You are on page 1of 9

Jerome P.

Villanueva 2JRN3

Wika at Bansa : Kritisismo sa Diwa, Esensiya at Kabuluhan ng Wikang Pambansa na Mapaunlad at Mapalaya ang Bansang Pilipinas

Enero 28, 2014 G. Jonathan Vergara Geronimo

Ang hindi magmahal sa sariling wika ay masahol pa sa hayop at malansang isda. Jose Rizal

Lingid sa kaalaman ng nakararami, nagsulat si Rizal sa wikang katutubo noong umpisahan niya ang kanyang ikatlong nobela, ang Makamisa. Ngunit inamin ni Rizal kay Blumentritt sa kanyang sulat noong ika-31 ng Enero, taong 1892 na nahihirapan siyang ipagpatuloy ang kanyang ikatlong nobela sapagkat hindi niya maisalin ang kanyang mga ideya sa paraang malaya na hindi papasukan ng neolohismo at idinaing din niyang kulang siya sa praktika sa pagsulat ng Tagalog kung kayat nagpalit-koda si Rizal at bumalik siya sa wikang Espanyol upang ipagpatuloy ang manuskrito ng kanyang ikatlong nobelang na sa kalaunay hindi natapos. Sa ganang mga ito, ipinahayag ni Almario (2009) na naging malansang isda si Rizal ng subukan niyang balikan ang katutubong dila na nagpapatunay sa pag-iral ng problemang pangwika ng ilustrado noon at mga edukado ngayon na kapag wikang banyaga ang ginagamit at pinag-aaralan ay lumalansa ang dila, manapay pumupurol at maaaring mabaog. Sa ganang palagay, makikita natin na maging ang isa sa pinakamahusay na Pilipino ay nahihirapan sa wikang katutubo. Kung kayat sa kabilang dako, nak ita ni Rizal na dapat kilalanin at linangin ang wikang katutubo kalaunay mapagyayaman at magpag-iisa upang maging wikang pambansa na magbubunsod sa pagpapalaya hindi lamang ng bansa kundi pati na rin ng mga gumagagamit nito, ang mga Pilipino. Upang kilalanin at linangin ang pambansang wika, ang kritisismong ito ay magmumulat at magkikintal sa kamalayang maka-Pilipino na nagwawaksi at kontra-gahum sa imperyalistiko at mapanakop na mga ideyolohiya na isang paraan upang mapalaya at mapaunlad ang wika at ang bansa. Sa pamamagitan ng limang pananaw nina De Quiros (1996), Constantino (1996), Atienza (1998), Arao (2007) at Geronimo (2012) kaakibat ang mga pilosopiya at ideyolohiya nina Agoncillo (1981), Paz (1995), Almario (2009), Tolentino (2010) at Aonuevo (2013) ay bibigyang linaw natin ang ibat ibang pananaw sa wika, mga isyu at mga suliraning pangwikang kinakaharap ng kasalukuyang lipunan at ang mga ambag nito sa pagbubukas ng isipan at kamalayang makapagpababago sa pansariling pananaw, propesyon at kaakuhan. Ayon kay De Quiros (1996), ang wika ay pinakahulugan bilang kasangkapan sa komunikasyon at nagbibigay daan ng mga ideya ng mga tao sa partikular na lipunan. Sang-ayon naman dito ang naunang artikulong Komunikasyon, Wika at Pulitika sa Fortunato at Valdez (1995) na sinasabing pangunahing kodigo sa komunikasyon ang wika. Gayundin naman, nagtatalaban ang dalawang ideya na ang wika ay kapangyarihan sapagkat taglay ng wika ang mga salita na maaring instrumento sa pagbabago ng pananaw ng

