You are on page 1of 2

Sa Loob ng Buwan

By: Crispulo Tumambing


Noong araw, sa isang malayong nayon, nakatira ang mga mamamayan nito nang matiwasay.
Simple lamang ang kanila ikinabubuhay ngunit Masaya ang mga ito. Tahimik ang nayon na iyon at
walang kahit anong karahasan ang nangyayari. Ang mga mamamayan nito ay tila masayahin at
matutulungin.
Isang araw, isang malakas at takot na sigaw ang sumira sa katahimikang iyon ng nayon. Isa-
isang nagsilabasan ang mga tao upang alamin ang dahilan ng pagsigaw na iyon. Isang balat ng aso ang
sumalubong sa kanila. Patay na ito at wala nang lamang loob. Balat na lamang ang makikita rito. Hindi
maipaliwanag kung ano ang may kagagawan nito.
Lumipas pa ang mga araw at napagtanto nila na nangyayari ito matapos ang gabi kung saan
kabilugan ng buwan. Di naman malaman ng mga tao kung ano ang dahilan ng pagkuha sa mga lamang
loob na iyon ng mga hayop. Tama, mga hayop. Magmula kasi nang mabalitaan ang tungkol sa unang
biktima ng kung anong halimaw na ito ay wala nang naglakas loob na lumabas pagpatak ng dilim. Lahat
ay takot matulad sa mga kaawa-awang mga hayop.
Nagpatuloy ang ganoong mga pangyayari. Ngayon, pati mga alagang hayop ay pinag-iingatan na
ng mga taga-nayon. Ang dating maayos at matiwasay na nayon ay bigla na lamang nabalot ng takot at
pag-aalala.
Samantala, isang grupo ng mga kabataan ang naglakas-loob na nangakong huhulihin ang may
sala. Kaya naman, sa paghahanda para sa sunod na kabilugan ng buwan, gumawa sila ng isang plano
upang mahuli ang halimaw na ito. Ayon, sa mga obserbasyon nila, sa tuwing sasapit ang kabilugan ng
buwan, lalabas ang nasabing halimaw at naghahanap ng bibiktimahin. Ngunit, marami pa rin silang di
nalalaman tungkol dito. Tulad na lamang nang kung saan nagmumula ito? Ano ang itsura nito? Paano ito
naghahanap ng biktima? Kaya naman, naisip nila ang maghanda ng isang pain para dito.
Lumipas ang mga araw at dumating na rin ang pinakahihintay nilang kabilugan ng buwan.
Napapayag nila ang isang residente ng naturang nayon na gamitin nila ang isa sa mga alagang aso nito
upang gawing pain. Di nagtagal, sumapit na ang dilim, ang mga kabataan ay nagtago sa isang bahay na
makakasigurado ng kanilang kaligtasan at kung di man, handa naman silang labanan ang nasabing
halimaw. Sa tapat na nasabing bahay, nakatali ang pain nilang aso. Sumapit ang kabilugan ng buwan at
napansin nilang napatingin sa itaas ang aso. Mababakas ang takot sa mga mata nito. Sinundan nila ang
tingin nito at natanaw nila ang isang karumal-dumal na halimaw na nagmula sa buwan. Ang lalong
ikinagulat ng mga ito ay nang makita nilang nabiyak ang buwan sa dalawa na para bang doon nagtatago
ang halimaw kapag hindi ito nambibiktima.
Nakita nilang palusob na ang halimaw sa pain nila. Agad namang nagsikilos ang mga kabataan
upang agad na mapaslang ang halimaw. Kanya-kanya silang kuha ng patalim at pinantayan din nila ang
bilis na taglay ng halimaw. Di naglaon, nahuli nila ito gamit ang patalim. Hindi na pinalagpas ng ibang
kasama nila ang pagkakataon at agad na tinapunan pa ito ng maraming patalim. Narinig nila ang
malakas na alingawngaw nito. Nangyari naman ang di nila inaasahan. Ang halimaw ay bigla na lang
nanigas na parang bato, unti-unting nadurog, at ang abo nito ay naglaho. Nagising naman ang mga taga-
nayon dahil sa narinig na mga ingay. Noong una ay nag-aalinlangan pa ang mga tao dahil na rin sa takot
ngunit napagdesisyunan din nila sa huli na lumabas at tingnan kung ano na ang nangyayari.
Nakita nila ang mga kabataang nangakong huhulihin ang halimaw na kanilang kinatatakutan.
Bakas sa mga mukha nila ang pagkabigla ngunit di naman malaman ng mga taga-nayon ang dahilan
nito. Napansin nilang napatingin ang mga ito sa buwan na kasalukuyang sumasara. Pagtatanong ang
mababakas sa mukha ng mga tao ngunit mas pinili na lamang nilang manahimik.
Ang katahimikang naghari ay nabasag ng isa sa mga matatapang na kabataan, Sa tingin po
namin, di na ulit tayo magagambala ng halimaw na iyon.
Tila nakahinga ng maluwag ang mga residente at nagpugay sila. Mula noon, naibalik ang dating
sigla at katahimikan sa nayon. Kung saan at kung anong nangyari sa halimaw, di na nila nalaman pa.

Submitted by:
Charizza Fe T. Malonzo
BSA 1A

You might also like