
na ang lahat. Biglang naglaho ang matanda habang ang hari ay naging isang ganap na halaman.

Nakita ng taombayan ang lahat ng pangyayari at ng lapitan ang halaman ay may nakita silang bunga
nito. Ito ay bilugan at may koronang nakapatong. Ito na nga ang kanilang hari na si Barabas na dahil sa
kasakiman ay naging isang halaman.

Mula noon tinawag nila ang halaman na bayabas mula sa pangalan ni Haring Barabas.


ALAMAT NG BITUIN

Ilang libong taon na ang nakakaraan nang magkaroon ng matinding tagtuyot sa mundo. Ang mga
pananim ay nanuyot at nasira at pati na rin ang mga alagang hayop ay nagkasakit at namatay. Walang
ulan at ang mga ilog ay natuyo na rin dahil sa init ng sikat ng araw.

Taimtim na nagdasal ang mga tao upang magkaroon ng ulan. Sumayaw-sayaw sila at nag-alay ng kung
anu-anong sakripisyo ngunit walang ulang bumagsak maski ulap ay walang nabuo. Mas lalo pa ngang
tumindi ang sikat ng araw.

Nawawalan na ng pag-asa ang mga taombayan nang dumating ang isang mahiwagang mag-asawa, si Bul-
an at si Bitu-in. Ayon sa mag-asawa, narinig ni Bathala ang kanilang mga panalangin at ipinadala sila
upang tulungan ang mga taombayan. Di nga naglaon ay dahan-dahan pumatak ang ulan at hindi ito
tumigil hanggang sa napawi ang pinsalang dulot ng tagtuyot.

Naging mas masagana ang mga pananim at ang mga alagang hayop ay naging mas malulusog. Dahil
dito, itinakda ng mga taombayan ang mag-asawa na kanilang mga pinuno. Pinaunlakan naman ni Bul-an
at Bitu-in ang nais ng taombayan. Naging mabuti silang mga pinuno at umasenso ang nasabing bayan.

Mayroong anak ang mag-asawa, ito ay si Alitaptap. May malaking bituin na naka-ukit sa noo ni
Alitaptap; ito ay nagpapatunay na siya ay di pangkaraniwang nilalang. Marami ang nagnais na makuha
ang kamay ng dalaga upang mapangasawa. Maging ang kanyang ama ay pinipilit si Alitaptap na pumili
na ng mapapangasawa upang sa ganoon ay magkaroon sila ng mga anak na magiging makikisig
mandirigma. Ngunit matigas ang puso ng dalaga at ayaw nitong magpakasal sa kahit sino. Wala raw
itong nararamdaman na kahit ano. Marahil ito ay dahil nga sa hindi tao ang dalaga.

Isang araw, isang manghuhula ang nagsabi kay Bul-an na masasakop ang kanilang bayan sa hinaharap
kung hindi makakapangasawa si Alitaptap at hindi magkaka-anak ng lalaki. Ipinatawag ni Bul-an ang
anak at pinagsabihang kinakailangan na nitong magpakasal sa lalong madaling panahon. Ngunit si
Alitaptap ay walang nararamdamang maski anong emosyon kung kayat ayaw pa rin nitong magpakasal.

Nagalit ang kanyang ama ngunit maski anong gawin nitong pilit ay wala pa ring imik si Alitaptap.
Napuno ang galit ni Bul-an. Kinuha niya ang kanyang tabak at hindi nakapagpigil ay hinampas niya ang
kanyang anak. Tumama ang tabak sa malaking bituin sa noo ng dalaga at nabasag ito sa libu-libong
piraso. Samantala, wala ng buhay ng bumagsak ang dalaga sa sahig. Ang mga munting makinang na
piraso ng bituin sa noo ni Alitaptap ay unti-unting nagkaroon ng buhay; lumipad at nilisan ng mga ito
ang palasyo. Ang mga ito ay ang tinatawag natin ngayon na mga Alitaptap.