kapwa sa realidad lalo na kung maayos itong magagamit. Ang wika ay pulitika, nagtatakda ng kapangyarihan ang pulitika, kinokontrol ng kapangyarihan kung paanong magsalita ang tao, at kung paano sila mauunawaan. (Fortunato & Valdez, 1995) Makikita ng higit ang sinasabing kapangyarihan ng wika sa paglalahad ni De Quiros (1996) ng kasaysayan ng Pilipinas na dumating ang mga mananakop tulad ng Espanyol na gumamit ng krus at espada at ipinagkait ang wikang Espanyol. Samantala, ang mga Amerikano ay nagturo ng wikang Ingles kung kayat naisalin sa balintataw ng mga Pilipino ang kolonyalismo na pangmatagalan na sa kasalukuyan ay ang tinatawag na neokolonyalismo at bentahe sa kanilang hindi nagpumiglas ang mga Pilipino sa halip ay niyakap ang kolonyalismo. Habang ang mga Hapon, ginamit naman nila ang Tagalog sa pakikidigma. Sang-ayon sa puntong ito si Constantino (1996) na ang Pilipinas ay ganap na sinakop at ang kakaibang kolonyal na danas ang nakapag-udyok sa pagtimo sa isipan ng imperyalistikong pananaw kabilang na riyan ang pantasya ng global competitiveness ng pambansang kaunlaran na binanggit ni Tolentino (2010). Ayon din kay De Quiros (1996), ang wika ay hindi laging nagdudulot ng komunikasyon dahil kung minsay nagdudulot ito ng kawalan ng pagkakaunawaan, pagkabuklod-buklod at pagkawatak-watak. Sinangayunan ito ni Geronimo (2012), aniya hindi ganap na mabuo ang kakanyahang Pilipino, ang diwang Pilipino, ang bansang Pilipinas bunga ng gerang internal na mauugat at nagpapalala sa pagkakabuklod-bukod at pagkakawatak-watak ng sambayanan na matagal nang pinaghihiwalay ng mga isyu ng etnisidad at identidad gayundin naman ang lingguwistikong dibersidad. Tinawag ni Paz (1995) ang kawalan ng unipikasyon bilang rihiyunalismo. Kung kayat nabuo ang isyu na ang Filipino bilang pambansang wika ay sinasasabing pinalawak lamang ito na Tagalog at dagdag pa ni Agoncillo (1981) na ang Filipino ay isa lamang pagkukubli sa Tagalog sa pamamagitan ng maskara na terminong Filipino. Sa ganang mga ito, mariin itong tinututulan ni Isagani Cruz sa kanyang artikulong Ano ang pagkakaiba ng Filipino sa Tagalog? sa Fortunato at Valdez (1995) na napakalaki aniya ang pagkakaiba ng dalawa sa pamamagitan ng kanyang paglalahad sa teoretikal na prinsipyo, pagbibigay ng mga halimbawa at pagkikintal sa kasaysayan ng Filipino. Tinutulan rin naman ni Paz (1995) na maskara ang Filipino sa kadahilanang ang Filipino ay linggwa frangka ng buong bansa kung saan ginagamit bunga ng mahigpit na panganagilangan na makapagkomunikeyt, dala ng boluntaryong interaksyon ng Pilipinong galing sa ibat ibang grupong etnolinggwistik. Ayon naman kay Constantino (1996), ang paggamit ng wikang banyaga ay di nagbubunga ng kaunlaran bagkus ang Ingles sa konteksto ng Pilipinas ay nakapigil sa pag-unlad ng karamihan sa mga Pilipino na di lubos nakauunawa rito ngunit napilitang mag-aral nito. Nauntol ang pag-unlad ng wikang pambansa bilang wikang panturo, wikang opisyal at wika ng negosyo. Sinag-ayunan ito nina De Quiros (1996), Arao (2007) at Geronimo (2012). Sinasabi ni De Quiros (1996) na maling akala na ang Ingles ang susi sa kaunlarang pang-ekonomiya gaya ng argumentong nagtaguyod sa Philippines 2000 gayundin naman ang polisiya ng Administrasyong Arroyo sa bisa ng Executive Order 210 na nabanggit nina Arao (2007) at Geronimo (2012). Binigyang halimbawa ni De Quiros (1996) ang kabalintunaang ito sa pagkukumpara sa maunlad na Thailand na pinagsisikapang ipreserba ang kanilang wika at sa paurong, naghihikahos at hindi maramdamang pag-unlad sa ekonomiya ng Pilipinas.

