You are on page 1of 10

Wikang Filipino Wika sa Globalisasyon

ni: Tereso Tullao, Jr., Ph.D.




Buod
May papel ba ang wikang Filipino sa harap ng laganap na
globalisasyon na naglalayong pag-isahin ang ibat ibang aspekto
ng buhay sa buong mundo tungo sa isang bilihan, sa isang
pamantayan, sa isang wika? May malakas na sigaw tayong
naririnig na kinakailangang paunlarin ang ating kaalaman sa
wikang Ingles dahil ito ang wika ng komersyo, wika ng
siyensya, wika ng makabagong teknolohiya; samakatuwid, ang
wika ng globalisasyon. Ang ganitong pananaw ay naniniwala na
ang kaalaman sa wikang Ingles ng ating mga manggagawa ay
isa sa mga pangunahing batayan ng ating pagiging kompetitibo.
Ang kaalaman sa wikang Ingles ang dahilan ng ating
komparatibong kalamangan sa kalakalang internasyonal. Sa
kabilang banda, ang sanaysay ay naghahamon sa pagtatanghal at
pagpapaunlad ng wikang Filipino bilang wika sa globalisasyon
para sa mga nakararaming Filipino. Kahit na ang proseso ng
globalisasyon ay nagsasanib, ang kakayahan nitong maghati ay
nagbabantang mahiwalay ang maraming Filipino sa mga biyaya
ng globalisasyon. Upang mangibabaw ang epekto ng pagsasanib
kaysa epekto ng paghahati, higit na episyente na maging susi
ang wikang Filipino bilang wika sa globalisasyon. Ang layunin
ay maisama ang dumaraming mamamayang Filipino na mas
nakauunawa sa wikang Filipino sa mga biyaya ng globalisasyon.


Ang Papel ng Wika sa Ating Lipunan
Mahalagang kasangkap ng panlipunang kapital ang wika na ang gamit ay
gawing episyente o mabisa ang mga transaksyon sa isang ekonomiya. Dahil ito
ay instrumento na namamagitan sa mga tao, may kakayahan itong maging susi
sa integrasyon ng isang lipunan. Subalit kung ang lipunan ay pinamumugaran
ng maraming wika, o may nangingibabaw na wika sa paligid ng maraming
wika, hindi nagagampanan ng wika ang kakayahan nitong pag-ugnayin ang mga
tao, mga sektor, mga lugar sa isang lipunan. Samakatuwid, di episyente ang
mga transaksyong ekonomiko. Ang ganitong kalakaran ay maaaring maging



