Noong unang panahon, may isang babaeng nagngangalang Daragang Magayon.
Maraming kalalakihan ang nanliligaw sa nasabing dalaga sapagkat siya ay maganda at may makinis na kutis. Ayon sa ama ni Magayon na si Rajah Makusog nasa tamang edad na ang dalaga upang magpakasal kung kayat pinapayagan na niya ito kung sakaling magpasya ang dalaga na makipag-isang dibdib. Ngunit si Magayon ay wala pang napipili mula sa kanyang mga manliligaw. Magpapakasal lang daw siya sa taong kanyang iniirog.
Isang araw habang naliligo si Magayon sa ilog, siya ay nadulas at nahulog sa malalim na parte nito. Hindi marunong lumangoy ang dalaga. Mabuti na lamang at nakita siya ni Panganoron at iniligtas ang dalaga. Si Panganoron ay ang matapang na anak ni Rajah Karilaya. Nangangaso siya noong araw na iyon nang marinig niya ang iyak ni Magayon. Mabilis na tumalon ang matapang na mandirigma upang iligtas ang dalaga.
Nabighani si Panganoron sa ganda ni Magayon kung kayat niligawan niya ang dalaga. Gayundin si Magayon ay napa-ibig sa matapang na lalakeng nagligtas sa kanya. Di kalaunan ay ipinahayag ang pag-iisang dibdib ng dalawa sa buong kaharian.
Subalit, si Pagtuga, isang masugid na manliligaw ni Magayon, ay naka-isip ng paraan upang hindi matuloy ang kasal. Binihag niya ang ama ni Magayon na si Rajah Makusog at hindi raw niya ito pakakawalan kundi papayag si Magayon na pakasal sa kanya. Dahil mahal ni Magayon ang kanyang ama, wala siyang magawa kundi pumayag sa kondisyon ni Pagtuga.
Nagpunta ang dalaga sa lugar ni Pagtuga upang ibigay ang sarili upang pakawalan nito ang kanyang ama. Napag-alaman ni Panganoron ang ginawa ni Magayon. Tinipon nito ang kanyang mga matatapang na mandirigma upang iligtas ang mag- ama laban kay Pagtuga.
Isang malaking digmaan ang naganap sa pagitan ng dalawang kampo. Nanaig si Panganoron laban kay Pagtuga at napatay niya ito. Noong makita ni Magayon na napatay ng kanyang kasintahan ang kalaban ay dali-dali itong tumakbo patungo kay Panganoron. Ngunit bago pa man magkalapit ang dalawa ay isang ligaw nasibat ang tumusok sa likod ni Magayon. Habang bumagsak si Magayon ay tinaga naman sa likod si Panganoron ng mandirigma ni Pagtuga. Nakita ni Rajah Makusog ang nangyari. Sinundan nito ang taong pumatay kay Panganoron at pinaslang ito.
Nang matapos ang digmaan, iniuwi ng rajah ang walang buhay na katawan nila Magayon and Panganoron. Humukay ito at inilibing na magkasama ang magkasintahan.
Ilang araw ang lumipas ng mapansin ng mga taong bayan na ang libingan ay tumaas. Lumaki ang libingan at ang lupa ay naghugis apa. Tinawag ito ng mga taong bayan ng Mayon mula sa kanilang magandang prinsesang si Magayon. Kung minsan maririnig ang Mayon na dumadagundong at lumilindol, ayon sa mga tao ito ang patunay ng pagmamahalan nila Magayon at Panganoron. ALAMAT NG PALONG AT TILAOK NG TANDANG Noong unang panahon, may isang kaharian sa gawing hilaga ang matatagpuan sa gitna ng dalawang bundok. Ang kahariang ito ay tinatawag na Batalla. Sapagkat pinagigitnaan ng dalawang bundok, ang kaharian ay napalilibutan ng makapal na hamog sa buong umaga, maghapon at maging sa gabi. Maganda ang klima sa lugar; hindi maaraw at malamig maski sa buwan ng tag-init. Dahil dito, masarap kumain at pagkatapos ay matulog ng mahimbing.