Nagkatotoo ang naging hula at dahil sa walang mandirigma ang naipanganak mula kay Alitaptap ay
nadskop ang kanilang bayan at natapos ang pamumuno ni Bul-an at Bitu-in.

ALAMAT NG KAMOTE


Ilang daang taon na ang nakalipas nang magkaroon ng matinding tagtuyot sa mundo. Mainit ang panahon at
walang ulan. Ang mga pananim ay nanuyot at ang mga alagang hayop ay nagkasakit at namatay. Dahil dito, halos
walang makain ang mga tao. Nagsipaghanap sila ng mga paraan upang matustusan ang kanilang pangangailangan
sa pagkain. Isa sa nahanap nilang paraan ay ang pangangaso.

May isang kagubatan ang hindi naapektuhan ng tagtuyot. Ito ay ang mahiwagang gubat ng Kamu. Wala itong
pinagbago at punong-puno pa rin ng likas na yaman. Sagana ang puno at ng mga hayop na puwedeng hulihin
upang makain. Dito nagpupunta ang mga taombayan upang mangaso.

Dalawang magkapatid ang nagpasyang mangaso sa mahiwagang kagubatan. Maagang nagpunta ang magkapatid
upang makarami ng mahuhuling hayop. Ngunit kabaliktaran ng kanilang inaasahan, maghahapon na ay wala pa
silang nahuhuling kahit isang hayop.

Gutom na gutom na ang magkapatid kayat nagpasya silang magpahinga muna bago umuwi. May nakita silang
isang ibon na dumapo sa puno kung saan sila umupo para magpahinga. Agad pinana at tinamaan ng
nakatatandang kapatid ang ibon. Gumawa sila ng siga upang iluto ang nahuli. Nang maluto ang ibon at kakainin
na sana nila ito ay may lumapit na isang magandang babae. Sinabi ng babae na siya ay naliligaw sa kagubatang
iyon at ilang araw ng hindi pa nakakakain. Gutom na gutom na rin daw ito.

Naawa ang magkapatid sa magandang babae. Bagamat gutom na sila ay ibinigay nila sa kanya ang nilutong ibon.
Pinanood nilang kumain ang babae. Kibit labi sila nang ubusin ng magandang babae ang pagkain.

Pagkatapos kumain ay nagpasalamat ang babae sa magkapatid. Natutuwa daw siya sa kanila dahil nagawa pa
nilang ibigay ang nag-iisang pagkain nila sa kanya kahit na sila mismo ay nagugutom na. Pinayuhan niya ang mga
ito na umuwi na sa kanilang pamilya. Bumalik na lang daw sila bukas sa lugar ding iyon at may ibibigay siya sa
kanila.

Sinunod ng dalawa ang sinabi ng magandang babae. Umuwi ang magkapatid ngunit sila ay malungkot sapagkat
walang bitbit na mailuluto para sa hapunan ng mag-anak.

Kinabukasan, nagbalik ang magkapatid sa parehas na lugar kung saan nila nakilala ang babae. Ngunit wala dun
ang babae na kanilang inaasahan. Hinanap nila ang abo ng kanilang pinagsigaan kung saan nila niluto ang ibon
ngunit sa halip ay may nakita silang kakaibang halaman na tumubo sa lugar na iyon. Nagtaka sila sapagkat
nakakasiguro silang wala pa ang nasabing halaman kahapon ng sila ang nagpapahinga. Marahil ito na ang sinasabi
ng maganda at mahiwagang babae na ibibigay niya sa kanila.

Ngayon lang nila nakita ang halamang iyon at nang bunutin nila ito ay nakita nila na ang ugat nito ay matataba
na parang mga bunga. Nag-uwi sila ng nasabing halaman upang itanong sa mga taombayan kung may nakakaalam
sa halamang ito. Ngunit wala ni isa ang makapagsabi kung ano ito.