sanhi sa mabagal na pagsulong bunga ng magastos na paggamit ng mga
produktibong sangkap.
Ang kritisismo sa wikang Ingles sa kakayahan nitong maging
mahalagang sangkap ng panlipunang kapital ng Filipinas ay hindi nakabatay sa
dahilang ito ay isang dayuhang wika. Kahit pa tinatanggap na ang wikang
Ingles bilang nangingibabaw na wika sa larangan ng pulitika, batas, ekonomiya,
at kultura sa bayang ito, hindi naman nito napag-uugnay ang lahat ng mga
mamamayan sa kanilang pakikilahok sa mga nabanggit na aspekto ng lipunan.
Hindi rin pinagdududahan ang wikang Ingles dahil ang pangingibabaw nito ay
nakabaon sa pagiging wikang ginagamit ng mga naghaharing-uri, namumuno,
kumokontrol at nagpapalakad ng ating lipunan. Ang alinlangan sa wikang
Ingles ay nagmumula sa pagiging wikang di mapag-ugnay, wikang
mapaghiwalay, at wikang naghahati ng mga sektor at mamamayan. Kung ang
wikang Ingles ay tunay na mapag-ugnay at nagiging daan sa episyenteng
pamagitan ng mga transaksyon, hindi mahalaga ang pagiging dayuhan nito o
kung ito ay ginagamit ng mga naghaharing uri dahil may panlipunang halaga pa
rin ito sa mga nasasakupan dahil sa pag-unawa nila rito nagagamit ito sa
kanilang mga transaksyon. Kung ito ang nangyayari, masasabi nating tunay na
ngang mahalagang sangkap ng ating panlipunang kapital ang wikang Ingles.
Ang wika ay hindi lamang isang instrumento na nag-aayos at
namamagitan, ito ay rin ay instrumento na nagpapatatag at nagpapaunlad sa
isang lipunan. Tulad ng nabanggit na, inaayos ng wika ang mga transaksyon ng
mga tao upang magawa at magamit ang mas malawak na yaman. Ang maayos
na transaksyon ay nauuwi sa mabisang paggamit ng mga yaman ng isang
lipunan at nakapagbibigay daan tungo sa pinakamataas na antas ng kagalingan
habang tinutugunan ang mga pangunahing kagustuhan ng mga tao.
Samantala, ang katatagan ng isang ekonomiya ay natatamo kapag ang
mga resulta ng mga transaksyong nagpapalawak ng yaman ay tumutugma sa
mga resulta ng mga transaksyong gumagamit sa mga yaman. Alam natin ang
papel na ginagampanan ng pamahalan at ng bilihan upang mapatatag ang ibat
ibang presyo ng mga yaman sa isang lipunan. Ngunit may mahalagang papel
din ang kultura upang mahimok ang mga mamimili ng sari-saring produkto at
serbisyo na itugma ang kanilang kagustuhan sa harap ng kapos na yaman. Sa
kabila ng mga patakarang fiscal, monetaryo at pagpapalitan ng salapi, nariyan
din ang paghahamon at paghihikayat sa ating mga mamayanan na
magsakripisyo, magtipid, magbayad ng buwis upang matugunan ang katatagang
ekonomiko. Ang wikang nauunawaan ng nakararami at hindi ang wikang
nangingibabaw ang higit na mabisang gamitin upang maabot ang
pinakamaraming mamamayan na tutugon sa problema ng katatagang
ekonomiko.
Tignan natin ang lakas at bisa ng paggamit ng wikang Filipino. Marami
sa ating kababayan ang may negatibo o halos walang kaalaman sa diwa ng



WTO, APEC at AFTA nang ito ay tinatalakay sa wikang Ingles ng mga lider ng
pamahalaan. Ang Value Added Tax (VAT) ay hindi rin maunawaan ng mga
ordinaryong mamamayan dahil iilan sa ating mga pinuno sa BIR ang kayang
ipaliwanag ito sa wikang Filipino. Ngunit nang magbuhos ng maraming
anunsyo ang pamahalaan sa pagpapaliwanag tungkol sa APEC at VAT na
isinulat sa wikang Filipino, marami ang nakaunawa at humina ang sigaw ng
pangamba at pagrereklamo ng mga mamamayan.
Mahalaga rin ang papel ng wika sa mobilisasyon ng mga mamamayan
tungo sa kaunlaran. Hindi lamang mabisa ang wika sa agarang mobilisasyon,
nagagamit rin ito sa pagtugon sa mga isyung pangkaunlaran tulad ng
populasyon, pagkasira ng kapaligiran, pagpopondo ng kaunlaran,
pagnenegosyo, pagbabayad ng tamang buwis, pagpapataas ng produktibidad at
marami pang iba. Ang wika ay magagamit upang mapalawak ang kapasidad ng
ekonomiya na makalikha ng yaman sa mga susunod na henerasyon.
Halimbawa, sa pag-anyaya sa ating mga kababayang kapos sa mga
kinakailangang yaman, ang wika ng nakararami ang ginagamit upang
maunawaan nang lubusan na ang pagnenegosyo sa halip na pagiging empleyado
ang angkop na istratehiyang pangkabuhayan para sa kanila.
Ang mahalagang papel ng wika sa pag-aayos, pagpapatatag at
pagpapaunlad ng ekonomiya ay nakapaloob sa layuning itanghal ang
integrasyon ng ekonomiya. Subalit, may dalawang uri ng integrasyong
hinaharap ang isang ekonomiya: ang integrasyong panloob at integrasyong
eksternal. Ang bawat uri ng integrasyon ay may angkop na pamagitang wika na
ginagamit upang malasap ang mga biyaya ng integrasyon.

