You are on page 1of 3

Socorro Cancio Ramos

Talambuhay
Si Socorro Cancio Ramos, o mas kilala bilang Nanay
Coring ng kaniyang mga kaibigan at kamag-anak, ay
isinilang noong 23 Setyembre 1923 sa Santa Cruz,
Laguna. Siya ay isa sa anim na anak nina Jose at Emilia
Cancio. Kahirapan sa buhay ang naging dahilan ni
Socorro upang maging isang working student habang
siya ay nag-aaral sa Arellano High School. Sa panahon
ng bakasyon, kasama ang kaniyang mga kapatid na
babae, siya ay nagtatrabaho sa isang pagawaan ng
bubble gum bilang mga tagapagbalot. Nagsilbi itong
daan upang kahit paano'y makatulong sa pagbabayad ng
gastusin sa kanilang bahay.
Nagtrabaho din siya sa isang pagawaan ng mga sigarilyo
kung saan tinatanggal nila ang mga papel na nakabalot dito upang mapalitan ng bago. Sa
halagang limang sentimo bawat pakete ng sigarilyo, naisipan ni Socorro na umupa ng mga bata
sa kanilang lugar upang magbalat din ng pakete ng sigarilyo. Binibigyan niya ng sahod na
limang sentimo sa bawat dalawang pakete ang mga bata.
Pagsisimula
Nagsimulang magtrabaho si Ramos noong 1940 sa edad na 18 bilang tindera sa isang tindahan
ng aklat ng kanyang nakatatandang kapatid. Kahit magkadugo, itinuring siyang isang normal na
empleyado ng kuya niya sa Goodwill Bookstore, na isang sumisikat na tindahan ng babasahin
noong mga panahong iyon. Dahil sa kanyang husay sa pag-eengganyo sa mga mamimili, ginawa
siyang tagapamahala ng tindahan kalaunan.
Munting Negosyo
Bagama't matagal nang pinapangarap ni Ramos na magkaroon ng sarili niyang tindahan ng aklat,
nagkaroon lamang siya ng lakas ng loob na pasukin ang pagnenegosyo nang kanyang
mapangasawa si Jose Ramos. Sinimulan ng mag-asawa ang isang maliit na tindahan sa Escolta at
nagbenta ng mga kalakal, nobela, at mga aklat at mga GI novels. Simula noong 1942,
pinangalanan nila ang kanilang munting tindahan bilang National Bookstore.
Hindi sapat ang pera ng mag-asawa upang makakuha ng katuwang sa kanilang tindahan kaya't
inako lahat ni Socorro ang gawain. Siya ang tumayong tagapamahala, kahera, tindera, taga-lista,
at dyanitor. Naging maayos ang takbo ng pagtitinda ng mag-asawa ngunit nang magsimula ang
digmaan, naging mahigpit ang mga awtoridad sa mga regulasyon sa pagtitinda lalung-lalo na ng
mga babasahin. Marami ang nagsara ng kanilang negosyo at may ilang nagpalit ng itinitinda.
Mula sa pagbebenta ng mga babasahin, pumunta sa pagbebenta ng mga sabon, kandila, at
tsinelas ang mga Ramos.
Nang matapos ang Panahon ng Hapon, nagsimula muli ang pamilya Ramos sa kanilang negosyo.
Nagtayo sila ng barung-barong sa kanto ng Soler at Avenida at kaagad na nagsimulang magtinda
upang umabot sa pagbulusok ng mga negosyo sa pagtatapos ng digmaan. Muli, nagtinda sila ng
mga kalakal, nobela, pad paper, at iba't iba pang babasahin kasabay din ng muling pagbubukas
ng mga paaralan (matatandaang sarado ang mga paaralan noong may digmaan sa Kamaynilaan).
Dumami nang dumami ang mga mamimili sa tindahan ng mga Ramos at bilang sagot sa tumaas
na bilang nito, nagdagdag ng paninda ang mga Ramos. Pinalago na nila ang kanilang mumunting
negosyo sa pagtitinda ng mga gamit pang-eskwela.
Mga Parangal
Naging isang inspirasyon ang tagumpay ng National Bookstore sa maraming mga Filipino na
nagnanais magsimula ng negosyo. Kaya naman, ang husay ni Nanay Coring ay ilang beses na
ring nagbigyan ng pagkilala at noong 1991, tinaggap niya ang Agora Award ng Philippine
Marketing Association. Kasunod nito, taong 1988, tinanggap niya ang Gintong Ina Award for the
Business and Industry Sector mula kay dating Pangulong Corazon C. Aquino.
Kabilang din sa kaniyang mga natanggap na parangal ay ang mga sumusunod: Legacy Award na
iginawad ng Book Development Association of the Philippines noong 2004, Maverick Awards
ng Association of Accredited Advertising Agencies noong 2002. Iginawad din sa kaniya ng The
Book Development Association of the Philippines noong taong 2000 ang Millennium Plaque of
Appreciation at ang kaniyang asawa na si Jose T. Ramos ay tumanggap naman ng post-humous
award.
Noong taong 2004, binigyang parangal siya ng Ernst and Young bilang Entrepreneur of the Year
Philippines at Woman Entrepreneur of the Year. Noon namang 2006, iginawad sa kaniya ng
Ateneo de Manila University ang Doctor of Humanities (honoris causa) degree isang
tagumpay para sa isang babae na nakatapos lamang ng hayskul.


Socorro Cancio Ramos

You might also like