Niluto nila ang bunga at tinikman ito. Masarap ang bunga at nakakabusog ito maski konti lamang ang kakainin.
Natuwa ang taombayan dahil sa may pantawid gutom na sila hanggang sa matapos ang tagtuyot. Tinawag nilang
kamote ang bunga dahil galing ito sa mahiwagang kagubatan ng Kamu.

ALAMAT NG GANSA
Ang mga gansa ay may hawig sa ng mga pato ngunit sila ay may mahahabang mga leeg. Subalit noon ang mga
gansa ay kahawig na kahawig ng mga pato. Ang kanilang mga leeg ay maliliit din. Ito ang kuwento kung paano
nakuha ng gansa ang kaniyang mahabang leeg.

May isang gansa ang bagong kasal. Ang dalawang mag-asawa ay nagpasya na itayo ang kanilang pugad sa malapit
sa ilog upang sa gayon, paglabas ng kanilang mga bibe ay maturuan agad ang mga ito na lumangoy.

Masayang-masaya sa napiling lugar ang mag-asawa. Tago ito upang hindi agad mahanap ng mga maaaring kumain
ng kanilang itlog. Isa pa, ,ababait ang kanilang mga kapit-bahay. Agad na nakahanap ang lalaking gansa ng
kaibigan. Ito ay ang isa pang lalaking gansa, isang pato at isang maingay na palaka. Tuwing gabi sila ay
nagsasama-sama upang mag-usap usap tungkol sa nangyayari sa paligid hanggang sa mag-sawa ang lahat at wala
nang maikwento.

Minsan, nang magkita ang magbabarkada, masayang ikunuwento ng lalaking gansa na nangitlog na nga ang
kanyang asawa at ano mang araw malapit na rin siyang maging tatay. Binati nila ang kaibigan at sinabi sa kanya
na mababawasan na kung gayon ang kanyang paglabas-labas sa gabi. Siyempre, ani nila, kinakailangan niyang
tulunganng bantayan ang kanilang mga itlog. Ngayon lang naisip ng lalaking gansa na kinakailangan nga rin
naman niyang bantayan ang mga itlog. Umuwi siya na iyon pa rin ang nasa isipan.

Isang gabi, nakita ng lalaking gansa ang kanyang asawa na pagod at inaantok na. Buong maghapon itong nakaupo
at nakalimlim sa mga itlog upang masigurong naiinitan ang mga ito ng pantay-pantay. Naawa ng lalaki at sinabi
sa asawa na pwede na itong mag-pahinga ngayong gabi. Siya daw muna ang bahalang mag-babantay at
maglilimlim sa mga itlog. Natutuwang pumayag ang babae. Dali-daling tumayo ang babae mula sa pugad.
Maganda daw ang naisip ng asawa at namamanhid na ang kanyang puwetan.

Naupo na nga ang lalaking gansa at nang unang oras ay masaya pang naglilimlim sa kanilang pugad. Ngunit bigla
siyang may narinig mga boses na kilalang-kilala niya. Iyon nga ang boses ng kanyang mga kaibigan na malakas na
nagkukuwentuhan at nagtatawanan. Biglang naiingit ang lalaking gansa. Naisip niya na sana ay kasama siya dun na
nakikipagkuwentuhan

Ninais nitong makisalamuha o kahit man lang ay marinig ang mga pinagkukuwentuhan ng mga kaibigan. Muntik
na itong napatayo mula sa pugad ngunit naalala niya ang mga itlog. Kung kayat iniunat na lamang nito ang
kanyang munting leeg upang makita ang barkada. Dahil sa mataas ang talahib kung saan natago ang pugad, hindi
pa rin niya nagawang makita ang mga maiingay na nagkukuwentuhan.

Hindi pa rin sumuko ang lalaking gansa. Iniunat niya ng iniunat ang kanyang munting leeg hanggang sa nakita
niya ang ulo ng mga kaibigan. Subalit tapos ng mag-usap ang mga ito at papauwi na sa kanilang mga bahay. Pilit
niyang binaba ang kanyang ulo subalit napansin nitong hindi na maibalik sa dati ang anyo ng kanyang leeg.