Ang mga taong bayan ng Batalla ay malulusog at mababagal gumalaw dahil na rin sa kabigatan ng katawan. Maging ang kanilang hari at mga sundalo ay nanaba. Halos walang mabibigat na gawain ang mga taong bayan dahil sa nakakatamad na klima.
Narinig ng kabilang bayan na ang mga sundalo ng Batalla ay nananaba at mababagal ang galaw. Naisip nila kung sa gayon ay mahina sila. Kayat naisip ng kanilang hari na madali nilang masasakop ang Batalla. Naghanda ang bayan at sasakupin nila ang Batalla sa makalawa.
Walang kaalam-alam ang hari at taong bayan ng Batalla sa naka-ambang pananakop ng kabilang bayan. Tuloy pa rin sila sa pagkain ng marami at pagkatapos ay itinutulog nila ng mahimbing. Iyon lang ang tanging inatupag nila. Hindi man lamang sila nagsasanay upang ipagtanggol ang kanilang kaharian sa anumang pananakop.
Madaling araw nang pumuwesto ang mga mananakop sa paligid ng Batalla. Sinamantala nila ang himbing ng pagkakatulog ng bayan. Ngunit bago pa man din masimulan ng mga ito ang pag-atake ay may narinig silang mga sigaw. Inakala ng mga ito na iyon ay hudyat ng taong bayan para atakehin ng pabigla ang mga nanakop. Dahil sa gulat at takot nila sa mga narinig nilang kakaibang sigaw, nagsipagtakbuhan ang mga mananakop pabalik sa kanilang kaharian.
Samantala, ang inakala ng mga mananakop na mga sigaw ay tilaok pala ng mga manok na tandang. Dahil sa maagang nagigising ang mga manok ay nakita nila ang mga mandirigma ng kabilang bayan na nakaambang umatake sa Batalla. Pinilit ng mga tandang na gisingin ang mga taong bayan sa pamamagitan ng pag-tilaok upang maipaglaban nila ang bayan sa mga mananakop.
Sapagkat hindi natuloy ang pananakop dahil na rin sa tilaok ng mga tandang ay binigyan ng hari ang mga ito ng pabuya. Nilagyan niya ang bawat tandang ng korona sa kanilang ulo. Ito ay bilang pasasalamat at pagrespeto sa kanilang kabayanihan.
Simula noon ay ipinangako ng hari at ng taong bayan na magsisikap na sila na magsanay at hindi na rin sila magiging tamad. Simula rin noon ay tumitilaok na ang mga tandang sa tuwing pagsikat ng araw upang gisingin ang buong kaharian upang simulan na ang kanilang gawain sa pang-araw-araw. ALAMAT NG MAIS Noong unang panahon, may isang mag-asawa na ang ikinabubuhay ay ang pagtatanim ng mga gulay. Ito ay kanilang binebenta at kung minsan ay kanila na ring kinakain.
Ang mag-asawa ay biniyayaan ng isang magandang anak na babae. Tinawag nila itong Maita. Ang bata ay may maganda, madulas at malambot na buhok. Kapag nasisinagan ng araw, ang buhok ni Maita ay naninilaw na parang ginto. Mahilig ang bata na mag-ayos sa sarili. Upang mapanatili nitong maganda at malambot ang buhok ay halos minu-minuto nitong sinusuklay at inaayos ang buhok.
Kadalasan pinagsasabihan si Maita ng kanyang ama na itigil ang sobrang pagsusuklay at tumulong naman sa gawaing bahay. Ngunit natutuwa ang kanyang ina sa pagiging maayos nito sa sarili kayat hinahayaan lang niya ito. Bata pa naman daw si Maita; magsasawa din ito sa kanyang buhok at balang araw tutulong din daw siya sa mga gawaing bahay.