Sabi ni Constantino (1996), ang wika ay ang instrumento ng pag-iisip at ang behikulong nakapagpapaunlad ng pag-iisip. Ngunit tanong ni Arao (2007), papaanong makapagpapaunlad ang wika kung gayong ang wika ay nakadepende sa uring kinabibilangan: Filipino para sa masang pinagkaitan at Ingles para sa iilang nasa kapangyarihan. Hanggat nanatili ang mala-piramideng istruktura ng lipunan, mananatiling baog at bansot ang pag-iisip ng mga mamamayan. Kabilang na rin sa kabuhol na problema ng elitista at imperyalistikong pagtanaw ay ang edukasyong kolonyal, komersyal at maka-aristokrasya. Ang hegemonya ng iilan ay ginagamit upang mapawalang bisa ang dapat ay karapatang matuto at mabigyan ang isang indibidwal ng edukasyon, sa halip, nagiging pribilehiyo ito na nakakubli sa komersyalisasyon, kolonyalismo at elitismo. Dagdag pa riyan ang binanggit ni Constantino (1996) na mental technicians, semi-intelektuwal at miseducators ng lipunan kung saan ang mga mag-aaral ay tanggap lamang ng tanggap ng mga impormasyon ng hindi nagiisip at inuulit lamang nito ang naunang kaisipan sa halip na payabungin, suriin, magtaya at magluwal ng mga bagong kamalayang makapagpapaunlad at magsusulong ng maka-Pilipinong mga pagbabago. Kaya ngat idinagdag ni Constantino (1996) na ang paggamit ng sariling wika ay magbibigay kapangyarihan tungo sa layuning makabansa kung kayat ang wikang Filipinoy wikang mapagpalaya. Sa kabilang dako nilinaw ni Constantino (1996) na ang wika ay maaring magdulot ng ekploytasyon o pagsasamantala sa halip na magbunsod ng liberasyon o pagpapalaya gaya na lamang ng konseptong kolonyalismo, komersyalisasyon at elitismo. Tatlo naman ang pakahulugan ni Atienza (1998) sa wika na nakapaloob sa kanyang pag-aaral sa Kilusang Pambansa-Demokratiko (KPD). Ayon sa pag-aaral ni Atienza (1998) sa KPD, ang wika ay pambansa, siyentipiko at pangmasa. Una, ang wika ay pambansa sapagkat isa itong wikang katutubo at sa gayoy nagtataglay ng mga katangiang likas sa ating bansa, ibig sabihiy isa itong kasangkapan sa paglalahad ng ating pambansang kamalayan. Sa paggamit nitoy atin na ring iginigiit ang soberanya ng ating bansa, gayundin ang kasarinlan nito na nagtatakwil at kontra-gahum sa wikang dayuhan ng imperyalismong US na naglalayong pagsilbihan ang kanilang sariling interes sa halip na pagsilbihan ang bayan. (Atienza, 1998) Kung legalidad ang magsusuporta sa argumentong wika ay pambansa, nakasaad sa Konstitusyon ng 1987 na ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at iba ang wika. Ngunit sa kasalukuyan, hindi naman yumayabong sa matalinong diskurso ang Filipino nanatili ito sa mga hungkag na mga aliwan kung hindi naman umiiral sa kasalukuyan ang tabloidization ng midya na binaggit ni Arao (2007) na sa halip na itaas sa pedestal at rurok ng karunungan ay nagpababa sa wika bilang pang-tabloid na nagbibigay sensasyonal at walang kabuluhang mga impormasyon kontra-gahum sa hegemonya ng Ingles sa mga broadsheet. Ikalawa, ang wika ay siyentipiko sapagkat ito ay batay sa obhetibong katotohanan at obhetibong kalagayan, di tulad ng wikang ginagamit ng mga burgis at mga nagsasanggalang sa umiiral na kalagayan na binabaluktot ang wika upang itago sa nakararami ang mga katunayan. (Atienza, 1998) Sa madalit sabi, ang salita ay dapat may katiyakan at karakarakang maipapahayag ang nais isaad sa pamamagitan ng walang pasubaling pagamit ng naayon, obhetibo at siyentipikong pakikipagtalastasan. Kaugnay nito, sinabi ni