Kinaumagahan ng bumalik ang babaeng gansa upang humalili sa asawa, nakita niya ang munting leeg ng asawa na
humaba sa kaka-unat nito upang makinig sa usapan ng kanyang mga kaibigan. Simula noon ay naging mahaba na
ang leeg ng mga gansa.


ALAMAT NG ISANDAANG MGA PULO

Ang bayan ng Alaminos ay tanyag sa pagkakaroon ng isandaang maliliit na mga pulo (Hundred Islands) sa
kanyang karagatan. Ngunit may kuwento kung paano nagkaroon ng mga pulong ito. Ang isandaang mga pulo
ay umusbong pagkatapos ng isang di makalilimutang pangyayari sa nasabing bayan.

Noong unang panahon, ang Alaminos ay kilala bilang isang maasensong bayan. Sagana ang bayan sa mga
likas na yamang dagat. Ang mga mangingisda ay tuwang-tuwa sa dami ng kanilang nahuhuli sa araw-araw.
Maski ilang oras pa lamang sila pumapalaot ay tiyak silang babalik sa pampang na puno ng huli ng ibat-
ibang klase ng isda.

Isang diwata ang nakatira sa karagatan ng Alaminos. Ayon sa mga matatanda may isang perlas ang diwata na
siyang nagbibigay ng magandang huli sa mga mangingisda. Inatasan ng diwata ang kanyang nag-iisang anak
na si Liglioa na maging tagabantay sa nasabing perlas. Di tulad ng kanyang ina, si Liglioa ay may dugong
mortal kung kayat siya ay nakatira sa isang kubo malapit sa pampang at nakikihalubilo sa taombayan. Mahal
na mahal ng mga taombayan si Liglioa hindi lamang dahil sa siya ang bantay ng perlas kundi pati na rin
dahil mabait at matulungin ang dalaga.

Nalaman ng kabilang bayan ang dahilan ng likas na yamang dagat ng Alaminos. Naiingit sila at sa pamumuno
ni Datu Masubeg ay nagpasya silang dakpin si Liglioa at itago sa kanilang bayan. Nakakasiguro silang ibibigay
ng diwata ang perlas kapag nakita nitong hawak nila ang kanyang anak. Sa ganoon, ang bayan din naman
nila ang magkararanas ng masaganang huli.

Ngunit bago pa man makalapit ng pampang ang mga taga-ibayo ay tinipon na ni Datu Mabiskeg ang mga
mahuhusay na mandirigma ng Alaminos upang ipagtanggol si Liglioa. Nagkaroon nga ng digmaan sa
karagatan ng Alaminos. Maraming mga mandirigma ang namatay mula sa parehas na kampo.

Nagmakaawa si Liglioa sa kanyang diwatang ina na gumawa ng paraan upang matigil na madugong digmaan.
Hiniling niya sa kanyang ina na gumawa na lamang ng isa pang perlas para sa kabilang bayan upang hindi na
nila asamin ang perlas ng Alaminos.

Ngunit umiling ang diwata. Hindi na raw ito makakagawa ng isa pang perlas. Paliwanag ng kanyang ina na
ang tunay na perlas na nagbibigay ng masaganang huli sa taombayan ng Alaminos ay walang iba kundi ang
nag-iisa nitong anak- si Liglioa.

Nang marinig ni Liglioa ang sinabi ng ina ay napa-isip ito ng mabisang paraan upang matigil na ang awayan.
Nagsalita ang dalaga at hiniling nito sa kanyang ina na siya ay pumalaot na lamang at magtago sa ilalim ng
dagat upang sa ganoon ay walang sinoman ang makakakuha ng perlas. Pumayag ang diwata sa nais ng
dalaga. Mas magiging ligtas para sa lahat ang naisip na paraan ng dalaga.

Samantala ang mga patay na mandirigma na palutang-lutang sa karagatan ay unti-unting naging mga pulo.
Halos isandaan ang mga nasawi sa nasabing digmaan para sa perlas na nagdudulot ng masaganang huli. Ito
ngayon ang naging tanyag na isandaang mga pulo ng Alaminos.