Integrasyong Panloob
Sa isang sanaysay may isang dekada na ang nakalilipas, inilarawan ko
ang kahinaan o kawalan ng integrasyon ng ating lipunan na nagdudulot ng
malaking sagabal sa ating mabilis na pag-usad bilang isang ekonomiya, isang
bayan at isang lipunan. Naririyan ang mahigit sa pitong libong pulo na
pinaghihiwalay ng malalawak na karagatan. Kung minsan dahil sa kawalan ng
sapat ng paraan ng transportasyon, ang hiwa-hiwalay na mga pulo ay nauuwi sa
mabagal na kalakalan sa pagitan ng mga isla. Kung tayo ay isang buo o pinag-
isang ekonomiya bibilis ang daloy ng palitan ng produkto at serbisyo sa pagitan
ng mga pulo na siyang magpapalawak sa dagdag na yaman sa ating ekonomiya.
Sa larangan ng ekonomiks, ang formal at impormal na sektor ay nauuwi
sa dalawahang ekonomiya, magkahiwalay at mahina ang kapit sa isat-isa. Ang
duwalismong ito ang isa sa mga sagabal sa ating pag-usad.
Nariyan din ang agwat sa kultura na lumalabas sa wikang nangingibabaw
at sa kulturang kanluranin na katapat ng naiibang kulturang bayan na ang gamit
ay ang wika ng masa. Ang agwat ng magkahilerang kultura ay makikita rin sa
ng paggamit ng wikang Ingles sa mga pamantasan, komersyo at pulitika



samantalang ang paggamit ng Filipino at iba pang katutubong wika ay
sumasakop lamang sa mga impormal na diskurso at usapin.
May agwat din sa larangan ng pulitika sa ating bayan. Ang kanluraning
sistema ng demokrasya ay tinatapan ng impormal na pulitika ng personalidad.
Magkahiwalay ang pulitika ng isyu sa pulitika ng mga sikat. Kahit sa
pagpapatupad ng batas, kung minsan ay ginagamit pa rin natin ang pamamaraan
ng kakilala kaysa sa pagtupad sa mga umiiral na regulasyon, patakaran, batas,
regulasyon at probisyon ng Konstitusyon.
Marami, ibat iba ang antas at lalim ng agwat sa pagitan ng dalawang
magkasalungat na panuntunan sa ibat ibang aspekto ng ating lipunan. Ang
agwat na ito ang isa sa mga sanhi kung bakit mahina ang ating lipunan lalo na
sa kaayusang ekonomiko. Dahil sa luwang ng mga agwat na ito, hindi
mahihigpit ang mga koneksyon ng ibat ibang aspekto ng buhay na nauuwi sa
kahinaan sa pagtugon sa mga layunin ng isang lipunan. Bunga ng mga agwat na
naghihiwalay sa mga sektor, ang kakayahang mapataas ang pambansang
yaman ay kumikitid. Dahil din sa agwat na ito, nagiging mahina ang pundasyon
sa katatagan at kaunlaran.