Agoncillo (1981) na tanging ang matandang Tagalog ang katanggap-tanggap at tiyak na wika sapagkat ito ang orihinal at nauna sa bisa ng pilosopiya ng mga unang mananagalog na sina Pedro Serrano Laktaw, Eusebio Dauz, Jose N. Sevilla, Sofronio G. Calderon, at maging si Lope K. Santos. Ang mga sinasabi ni Agoncillo (1981) na naghuhumindig na mga salitang gaya ng suportahan, groserya at kritisismo na may layuning ilihis sa orihinal na mga kahulugan at pinangatwiranan ni Agoncillo (1981) na marahil ang lohika sa mga wika ay bihirang gamitin, sapagkat ang wika ay likha ng hindi marurunong na nakapag-aral kundi likha ng mga masa at ordinaryong Piipinong gumagamit ng wika na nakapaloob sa bayang walang narating at unti-unting bumabagsak at nasisira mula sa katayugan at karurukan ng tagumpay nito noong dekada 50. Dagdag pa ni Agoncillo (1981) na may mas tiyak na maaring gamitin sa salitang kritisismo at ito ay ang ginagamit ng mga naunang mananagalog na pampanitikang pagsusuri. Dinepensahan naman ito ng isa sa naunang gumamit ng salitang kritisismo, si Almario (2009). Depensa ni Almario (2009), ang kritisismo ay paglikhang-wika o coinage dahil sa tawag ng pangangailangan. Masasabi natin na si Agoncillo (1981) ay nasa konserbatibong pagtanaw sa wika samantalang si Almario (2009) ay nasa daynamikong pagtanaw sa wika o wikang nagbabago kaakibat ng panahon, pangangailangan at pagkakataon. Ikatlo at panghuli, ang wika ay pangmasa sapagkat itoy wika ng malawak na masa ng sambayanan at naglilingkod sa kanila. (Atienza, 1998) Dagdag pa ng KPD, ang wikang pangmasa ay laban sa reaksyonaryong uri; ang wikang ito ay tunay na nagsasaad ng mga adhikain at mithiin ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino. (Atienza, 1998) Ngunit hindi lahat ng wika ay arbitraryo o tinatangap ng masa, may mga wikang hindi pinagkakasunduan tulad ng lenggwaheng pan-text, sosyolek na jejemon, bekimon, atbp. Ang mga ito ay bunga ng pagsasantabi sa mga partikular na grupo ng lipunan ngunit sa halip na silay diskriminahin ay maari pa nga silang papurihan dahil pinatutunayan lamang nila na ang wika ay malikhain bunsod ng pangangailangang magkaunawaan ang iilang miyembro ng lipunan. Ngunit sa kabilang dako, nagdudulot ito ng pagkakawatak-watak at paglihis sa arbitraryo, organisado at masistemang wikang pambansa. Ayon naman kay Arao (2007), maaring magamit ang wika bilang behikulo sa pagsulong at pag-atras ng pamamahayag, edukasyon at ekonomiya. Sumusulong ang wika sa ekonomiya kung ang bansang nagkakalakan ay nagkakaunawaan at hindi lamang ang maling pagtataya na ang Ingles ang opisyal na wika ng merkado na nagpapahina sa lokal na industriya. Gayundin naman sa edukasyon na isinasailalim sa pantasyang may direktang kaugnayan ang Ingles at pag-unlad ngunit sa katotohanan isa lamang pala itong utopia, perpektong pantasya at dystopia, pantasyang hindi natupad at patuloy na minumulto ng pangarap na Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) na walang katiyakan at walang paghahanda sa kabila ng pagbabase nito sa mga eksperimentasyon at saliksik. Sa pamamahayag, laganap ang ideyang tabloydismo na nagpapangit sa imahe ng dating marikit na peryodismo ngunit nagpupumilit itong umahon sa pamamagitan ng mga makabuluhang diskurso sa pamamagitan ng internet gaya ng pinoyweekly.org, pantikan.com, sawikaan.org, kwff.gov.ph, ibon.org, arkibongbayan.net at iba pang website na nagsusulong ngg pambansang kalinangan at intelektwalisadong paggamit ng wikang Filipino bilang midyum sa pamamahayag.

