You are on page 1of 4

Ang Wikang Filipino At Ang Paghabi Nito Sa Kamalayan Ng Mga Filipino

Bawat tao ay may kanya-kanyang reyalidad. Ang totoo para sa’yo ay


maaaring hindi totoo sa akin. Ang totoo sa akin ay posible rin naming hindi totoo
para sa’yo. Ngunit tayong lahat ay pinagkalooban ng wika, na nagdudugtong ng
mga reyalidad noon at ngayon.

Kung tayoy’ magbabalik sa nakaraan hanggang sa kasalukuyan nating mga


Filipino, mawawari natin ang katotohanan na di-pangkaraniwan, masalimuot, at
magulo ang pinagdaanan ng sariling wika natin sa ating mga kamay.

Mahalaga ang papel na ginagampanan ng wikang Filipino sa buhay nating


lahat. Walang taong makapagsasabi na ni minsan ay hindi siya gumamit ng kahit
ano mang anyo ng wika. Lahat ng uri o antas ng tao sa mundong ibabaw ay
ginagamit itong kasangkapan sa iba’t ibang larangan; pang-ekonomiya,
pampolitika, panrelihiyon, pang-edukasyon at panlipunan. Sa wika din
nasasalamin ang mga adhikain, pangarap, saloobin, damdamin, kaalaman,
pilosopiya, paniniwala, moralidad, at karanasan ng bawat isa. At binubuo ng wika
ang sining, panitikan, karunungan, kaugalian, at kinagawian na mga nagsisilbing
pundasyon ng ating kultura. Sa tulong ng wika, ang isang tao’y makapamumuhay
nang maayos at maigagapang niya ang kanyang sarili sa kanyang kapaligiran.
Mahalaga ang mga elementong aking nabanggit dahil sa kanila lumalawak at
nabubuo ang ating pagkatao.

Tunay nga na may laman ang sinabi ni Mr. Wittgeinstein na “The limits of
my language are the limits of my universe.” Tulad niya, ako ay naniniwala na
maliit ang uniberso ko kapagka limitado ang aking kakayahan sa paggamit sa
aking wika. Ang pagpapahayag ng ating mga kaisipan ay batay sa saklaw ng
ating kaalaman sa lengguwahe. Ang saklaw ng ating kaalaman ay ang siyang
humuhugis naman sa ating uniberso. Pinauunlad ng tao ang wika at ang wika din
naman ang nagpapaunlad sa tao. Nabubuhay tayo sa wika at ang wika ay
nabubuhay sa atin. Kung wala tayo, walang wika. Kung walang wika, walang
buhay.

Ang pagkakasilang ng wika ay nagbibigay buhay sa sibilisasyon; sapagkat


ito ang naghihiwalay ng tao sa hayop. Sa pamamagitan naman ng diksyunaryo,
ay nabawasan ang pagkilos at pagkumpas. Dahil sa wika, malinaw na
nailalarawan nang higit ang kakayahan at lalong nagiging makatwiran ang tao.
Ang abilidad ng tao na gamitin ang kanyang wika ay nagbibigay-daan upang
makasabay siya sa patuloy na pagbabago.

Mula sa ating pagsilang, kakambal na natin ang ating wika. Malalim at hindi
mapapantayan ang pagsasamang ito kung titignan. Higit pa sa isang umbilical
cord ang ugnayan ng tao sa kanyang wika.
Kapagka ikaw ay bata pa, sa mga mabababaw o maliliit na bagay lamang
umiikot ang mundo mo. Sa puntong iyon, aakalain mo na iyon na ang talagang
buhay. Aakalain mo na iyon lamang ang mga may halaga, nag-eexist, at totoo.
Ngunit sa iyong pagtanda, unti-unting mabubuksan ang iyong mga mata sa mga
katotohanan ng buhay. Sa madaling salita, ang tanging alam mo lamang at
pinapaniwalaan mo na totoo ang magpapagalaw sa mundo mo. Kung ano
lamang ang alam mo, ganoon lamang ang lawak ng uniberso mo. Kapagka mas
marami kang natutunan at konseptong tinanggap sa iyong buhay, natural na
kailanganin mo ng mas malaking espasyo para patuluyin ang mga ito. Walang
totoo sa iyo kung wala kang wika.

Ang buhay naman ng tao ay isang malaki at komplikadong sistema. Dapat


lahat balanse, angkop, pantay, at kumpleto dahil kung hindi, papalpak o
maaapektuhan ang kabuuan. Isa rin ito sa dahilan kung bakit tayo may wika. Ang
mga tao rin ay likas na naglilinang at nagpapayabong sa mga bagay na
makakatugon sa kanilang pangangailangan. Hindi na ito pinag-aaralan bagkus
ito’y kusang nabubuksan. Dahil sa mga tawag ng kalikasan, ang tao ay
nakakalikha ng wikang naaangkop sa kanilang mga pangangailangan sa buhay.
Sadyang nalinang ng tao ang kanyang kakayahan upang maibigay ang sarili sa
mundong iyon na punong-puno ng pakikibaka. Ang mga wika ay hindi basta-
basta na lamang sumulpot gawa ng ilang tao upang maiangkop sa iisang
layunin. Ito’y sistemang nabuo buhat sa patuloy na pagdagsa ng marami at
magkakaibang pangangailangan ng napakaraming tao. Samakatuwid, tayong
lahat ay mayroong wika sapagkat tayo ay may buhay na tinataglay, binabalanse
at mundong ginagalawan.