Globalisasyon, ang integrasyong eksternal
Ang globalisasyon ay mailalarawan bilang mga samut-saring proseso na
naglalayong mapag-isa ang ibat ibang networks ng mga networks sa buong
mundo sa pamamagitan ng kompetisyon, pakikipag-ugnayan (inter-koneksyon)
at pagtutulungan (inter-dependence). (Tullao, 2001). Ang kasalukayang
prosesong ito ay bumabalot at nagpapabago sa lahat halos ng antas ng buhay at
lipunan sa ibat ibang lugar sa buong mundo. Ang lawak, lalim at bilis ng
paggalaw ng mga produkto, kapital, kaalaman at mga tao sa pagitan ng mga
bansa ang nagpalawak sa kasalukuyang gamit ng konsepto ng globalisasyon.
Dahil dito, ang globalisasyon ang isa sa pinakalantad na realidad sa
kasalukuyan na nakaapekto sa ibat ibang bahagi ng buhay at ito ang
pangunahing dahilan na nagbibigay ng bagong batayan at katuturan sa
umuusbong na papel ng mga indibidwal, institusyon at istruktura sa isang
lipunan.
Ang konsepto ng globalisasyon ay isang paradokso dahil maraming
kaakbay na kontradiksyon ito. Sa kabila ng pagiging mapagsanib nito, ito ay
nagdadala rin ng paghihiwalay bilang katapat na sakripisyo. Kahit na ito ay may
kakayahang mag-ugnay, ito ay rin ay mabilis sa tumatanggi sa mga hindi handa
at hindi karapat-dapat. Kahit na ito ay lumilikha ng pamantayang global,
nauuwi ito sa di-pantay na pakikinabang sa proseso. Samakatuwid, sa paglayon
nitong matamo ang pinag-isang mundo lumilikha ito ng duwalismong
internasyonal at marami itong nasasaktan sa proseso ng integrasyon.
Sa larangan ng produksyon, ang pangingibabaw ng pamantayang
episyenteng pamamaraan, nawawalan ng trabaho ang mga manggagawa at



nayayapakan ang mga industriyang hindi kayang makipagtunggali sa
pamantayang internasyonal.
Sa pagtatanghal ng pinag-isang pamantayan at ang unti-unting paglalatag
ng isang pamahalang global, ang mga bansa ay nawawalan ng kapangyarihan at
humihina ang kanilang kasarinlang gumawa ng mga regulasyon sa loob ng
kanilang sinasakupang teritoryo.
Ang mga daang ginagamit upang mapag-ugnay ang mga networks sa
produkto, kapital, teknolohiya at kaalaman ay ang parehong daang ginagamit ng
ibat ibang sektor upang ilantad ang mga di-pantay, di-inaasahan at mga
sistematikong panganib na ibinubunga ng globalisasyon habang pinag-uugnay
ang mga networks. Ang mga networks na nag-uugnay ay ang mga daan ding
ginagamit upang magkabuklod ang ibat-ibang sektor sa ibat ibang sulok ng
daigdig upang tutulan ang patuloy na globalisasyon dahil sa bigat ng mga
ibinubungang sakripisyo nito.
Dahil sa bilis ng pagsulong sa information technology, maraming tao sa
buong mundo ay nakakukuha ng informasyon na mas mabilis pa sa kidlat.
Subalit ang ganitong pag-uugnay sa informasyon ay nagpalawak din ng
dibisyon sa kakayahang makakuha ng informasyon at sinasagi ang mga
indibidwal, sektor at mga bansa bunga ng limitadong yaman at kakayahang
makibahagi sa network sa informasyon.
Sa larangan ng kultura, pinag-iisa ang mundo sa pamamagitan ng
pagtatanghal ng isang pandaigdigang kultura, kaayusan, gawi, sistema ng
estetika at kung minsan ay pati wika. Ang wikang ginagamit sa mga
transaksyon sa globalisayon ay unti-unting kumikitid sa iilang wika sa
pangunguna ng wikang Ingles.
Batay sa mga kontradiksyong nabanggit, ang isang timbang na pananaw
sa globalisasyon ay kinakailangan upang maunawaan ang mga di pantay na
resulta ng di mapigilang kasalukuyang realidad. Ang influwensya ng pulitika,
ekonomiya, nagbabagong ideya at papalakas na kamulatang panlipunan at
pangkapaligiran ay mga pwersa na pagpapasulong o hahadlang tungo sa isang
timbang na pamamahala ng globalisasyon.