Naaninag naman ni Geronimo (2012) ang liwanag na hatid ng wika na ito ang pambuklod sa bayang pinaghihiwalay ng etnograpikong pagkakanya, rehiyunalismo, at linggwistikong dibersidad kaalinsabay ng mayaman nitong kultura. Ang pagbubuklod ay ang pagbabalik ng wikang nauunawaan ng sambayanan ang kapangyarihang nagmumulla sa kanila. (Geronimo, 2012) Ngunit ayon naman kay Paz (1995), ang tunay na unipikasyon ng lahat ng mamamayan sa pagkilos bilang isang bansa ay hindi pa ganong nagaganap sa Pilipinas. Sa palagay ni Paz (1995), masisiguro lang ang tunay na unipikasyon sa pamamagitan ng mga nasyunal na hangaring komon at awtentik, pangunahin dito ay ang pantay-pantay na kariwasaan ng lahat at maabot lamang ito kung pantay-pantay na ang mga oportunidad para sa lahat at napsakamay ng karamihan ang pagpapasya. Kung kayat mangyayari lamang ang mga demokratikong hangarin na ito kung may sapat na edukasyon ang lahat o ang karamihan man lamang sa mga mamamayan. (Paz, 1995) Ayon pa rin kay Geronimo (2012), ang aktibong paggamit ng mga lider sa wikang pambansa ay nagpapalakas sa pananalig at kompyansa ng sambayanan sa kanilang potensyal na maglingkod sa bayan sa pamamagitan ng pag-unawa sa pangangailangan ng kanyang nasasakupan at patuloy na pakikipagtalakayan sa kung paano mababago ang kanilang abang kalagayan. Halimbawa na riyan ang pagtatalumpati sa Filipino ng dalawang presidente gaya ni Pangulong Joseph Ejercito Estrada na nakilala sa linyang Huwag nyo akong subukan at sa Matuwid na Daan ng kasalukuyang Pangulo Benigno Simeon Noynoy Cojuangco Aquino. Sinang-ayunan naman ito ni Aonuevo (2013), ang pagtatalumpati ni Pangulong Aquino ay pinatutunayang muli ang posibilidad na magbigkis ang kapuluan sa pamamagitan ng wikang panlahat sa pagsisikap na kausapin ang sambayanan sa wika at diskursong mauunawaan ng lahat. Ayon pa rin kay Geronimo (2012), ang wika ay ang pambansang kaakuhan o identidad at ang susi sa pagpapalakas ng katutubong kultura. Ang wika ay makatutugon sa reoryentasyon at rekonstruksyon ng kamalayang pambansa tungo sa ganap na kalayaan sa kultura, edukasyon, pulitika at ekonomiya at isinasantabi ang dominyo at kontrol ng mga dayuhang kapitalistang nagkukubli sa globalisasyon na tanging hatid ay imperyalismo at nagpapakupas sa kaakuhan ng bansa. Nabanggit ni Geronimo (2012) ang sosyolohistang si Fishman na nagsasabing ang wika ay isang component ng nasyonalismoat ang katutubong wika ay isang aspekto ng kaluluwa o esensiya ng nasyonalidad. Ang pagtangan sa ideolohiya ng nasyonalismo lalo sa yugtong ito ng postkolonyalismo o untiunting pag-ahon ng kamalayang pambansa sa kumunoy ng daantaong kolonyalisasyon ay kailangang palakasin at pagtibayin, gamit ang wikang Filipino salig sa prinsipyong makabayan bilang pagsasabuhay nito. Sa pagtalakay natin ng mga varyasyon ng mga perspektibo ukol sa wika, mababanaag natin ang kahalagan ng wika sa lipunan maging ito ay sa sektor ng pulitika, kultura at sosyo-ekonomiko. Hayaan naman nating himay-himayin ang mga isyu at suliraning pangwika at panlipunan sa paraang pampulitika, pangkultura at pangsosyo-ekonomiko. Ang kaligirang pampulitika ng mga isyu at suliraning bumabalot sa wika at lipunan ay masasalamin sa pamamagitan ng paglalakbay ng Filipino sa kasaysayan ng Pilipinas. Hinati ni Geronimo (2012) sa tatlong yugto ang kasaysayan at metamorposis ng wikang Filipino. Sa unang yugto, taong 1935 hanggang 1972,