Nasabi ko na ang ugnayan ng wikang Filipino at ng mga Filipino. Ngunit


sino nga ba ang isang Filipino sa gitna ng makabagong buhay? Oo nga’t
maraming salita ang pwedeng gamitin upang ilarawan ang pisikal at pangloob na
kaanyuhan ng isang taong tinatawag na Filipino. Pero napakahirap bigyan ng
konkretong deskripyon kung sino nga ba tayo. Para sa akin naman, kapagka
binanggit ang salitang Filipino, hindi lang nito sinisimbolo ang isa bagkus ang
mga mamamayan na isinilang at nanggaling sa bansang Pilipinas. Ang mga
Filipino ay mga ordinaryong mamamayan na patuloy na sumasabay sa agos ng
buhay. Lahat tayo ay may adhikain na maging matagumpay, matiwasay, at
maging buo ang sarisariling buhay pati na rin ang bayan. Ang wikang Filipino ay
nagmimistulang isang malaking tipak na bato na kaya nating gamitin laban sa
malalakas na hampas ng karagutan. Tayong lahat ay mga manlalakbay na
patuloy na humahanap ng mga bagay na wala pa sa atin.

Sa ating mga pinagdaanan, marami-marami na tayong naduskibre. Isa ang


wikang Filipino sa ating mga nahanap. Kasabay ng paghusay at paglawak ng
kaalaman ng isang nilalang ang paglawak din ng kanyang mundo. Unti-unti rin
na lumalaki ang ating uniberso sa kabuuan at patuloy ang ating
intelektwalisasyon. Ang wika ay napakaraming kakabit na salita. At kakabit ng
mga salitang ito ang walang katapusang posibilidad. Sa paraang ito, nabubo ang
ating reyalidad. Subalit, ang reyalidad nating mga Filipino ay sadyang hindi
magkakasingkulay, hugis, at laki dahil sa mga pagkakaiba natin bilang mga tao.

Wika at Kaalaman. Sa paanong paraan nga ba nagiging posible na maging


maalam ang isang nilalang? Sa kapangyarihan ng wika. Ang mga ideya,
konsepto, kaalaman at iba pa ay gumagana sa makinarya ng ating isipan sa
tulong ng wika. Ang pakikipagtalastasan ay kinapapalooban ng wika at
simbolismo, maging ito’y sinasalita mismo buhat sa bibig, inukit sa bato o senyas
sa Morse code. Wika ang kahit ano mang nasa isip pa lamang natin kahit pa
hindi ito sinasalita. Nag-iisip tayo sa wika.

Ang wika ay dinamiko. Nagbabago ito kasabay ng pagbabago ng panahon


at pandaigidig na pagbabago. Ito ay dumedepende sa ating karanasan at
pamumuhay. Kasama natin sa mga masusukal at maliligayang paglalakbay sa
buhay ang wika. Ito’y walang partikular na anyo at hangganan.

Ang wika ay may mahalagang bahagi sa pagsulong ng kabihasnan sa


alinmang panig ng daigdig. Ang sariling wika natin, ang Filipino, ay isang matatag
na saligan ng ating bansa. Ito ay likas na kayamanan na kaagapay natin sa
pagsulong ng bayan. Isa itong malaking maringal na pag-asa para sa lahat ng
mga Filipino. Kakambal ito ng pag-unlad ng bansang may kalayaan. Nagsisilbing
sandatang pumupuksa sa kaaway. Gumigising sa kamalayan ng mga Filipino.

Ang wika ay natural gaya ng ating paghinga at paglakad. Kung walang wika,
walang paraan upang tayo’y makahakbang sa hinaharap. Ang wika’y lumalawak
at lumalaganap. Ito’y nalilinang ng pangangailangang panlipunan at bumabagay
sa pag-iiba ng kalagayang sosyal. Kasama natin ito sa mga ordinaryong bagay
na kakabit na ng ating pang araw-araw na buhay. Kasama natin ito sa pagbuo sa
ating reyalidad.

Hindi natin ito magagawang takasan dahil ito ay isang unibersal na


katotohanan. Alisin natin ang wika sa ating uniberso ngayon at makasisiguro tayo
na babalik tayo sa panahon ng kamangmangan. Kahit subukan pa nating silipin
at hukayin ang lahat ng sulok ng ating buhay ay tiyak na matatagpuan natin ang
bakas ng wika. Lahat ng mga nangyayari sa buhay na kamalayan ng tao ay tiyak
na may kinalaman ang wika dito. Kulang pa ang isang araw kung tutuusin para
masabi ko ang mga silbi ng wika. Tayo ay may kanya-kanyang hibla ng buhay na
kapagka hinabi sa isa ay mabubuo ang isang malaking katotohanan.
Magkakaiba man tayo, may komon na bagay na nag-uugnay sa atin. Ang ating
wika. Kahit ano pa man ay may wika na tayong maipagmamalaki. Ito ay ang
wikang Filipino na kasama natin noon, ngayon at bukas.

Sa lahat ng pagbangon, kung walang wika, ang landas na tatahakin ay


puros kabiguan.
Ang Wikang Filipino At Ang Paghabi Nito Sa
Kamalayan Ng Mga Filipino

Michelle Guiritan
1AB-BSE

You might also like