Subalit, nagkamali ang kanyang nanay. Sa halip mas lalo pang tumindi ang paghanga nito sa sarili at sa kanyang buhok. Kung noon ay minuto lang ang ginugugol nito sa pagsusuklay at pag-aayos ng buhok, ngayon ay inaabot siya ng ilang oras kung minsan pa nga ay buong araw.
Isang araw, nagkasakit ang kanyang ama. Kinailangan ng kanyang ina na magbenta ng kanilang pananim na gulay upang sa ganoon ay meron silang pambili ng makakain at ng gamot para sa ama.
Mahigpit na pinagbilinan ng kanyang ina si Maita na gawin ang mga gawaing bahay. Ipinagbilin niyang mag-luto siya ng makakain at siguradong gabi na ito makakauwi mula sa bayan. Bantayan daw siya ang kanyang ama at pakainin na rin ito upang lumukas. Pinaalala din niyang huwag kalimutang diligan ang kanilang mga tanim na gulay sapagkat tigang ang lupa sa kanilang bakuran. Nayayamot na pumayag ang bata. Siya na raw ang bahala sa kanyang ama at sa kanilang bahay.
Uumpisahan na sanang gawin ni Maita ang mga pinag-uutos ng kanyang ina nang siya ay mapadaan sa kanilang salamin at masulyapan ang kanyang buhok. Napatigil ito at kinuha ang kanyang suklay. Naisip ng bata na maaga pa. Mag- aayos daw muna siya ng kanyang buhok. Nagsuklay nga ng nagsuklay si Maita. Nawili ito at hindi napansin ang mga nagdaang oras. Maging ang mahinang pagtawag ng kanyang ama na humihingi ng makakain ay hindi narinig ng bata. Abala ito sa pag-aayos ng kanyang magandang buhok.
Lumubog na ang araw at dumating na ang ina ni Maita. Nagtataka ito ng makita ang kanilang mga pananim na gulay na natuyo dahil sa hindi nadiligan buong mag- hapon. Hinanap nito si Maita at nakita nga niya ang anak na abalang nagsusuklay sa harap ng salamin.
Pinagalitan si Maita ng kanyang ina dahil sa wala man lang itong nagawa sa mga pinagbilin sa kanya. Maging ang pakainin ang may sakit na ama ay hindi nagawa ni Maita. Mariing wika ng matanda sa bata na sana ay numipis na lang ang kanyang buhok upang sa ganoon ay hindi na niya ito pag-aaksayahan ng panahong suklayin. Bukas na bukas din ay ipapaputol na raw ng matanda ang buhok ni Maita. Umiiyak na tumakbo palabas ang bata. Ngunit hindi na ito sinundan ng ina, nagpunta ito sa kusina upang ipagluto ang asawang nanghina lalo sa gutom.
Nang mahimasmasan sa galit ang ina ni Maita ay hinanap niya ang bata sa bakuran ngunit hindi niya ito nakita. Ipinagtanong din niya ito sa mga kapitbahay ngunit walang nakakita sa bata. Matagal na hinanap ng ina si Maita subalit walang may alam kung nasaan ang bata.
Isang umaga nang nagwawalis sa may bakuran ang ina ay may nakita itong bagong halaman na umusbong. Ito ay may mahahabang dahon. Diniligan ito ng matanda. Makalipas ang ilang lingo ay nagkabunga ang halaman. Nang pitasin at balatan ang bunga, nakita ng mag-asawa na ito may butil-butil na kulay dilaw. Ang bunga ay may mga maninipis ding ginituang buhok na ubod ng dulas at ganda. Naluha ang mag-asawa ng makita ang magandang buhok. Naalala nila ang buhok ng anak nilang si Maita na ganoon na ganoon ding madulas at maganda.
Naisip nilang parehas na marahil ito na nga ang nawawalang anak. Simula noon, tinawag nilang mais ang halaman. STO. DOMINGO NATIONAL TRADE SCHOOL BALOC STO. DOMINGO NUEVA ECIJA