Wikang Filipino at ang Integrasyon
Ano ang papel ng wikang Filipino sa kapaligirang may dalawang uri ng
integrasyong hinaharap ang ating lipunan? Walang duda na sa larangan ng
integrasyong panloob binanggit na natin ang mga pangunahing papel ng wikang
nauunawaan ng nakararami sa pag-aayos, pagpapatatag at pagpapaunlad ng
ekonomiya. Ang pananaw na ito ay lumilihis sa pananaw na ang wikang
Filipino ay ginagamit lamang upang itangghal ang nasyonalistikong damdamin.
Samakatuwid, ang integrasyong kultural ang tanging matatamo sa paggamit ng
wikang Filipino. Ipinahihiwatig din ng pananaw na ito, sa larangan ng
komersyo, batas, at pulitika ang nangingibabaw na wikang Ingles ang dapat pa



ring pairalin kahit na mahina ang kakayahan nitong pag-isahin ang mga
nabanggit na duwalismo sa ibat ibang aspekto ng lipunan
Ang pananaw na ito ay tinatanggihan ko dahil naniniwala ako na sa harap
ng duwalismo sa ating lipunan may halagang ekonomiko ang wikang Filipino
na ginagamit sa mga transaksyon ng mas nakararaming Filipino. Dahil ito ang
wikang ginagamit ng informal na sektor, ang malawakang paggamit nito ay
may makabuluhang halaga sa pag-aayos, pagpapatatag at pagpapaunlad ng
ekonomiya. Sa aking palagay, ang pagpapatupad ng pananaw na walang
halagang ekonomiko ang wikang Filipino ang isa sa mga dahilan kung bakit
mahina ang integrasyong panloob na nauuwi naman sa mabagal nan pag-usad
ng ating ekonomiya. Sa harap ng kahinaan ng wikang Ingles na pag-ugnayin
ang lipunan, bakit ayaw nating bungkalin ang potensyal ng wikang Filipino na
mapakitid, kung di man isara, ang mga agwat sa ating duwalismong lipunan.
Sa integrasyong eksternal, ang mga tagapagtaguyod ng globalisasyon ay
sumisigaw na kinakailangan ang pag-aaral at pagsasanay sa wikang Ingles dahil
ito na ang nagiging wika ng kalakalang internasyonal at ang wika ng
globalisasyon. Hindi ko minamaliit ang ganitong pananaw o ipinagkakait na
may katotohanan ang ganitong paniniwala. Ang aking pangamba sa pananaw na
ito ay baka lalong maging mapaghiwalay o mapaghati sa halip na maging
mapag-isa ang proseso ng globalisasyon kung hindi natin pauunlarin ang
wikang Filipino bilang wika sa globalisasyon. Papaano naman nakasasali sa
proseso ng globalisasyon ang napakaraming mamamayang Filipino kung hindi
sila marunong at bihasa sa wikang Ingles? Sila ay magiging halimbawa na
isinasantabi ng globalisasyon dahil hindi sila nakikihalok sa pagtanggap ng
mga biyaya nito.
Sa aking palagay sa harap ng globalisasyon, higit na kailangan ang
integrasyon internal upang mapalakas ang kakayahan nating makipagtunggali
sa kalakarang global. Ang malakas na integrasyong panloob din ang
magpaparami sa mga mamamayang makikisangkot sa mga benepisyo ng
globalisasyon. Samakatuwid, kinakailangang pasiglahin, pagyamanin at
palakasin natin ang panloob na yaman upang makipatunggali, at makinabang sa
mga benepisyo ng globalisasyon at integrasyong eksternal. Ang malakas ng
integrasyong panloob ang panlaban natin sa kultura ng eksklusyon ng
globalisasyon na pumapatid sa mga mahihina at di kompetitibo.
Nangangahulugan ba ito na isasantabi na natin ang wikang Ingles? Sa
harap ng isang baylingwal na kultura, kahit gustuhin natin hindi na natin
maaaring itapon pa ang wikang Ingles. Nasa atin na ito kayat pagyamanin natin
ito at gamitin natin ito sa ating integrasyong eksternal. Ngunit kakailanganin at
dapat din nating pagyamanin ang antas ng kaalaman sa ibat ibang disiplina sa
wikang Filipino upang maging instrumento ito sa pagpapakitid ng mga agwat sa
pagitan ng mga mamamayan sa ibat ibang aspekto ng lipunan.