ALAMAT NG YLANG-YLANG

Noong unang panahon, ang mga diyosa ang pumipili kung anong puno ang bibigyan nila ng katangian
upang mamulaklak. Ilan sa mga punong nabigyan ng ganitong kakayahan ay ang mga punong
kalachuchi, katuray, adelfa, manga at iba pa. Ngunit isa sa mga hindi pinagpala upang mamulaklak ay
ang puno ng Ilang-ilang.

Nalungkot si Ilang-ilang sapagkat gusto rin niyang magkaroon ng mga bulaklak. Narinig niya ang
kanyang mga katabing puno na pinagmamalaki ang kanilang mga magagandang bulaklak. Naging
mayabang ang mga ito na kesyo mas maganda sila. Ang mga puno daw na hindi namumulaklak ay mas
mabuting putulin na lamang upang gamitin sa paggawa ng bahay o di kayay gawing panggatong para
may pakinabang. Mas lalong nalungkot si Ilang-ilang. Sa gabi ito umiiyak upang sa gayon ay walang
makarinig sa kanyang mga hikbi. Walang magawa si Ilang-ilang kayat hinayaan na lamang niya ang mga
mayayabang na mga kapitbahay.

Isang araw, umulan ng malakas at tila babagyo pa ata. Ang lahat ng puno ay nagsipaghanda. Ang mga
may bulaklak ay hinigpitan ang kapit upang hindi matangay ng hangin at ulan ang kanilang pinaka-
iingatang mga bulaklak. Dahil sa wala namang bulaklak si Ilang-ilang, ito ay kampante na makakaraos sa
bagyo.

Sa di kalayuan, dalawang higad ang naghahanap ng masisilungan mula sa ulan. Naka-ilang tanong na ang
mga ito, nakikiusap sa mga puno na sila ay patuluyin pansamantalang may bagyo. Ngunit lahat ng mga
puno ay tumanggi sa kanila, lalo na ang mga bulaklak. Siguradong ubos hindi lamang ang mga dahon
kundi pati na rin ang kanilang mga bulaklak ani nila.

Walang magawa ang mga kawawang higad. Umalis sila na nangangamba na anomang oras ay tatangin
sila ng baha.
Narinig ni Ilang-ilang ang pagpapalayas ng mga ibang puno sa dalawa kayat pasigaw nitong tinawag ang
mga higad. Inialok nito na sa kanya na lamang tumuloy ang dalawa. Total, aniya, wala naman siyang mga
bulaklak at di hamak na mas mahalaga ang buhay ng mga higad kaysa sa kanyang mga dahon. Kumain
lang daw sila ng maski ilang dahon ang gusto nila.

Matagal bago natapos ang unos. Nang sumikat ang araw hinanap ni Ilang-ilang ang mga kaibigang higad
ngunit wala na ang mga ito. Nalungkot siya na baka nahulog ang mga ito dahil sa malakas na hangin at
ulan. Sa halip, may nakita si Ilang-ilang na parang mga bulaklak na nakasabit sa kanyang mga sanga. Ito
na nga ang dalawang higad na sa gitna ng unos ay naging mga ganap na paru-paro.
Nalaman ng mga diyosa ang kagitingang ginawa ni Ilang-ilang. Binisita nila ang puno na may dalang
magandang balita. Pagkakalooban si Ilang-ilang ng pabuya dahil sa inisip muna niya ang kapakanan ng
iba bago ang sarili. Simula noon ay magkakaroon na siya ng mga bulaklak na katulad ng mga naka-tiklop
na pakpak ng mga kinalinga niyang paru-paro. Hindi lamang yun, ang kanyang mga bulaklak ay
magkakaroon ng bango na hahalimuyak sa buong kakahoyan. Natuwa si Ilang-ilang, sa wakas
magkakaroon na rin siya ng bulaklak.

You might also like