sumibol at nagbinhi ang wikang pambansa sa pagsasatitik ng Konstitusyon ng Komonwelt ng 1935. Naitatag din sa panahong ito ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP). Upang mapalakas ang naghihina at sanggol na wikang pambansa ay nagkaroon ang SWP ng kultibasyon at intelektuwalisasyon ng wika kaakibat ng popularisasyon ng wikang pambansa na nagdulot ng malayang paggamit ng wika sa controlling domain nito. Sa ikalawang yugto, taong 1973 hanggang 1986, bumalikwas ang bayang lumalakas at binagtas ang hakbang-hakbang na De-Amerikanisasyon. Ngunit sa panahong ito walang nagawang hakbang ang mga mambabatas upang kilalanin ang wikang Filipino. Kung kayat kumilos ang ibang sangay ng gobyerno sa direktang pagpapatupad tulad ng Patakarang Edukasyong Billinguwal. Sa kabilang palad, dulot ng pagkamulat, nagkaroon ng kabi-kabilang protesta laban sa mga repormang mapang-api at pansarilin interes na nagpapawalang bahala sa maka-Pilipino at malayang interes ng nakararami. Sa ikatlong yugto, taong 1987 hanggang sa kasalukuyan, umahon, nakipagtunggali at naisulong ang wikang Filipino. Isinupling ng Rebolusyon sa EDSA, ang Konstitusyong 1987 na malinaw na naglalahad ng wikang pambansa ng Pilipinas at mga seksyong sumusuporta sa saligang batas na magpahanggang sa ngayon ay patuloy na umiiral at namamayagpag. Kung kayat humina ang gahum ng Ingles at ang dating SWP ay naging Komisyon ng Wikang Filipino (KWF). Nagkaroon ng mga Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino na nabanggit rin ni Aonuevo (2013). Ipinagtibay rin ang Mother Tongue-Based Multilingual Education na naglalayong turuan sa mga unang taon ng pag-aaral sa midyum ng kanilang kinamulatang wika ngunit agad-agad itong ipagpapalit-koda sa Filipino at Ingles. Sa aking palagay mas makabubuti na huwag itong tanggalin agad sa edukasyon pag dating ng mas mataas na antas sa halip ay ipagpatuloy ito hanggang sa mataas na paaralan upang ito ay maiangat sa pedestal ng pananaliksik at pagtuklas sa potensyal ng mga etnograpikong wikain at linggwistikong dibersidad. Ngunit dumating ang panahon ng kadiliman para sa wikang Filipino noong ipasa at ipinalaganap ang Executive Order 210 ng Administrasyong Arroyo na may prinsipyong anti-mamamayan at anti-makabayan na magpapalakas sa ekonomiya gamit ang Ingles na isang maling nosyon. Ngunit sa kasalukuyan, isinusulong naman ang Matuwid na Daan sa kasalukuyang Administrasyong Aquino sa bisa na wikang Filipino na may malawak na potensyal ng pagpapalaya at pag-unlad. Ngunit sa panahon rin ito, umakyat sa kontrobersya ang pinuno ng KWF na si Virgilio Almario matapos ihayag at ikintal sa lipunan ang paggamit sa salitang Filipinas bilang pampalit sa salitang Pilipinas. May mga ilang kritiko at pilosopo ang naagbigay ng kani-kanilang mga argumento na kung magkagayon ang Unibersidad ng Pilipinas o UP ay magiging Unibersidad ng Filipinas o UF o UFi, at marami pang kakatwang mga pagpapalit. Sa ganitong diskurso, babalik tayo sa pangunahing ugat nito, sino nga ba ang nagdidikta ng wika, ang akademya o ang masa? Sa aking palagay ay masa ang siyang nagpaptakbo at lumilikha kung ano ang arbitraryo o katanggap-tanggap sa lipunan maging ang varyasyong indiginized na Chavacano na datiy pingin o hindi katanngap-tanggap dahil sa hindi wastong proto-type ng wikang Espanyol ngunit naging creole o katanggap-tanggap sa paglipas ng panahon. Isa pa, umuusbong din sa pulitikal na diskusyon ang walang kamatayang debate na kung ang Filipino ay pinalawak na Tagalog at ang terminong Filipino ay paraan upang ikubli ang namamayaning wika. Sinasabi rin na kaya tinutulan na gamitin ang Tagalog ay may implikasyon itong magbibigay kapangyarihan sa Tagalog at makapagpapahina sa iba pang wika tulad ng Bisaya, Ilokano, Sugbanon, atbp. Isang maling nosyon na kapag pinalakas ang wika ay pinahihina ang ikalawang wika. Ito ang pinagdikdikan ni De Quiros (1996) na

fallacy ang kaisipang hihina ang Ingles, kung palakasin ang Filipino. Gayundin naman sa wikang Tagalog na maaring sabihing isang malaking bahagi ng wikang Filipino. Matatandaang nabanggit na ang Filipino ay lingua franca o masasabing saan mang dako ng Pilipinas ay maiintindihan ito maging anong etnograpikong klasipikasyon man sa tulong na rin ng midya gaya ng radio, telebisyon at internet. Sa aspektong kultural, ang mga isyung bumabalot rito ay maiiugat sa mga pantasya, pangako at maling ideyolohiyang pinapalaganap ng napakalawak at pluralistikong kultura. Sa pamumulaklak lamang at popularisasyon ng Kalinangang Bayan nabanggit nina Arao (2007) at Geronimo (2012) ang larangan ng pamamahayag maging ito man ay broadcast o print. Napakalaking suliraning panlipunan kung nagsusungalngalan ang tabloydisasyon at ang makabuluhang pamamayahag. Sa panlibangang sektor naman na riyan ang telebisyon at pulitika na nagtatampok sa dalawang mukha ng aliw: isang aliw ng kaluluwa o yung masining at intelekwalisadong palabas na nagbibigay pokus sa historical at realidad at ang aliw ng katawan at pakiramdam o yung hungkag na palabas na nagbibigay pokus sa katatawanan, pantasya at sex. Sa sektor ng panitikan, nawawalan ng orihinalidad ang ating mga nobela, tula, maikling kwento at maging ang mga awit dahil sa kolonyalismo at kanluraning mga kaisipan sa halip na pagyamanin ang kulturang maka-Pilipino at gamitin lamang ang Kanluraning akda upang makalikha ng mga naunang konsepto at makapagluwal ng sariling bersyon at konseptong mas mahusay sa nauna. Ganun din ang Bagong Midya, naging suliranin ang social media sa pagpapalaganap sa maling gamit ng wika gayundin ang ibat ibang varyasyong nakapagpapalito sa pormal at matalinong diskusyon at nakapokus lamang ang mga ito sa aesthetic at madekorasyong pagbaybay at tuluyang nababaon sa kumunoy ang diwa ng nasyonalisasyon. Kung sosyo-ekonomikal na pagtataya naman ang pag-uusapan, ang lipunang Pilipino ay nakabase sa aristokratiko, mala-piramide, elitista, kolonyal, imperyalista at komersyal na istruktura ng lipunan. Ang lipunan ay iilan lamang ang mga nasa kapangyarihan at nagkakamal ng yaman sa pamamagitan ng monopolyo at pagdidikta ng mga kapitalistang dayuhan at mga imperyalista. Samantalang, nagkakatibag ang nagugutom, ang mga taga-labas o laging etse-pwera sa lipunan o mas kilala bilang masa. Ang suliraning bumabalot sa lipunan o sa sosyolohikong Pilipino ay direkang nakakaapekto sa ekonomiya ng Pilipinas sapagkat ang tao ang bumuo sa mga agrikultura, industriya at serbisyong mga sektor ng ekonomiks. Nawalan ng pokus ang bansa na tayo ay mayamang bansa pagdating sa agrikultura gayundin naman sa pangingisda at napokus sa imperyalistikong mga call center agencies na nagbibigay pantasya na malaki ang kita habang inaalipin ang kanilang katawan at kaluluwa sa trabahong dapat sana kanilang kinaliligaya. Sabi ngay, kung magtratrabaho ka ay nararapat na siguraduhing masaya ka sa ginagawa mo at isama na rin ang pag-unlad hindi lamang ng sarili kundi pati na rin ng bansa. Batay kina De Quiros (1996), Constantino (1996), Atienza (1998), Arao (2007) at Geronimo (2012), mapapalaya at mapapaunlad ng pambansang wika ng lipunang Pilipino kung pagyayamanin natin ang wikang Filipino. Ngunit paano ito makakamtan? Magkaroon ng intelektwalisasyon ng wikang Filipino at maglunsad ng tradisyong intelektuwal sa bansa na may kakayahang maisalin ang kamalayan at kasaysayan sa sumunod na henerasyon upang makabuo ng intelektwal na Pilipinong may kakayahang magsuri, maagtaya at makaunawa sa lipunan bilang isang kabuuang ugnay-ugnay, may kakayahang makapagbigay ng kahulugan at