Malaki ang papel na ginagampanan ng mga intelektwal sa gawaing ito.
Kinakailangan maunawaan ng mga ordinaryong mamamayan ang mga
prinsipyo at konsepto sa wikang alam nila nang makisangkot sila sa proseso ng
globalisasyon.
Halimbawa, sa pagtatanim o pag-aalaga ng hayup, kahit hindi marunong
ng Ingles ay magiging produktibo pa rin ang mga mamamayan dahil
naunawaan nila ang mga makabagong pamamaraan sa pagtatanim at pag-
aalaga ng hayop sa wikang nauunawaan nila. Ang mga makabagong
proseso ng produksyon ay ipinaliliwanag sa mga produktibong
manggagawang Thai, Tsino, at Taiwanese sa wikang lokal kayat madali
nilang itong naipatupad. Kung Ingles ang mamamayani sa atin, ang mga
aral lamang ang agarang makagagamit ng benepisyong ito. Kaya, kung
maisasalin o maipaliliwanag ng mga intelektwal na Filipino ang mga
makabagong teknolohohiya sa wikang Filipino, magiging malaganap ang
paggamit ng teknolohiya at may potensyal na tumaas ang pambansang
kita.
Sa larangan ng medisina at kalusugan, madaling mauunawaan ng mga
ordinaryong Filipino ang mga paraan ng pangangalaga sa sarili at panggagamot
kung ito ay naipaliwanag sa wikang Filipino.
Sa larangan ng batas, kung maipaliliwanag ito sa wikang nauunawaan ng
mga ordinaryong mamamayan, marami ang makauunawa sa kanilang karapatan
at mga obligasyon bilang mamamayan.
Sa larangan ng pananalapi, kung maipaliliwanag ang ibat ibang
istrumento ng pag-iimpok at dahilan ng pamumuwis, baka kaunti na lamang
ang magrereklamo sa kakulangan ating pamahalaan at madaling maibubungkal
sa kanilang isipan ang mga biyaya ng pagsisikap at pagnenegosyo
Batay sa direksyon ng ating demographiya, dumarami na ang mga
Filipinong nakauunawa sa wikang Filipino batay sa Tagalog. Ito ang nagiging
lingua franca ng maraming Filipino. Subalit kahit marami ang nakauunawa nito,
matatagalan pa ang lalakarin upang maging tunay na intelektwalisado ang
wikang Filipino at baka abutin pa ng 100 ayon kay Bonifacio Sibayan. Ngunit
kailangang simulan na ang unang hakbang ngayon.
May mga taong nagsasabing ang papapaunlad ng wikang Ingles ay isang
paghahanda para hindi tayo maisantabi ng proseso ng globalisasyon. Ang
wikang Ingles nga ba ang susi sa ating integrasyong eksternal? May sapat bang
batayan ang pangangamba ng ilan na pinahihina natin ang Ingles dahil
ginagamit natin ang wikang Filipino sa pagsasaalita? Mawawalan na nga ba ng
komparatibong kalamangan ang mga Filipino sa bilihang internasyonal sa
paglaganap at paggamit ng wikang Filipino? Ito ang mga tanong ng mga
tumututol sa pagpapaunlad ng wikang Filipino.
Kung ang wikang Ingles ang batayan ng ating kompetitibong
kalamangan, bakit higit na mabilis ang pag-unlad ng Thailand, Tsina at