interpretasyon sa isang tiyak na pananaw, may kakayahang makalikha at magpuna at makapagbigay ng bagong haka-haka at limitasyon, may kakayahang magluwal ng bagong kamalayan, kaayusan at ambag mula sa lumang mga ideyolohiya at may layuning maka-Pilipino na mapagpalaya at maunlad. Kung kayat anng mga teoryang natutunan sa akademya ay naisasa-praktika ng estudyanten radikal upang ang mga natamo sa paaralan ay maitawid sa lipunan. Isa pa ay iwaksi ang mga depekto ng edukasyon tulad ng kolonyalismo, komersyalismo at elitismo. Ngunit akoy nangangaba sa kung anong klaseng edukasyon ang maipapalaganap kung ang mga elementong sinasabing depekto ay mawala. Makaapekto ba ito sa kalidad ng edukasyon? Ngunit sa kabilang dako, maisasakatuparan naman ang karapatang mag-aral at matamo ng edukasyon kontra-gahum sa pribelhiyo ang pag-aaral at nagiging status symbol at kasiguraduhan ng antas sa lipunan o pagpapanatili ng status quo. Isa pang punto tama namang maglayon ang limang akda ng pagkakapantay-pantay ngunit kung ito lamang ay magbubunsod sa marahas na Marksismo at Komunismo na gaya ng Tsina ay maapektuhan naman ng pagkakapantay-pantay ang karapatang maging malaya. Ito ay parang domino effect na wawasak sa adhikaing mapaunlad at mapalaya ang bansa. Kung kayat isang tanong ang lumiligid-ligid na tama ba na may herarkiya ang lipunan o dapat itong maging pantay at lantay na lipunan? Ang parehong istrukura ay may bentahe at depekto ngunit nararapat pa na suriin ang mga ito upang mas lalong magkaroon ng tiyak na daan tungo sa Pilipinisasyon at nasyonalisasyon. Iminungkahi rin ni Geronimo (2012) na magkaroon ng liberasyong ekonomiko kung saan magtatayo ng mga industriya, magkakaroon ng modernisasyon sa agrikultura, magsusulong sa makabayang reporma at pagtaboy sa kapitalistang globalisasyon upang mapalad ang pamilihan, mapasigla ang agrikutra, magluwal ng kapital at magsulong ng industriyalisasyon. Samantalang iminungkahi naman ni Atienza (1998) ang demokratikong sentralismo upang mapalakas ang pulitikal na sistema ng bansa. Ngunit kung ating susuriin, ano nga ba ang nararapat na sistema ng pulitika sa ating bansa gayong ang nabubulok na gobyerno ay hitik pa rin sa korupsyon, atbp. Masasabing walang perpektong sistema. Ang Pilipino ay may mentalidad na ang gobyerno ay ang kanilang tanging pag-asa. Nakalimutan nilang tignan ang repleksyon ng ating mga sarili sa salamin na walang ibang tutulong sa Pilipino at sa Pilipinas kundi ang bawat isa sa lipunan, hindi ito ang gobyerno kung hindi tayong lahat na mga Pilipino. Kaya tunay ngang sa ating mga sarili magsisimula ang pagbabago maging paunlad o paurong. Napahapyawan din na dapat isantabi na rin ang paagiging sentimental at emosyonal ng mga Pilipino na nagpapahamak sa atin. Nararapat na matutong timbangin ang bawat detalye at bumuo ng makabansa at makataong pagpapasya para sa ikauunlad hindi lamang ng sarili kundi ng buong nasyon. Pagsikapan rin sana natin na payabungin ang wika sa intelektwal na diskusyon. Sa pamamagitan ng limang artikulo kaakibat ang marami pang sanggunian, napalawak nito ang kaalaman ko sa wika at ang kaligiran, epekto, kahalagahan at implikasyoon nito sa isang tao, sa lipunan at sa buong bansa maging sa buong mundo. Bilang umuusbong na journalist, napatunayang ang mga akda ay may kakayahang makapagmulat ng isipan at mailihis ang mga kala nating totoo ngunit naikukubli pala sa pantasya sa ating