Vietnam kung ihahambing sa ating ekonomiya gayong hindi naman bihasa sa
Ingles ang kanilang mga manggagawa? Hindi Ingles ang dahilan ng kanilang
masiglang ekonomiya bagkus maaaring ituro ito sa kanilang mahigpit na
integrasyong panloob. Samantala, ang kahinaan ng integrasyon ng ating
ekonomiya ang sanhi ng ating mabagal na pag-usad.
Naririto sa atin ang mamahuhusay na manager, sanay sa wikang Ingles
ngunit ang mga tauhan, manggagawa at tagasunod nito ay pawang gumagamit,
dahil mulat, ng wikang Filipino. Papaano makukuha ang tamang timbre at tono
ng isang musika gayong hindi magka-akma ang mga namumunong konduktor
sa mga tagasunod na musikero?
Ang dapat nating ipangamba ay ang kawalan ng interes ng mga
intelektwal sa bayang ito na paunlarin ang wikang Filipino sa harap ng
paglaganap at pagtanggap ng maraming mamamayan sa wikang Filipino sa
paglipas ng panahon at sa ibat ibang sektor at lugar sa ating bansa.
Tulad ng nabanggit ko na, ang papel ng mga intelektwal ay mag-aral,
magsalita, magsalin at magsulat sa wikang Filipino. Ang ganitong hamon ay
hindi upang itakwil ang Ingles ngunit upang mabisang mailipat ang mga biyaya
ng siyensya, makabagong teknolohiya, gawi, at kultura sa wikang madaling
maunawaan ng nakararaming Filipino. Nasisiyahan na ba tayo na 30% lamang
ng ating mga kababayan ay nakauunawa sa wikang Ingles at wala tayong
ginagawa sa katotohanang mahigit sa 90% ng mga Filipino nakauunawa sa
wikang Filipino? Malaki ang papel ng mga intelektwal sa bayang ito upang
maging susi sa integrasyong internal. Sa pagbubungkal nila ng kanilang
profesyon at disiplina sa wikang Filipino, posibleng mapag-ugnay ang hiwa-
hiwalay nating lipunan at madali nang maidadala sa mga Filipino ang
integrasyong eksternal.
Dahil dito ang pagpapayaman at pagpapalawak ng wikang Filipino bilang
wikang intelekwalisado ay magiging wika sa globalisasyon. Ang wikang
Filipino ang magiging tagapamagitang wika upang maunawaan at makilahok
ang marami nating mamamayan sa proseso ng globalisasyon.
Samantala ang pagtataguyod ng Ingles sa harap ng maraming Filipinong
hindi nakauunawa nito ay isang mapaghiwalay at di episyenteng pamamaraan.
Ang mga dati nang nakikinabang sa globalisasyon ay sila pa rin ang patuloy na
makikinabang sa prosesong ito.
Mayroon akong mga espesipikong hamon sa departamento ng Filipino sa
ating pamantasan. Kung hindi maisasagawa ng mga taga departamento ng
Filipino ang pagsasalin, dalawang bagay ang kanilang magagawa. Una,
makipag-ugnayan at makipagtulungan sa mga intelektwal ng mga ibat ibang
disiplina sa unibersidad at pagtulungan ang pagsasalin ng mga obra maestra sa
ibat ibang displina. Ikalawa, kung walang makukuhang espesyalista, ang mga
tagapagsalin ay dapat mag-aral ng mga displina hanggang sa masters level.



Higit pa sa pagsasalin, ang mga bagong teorya, imbensyon, kalakaran sa
isang displina ay dapat nang matutunan at maibahagi sa mga ordinaryong
Filipino at estudyante upang matutunan nila ang makabagong kaalaman sa
bawat disiplina. Kasama rin ang paglalathala ng mga pananaliksik sa disiplina
ay dapat isulat sa wikang Filipino.
Ang aking ipinagpapalagay dito ay mananatiling Ingles ang
mangingibabaw na wika sa ating bansa. Marami pa ring intelektwal ang mag-
aaral, nananaliksik at magsusulat sa wikang Ingles. Subalit ang mga intelekwal
ding iyan ay dapat ding mahasa sa pagsusulat at paglalahad sa wikang Filipino.
Kung ang papel ng Ingles ay mapag-uugnay tayo sa bilihang
internasyonal at matamo ang integrasyong eksternal, ang magagawa ng
pagpapaunlad ng Filipino ay mapalakas ang ating integrasyong internal. Dahil
na rin sa pagiging baylingwal ng mga Filipino, mauuwi ito sa pagpapalakas ng
integrasyong eksternal at internal. Ang pagtugon sa dalawang uri ng
integrasyon ay maaari ring gawin ng wikang Ingles ngunit sa aking paniniwala,
hindi episyente ito at mahirapan ang Ingles, kahit na ito ay ang nangingibabaw
na wika, bunga ng kasalukuyang duwalismo sa ating lipunan.