pang-araw araw na danas. Kung kayat, pagsisikapan kong isaisip at isagawa ang mga aral at solusyon gayundin ang kasaysayan ng wika upang sa aking pagsusulat ay magkaroon ako ng kakayang makapagmulat ng isipan. Maaring isa ng halimbawa ang ginawang kritisismo na ito na ipalaganap sa paraan ng blog, social media, scribd at iba pa a magagamit sa popularisasyon ng pababaw at ideya sa kabuluhan at realidad ng wikang pambansa sa perspektibo ng ibat ibang may-akda sa ibat ibang panahon at salig ng pulitika, kultura at sosyo-ekonomikong pagsipat nito. Naway magsilbing hamon ang kritisismong ito na sanay makapagbukas pa ng maraming isipan ng mga Pilipino na may adhikaing mapalaya at mapaunlad ang wika at ang bansa. MGA SANGGUNIAN Agoncillo, T. (1981). Ang wikang pambansa sa pag-unlad ng lipunang pilipino. In Bernardita Reyes Churchil (Eds.), History and culture, language and literature: Selected essays of teodoro a. agoncillo (pp.208 -217). Manila: UST Publishing House. Almario, V. (2009). Filipino ng mga filipino: Mga problema sa ispeling, retorika at pagpapayaman ng wikang pambansa. Pasig City: Anvil Publishing, Inc. Aonuevo, R. (2013). Filipino sa dominyo ng kapangyarihan. Manila: UST Publishing House. Arao, D. (2007, Agosto 2). Pamamahayag, ekonomiya at wika. Pinoy Weekly. Retrieved from http://risingsun. dannyarao.com/2007/08/10/pamamahayag-ekonomiya-at-wika/ Atienza, M. (1998). Filipino ng kilusang pambansa-demokratiko (KPD) pilosopiya at pulitika sa pambansang wika. Philippine Social Sciences Review. Constantino, R. (1996). Intelektewalismo at wika. In Constantino, P.C., & Atienza M. (Eds.) Mga piling diskurso sa wika at lipunan (pp. 47-52). Quezon City: University of the Philippines Press. De Quiros, C. (1996). Ang Kapangyarihan ng wika, ang wika ng kapangyarihan. Daluyan. Fortunato, T.F., & Valdez, M.S. (Eds.) (1995). Pulitika ng wika. Manila: De La Salle University Press, Inc. Geronimo, J. V. (2012). Nasyonalisasyon ng Kultura, Puliyiko at Ekonomya: Ang paglalakbay ng wikang Filipino at bansang pilipinas tungo sa paglinang ng adhikaing pilipinismo at pagpapalaya. Retrieved from http://www.scribd.com/doc/105206490/Gawad-KWF-Sa-Sanaysay-2012 Paz, C. (1995). Ang wikang Filipino: Atin ito. Quezon City: Unibersidad ng Pilipinas-Sistema Tolentino, R. (2010). Gitnang uri ng fantasya at materyal na kahirapan sa neoliberaalismo: Politikal at kristismo ng kulturang popular. Manila: UST Publishing House.

You might also like