Kongklusyon
Ang pagpapaunlad ng wikang Filipino ay isinusulong dahil sa tatlong
pangunahing dahilan. Una, malawak ang gamit ng wikang Filipino hindi
lamang sa pagpapatingkad ng damdaming nasyonalistiko. Ikalawa, ang wikang
Filipino ay magagamit sa pag-aayos, pagpapatatag at pagpapaunlad ng
ekonomiya. Ikatlo, dahil may kakayahang mapalakas ng wikang Filipino ang
integrasyong panloob, may potensyal itong maging wika sa globalisasyon.
Sa isang bansang papaunlad na humaharap sa pwersa ng globalisasyon,
marami ang nagtatanong kung bakit kinakailangan pang paunlarain ang wikang
Filipino sa ibat ibang disiplina gayong mas kailangan nating matuto ng Ingles
na itinuturing wika ng kalakalang internasyonal. Hindi natin kinakaila at
tinatanggihan ang integrasyong eksternal ngunit isang pangunahing kundisyon
upang malasap nang lubusan ang mga biyaya ng globalisasyon ay ang lakas ng
integrasyong internal. Iilan lamang sa ating mga kababayan ang nakalalasap ng
mga biyaya ng globalisayon dahil sa mga kaalaman na natutunan sa wikang
Ingles samantalang marami sa ating mga kababayan ay nahihirapang
makisangkot bunga ng kawalan ng kaalaman. Ang ganitong sitwasyon ay isang
lantarang palatandaan ng kahinaan ng integrasyong internal.
Ang integrasyong internal ay mapalalakas kung ang kaalamang natutunan
sa wikang Ingles ay maisasalin sa wikang Filipino. Dahil dito higit na
maraming Filipino ang magkakaunawaan at mas marami din ang maaaring
makisangkot at makinabang sa biyaya ng globalisasyon.



Kung marami sana sa ating mga pinuno ng pamahalaan, intelektwal,
negosyante ay marunong magsalita at magpaliwanag ng mga bagay sa pulitika,
ekonomiya, kalakalan at relasyong internasyonal sa wikang Filipino, madaling
matatanggap ng mga mamamayan ang anumang panukala na nagmumula sa
pamahalaan, pwersa ng bilihan at makabagong teknolohiya. Ito rin ang
nagpapalakas ng integrasyong internal.
Tinatanggap natin na ang Ingles ay lalo pang lalaganap sa buong daigdig
bilang wika ng kalakalang internasyonal at wika ng iba pang larangan ng
lipunan. Ngunit sa paglaganap nito sa ating bansa lalo nating magagamit ito sa
ating kapakanan kung isasabay ito sa pagpapaunlad ng wikang Filipino.
Gamitin natin ang Ingles sa pagpapahigit ng ating integrasyon sa labas ng bansa
kasabay ng paggamit ng Filipino upang humigpit ang integrasyon sa loob ng
bansa. Ang mas mahigpit na integrasyong internal ay nauuwi sa pag-ani ng
mga biyaya ng integrasyong eksternal ng mas marami naitng mamamayan.
Dahil dito, hindi lamang nagiging wika sa globalisasyon ang wikang Filipino,
nagiging tunay na susi ito sa kaunlaran.

You might also like