You are on page 1of 3

Madulang Pagsasalaysay

Ang maikling kuwento - binaybay ding maikling kwento - ay isang maigsing


salaysay hinggil sa isang mahalagang pangyayaring kinasasangkutan ng isa o ilang
tauhan at may iisang kakintalan o impresyon lamang. Isa itong masining na anyo ng
panitikan. Tulad ng nobela at dula, isa rin itong paggagad ng realidad, kung
ginagagad ang isang momento lamang o iyong isang madulang pangyayaring
naganap sa buhay ng pangunahing tauhan. Si Edgar Allan Poe ang tinuturing na
"Ama ng Maikling Kuwento."

Layunin
Bilang anyo ng panitikan, may layunin itong magsalaysay ng isang maselan at nangingibabaw na
pangyayari sa buhay sa pangunahing tauhan, at nag-iiwan ng isang kakintalan sa isip ng mga
mambabasa. Isa pa rin sa mga pangunahing layunin nito ang manlibang.
Kayarian
Bilang isang akdang pampanitikan, maaaring magsalaysay ng tuluy-tuloy ang maikling kwento
ng isang pangyayaring hango sa tunay na buhay; may isa o ilang tauhan lamang, sumasaklaw ng
maikling panahon, may isang kasukdulan, at nag-iiwan ng kakintalan o impresyon sa isip ng
mambabasa.
Mga bahagi
Ang kasukdulan ang bahagi ng maikling kwentong nagbibigay ng pinakamasidhi o
pinakamataas na kapananabikan o interes sa mambabasa. Ang kakintalan o impresyon naman
ang kaisipang naiiwan sa isipan ng mga mambabasa. Matatapos basahin ang maikling kwento sa
isang upuan lamang. Maaari itong magpakita ng iba't ibang damdamin at bumabase sa buhay-
buhay ng isang tao. Bagaman mayroon namang kathang isip lamang. Umiinog ang maikling
kwento sa mga pangyayari tungkol sa buhay ng mga pangunahing tauhan.
Mga uri
May siyam na uri ng maikling kuwento:
• Sa kwento ng tauhan inilalarawan ang mga pangyayaring pangkaugalian ng mga
tauhang nagsisiganap upang mabigyan ng kabuuan ang pag-unawa sa kanila ng isang
mambabasa.
• Sa kwento ng katutubong kulay binibigyang-diin ang kapaligiran at mga pananamit ng
mga tauhan, ang uri ng pamumuhay, at hanapbuhay ng mga tao sa nasabing pook.
• Sa'kwentong bayan nilalahad an mga kwentong pinag-uusapan sa kasalukuyan ng buong
bayan.
• Sa kwento ng kababalaghan pinag-uusapan ang mga salaysaying hindi kapanipaniwala.
• Naglalaman ang kwento ng katatakutan ng mga pangyayaring kasindak-sindak.
• Sa kwento ng madulang pangyayari binibigyang diin ang kapanapanabik at
mahahalagang pangyayari na nakapagpapaiba o nakapagbago sa tauhan.
• Sa kwento ng sikolohiko ipinadarama sa mga mambabasa ang damdamin ng isang tao sa
harap ng isang pangyayari at kalagayan. Ito ang uri ng maikling kwentong bihirang isulat
sapagkat may kahirapan ang paglalarawan ng kaisipan.
• Sa kwento ng pakikipagsapalaran, nasa balangkas ng pangyayari ang interes ng
kwento.
• Nagbibigay-aliw at nagpapasaya naman sa mambabasa ang kwento ng katatawanan.

Tema
Mayroon mga pagkakaiba ang tema sa mensahe ng isang maikling kuwento. Ang tema ang
pangkalahatang kaisipang nais palutangin ng may-akda sa isang maikling kwento. At ang
kaisipang ito ang binibigyan ng layang maikintal sa isipang ng mga mambabasa. Maaaring
maging mga sumusuno ang tema: palagay sa mga naganap na pangyayari sa lipunan,
obserbasyon ng may-akda tungkol sa pag-uugali ng tao, paniniwala sa isang katotohanan o
pilosopiyang tinatanggap ng tao sa buong daigdig sa lahat ng panahon, o ang dahilan ng
pagkakasulat ng may-akda. Ang mensahe naman ang tuwirang pangangaral o pagsesermon ng
manunulat sa mambabasa.
Mga elemento
Ito ang mga bahagi at ng sangkap ng isang maikling kuwento:
Simula
Kabilang sa simula ang mga tauhan, tagpuan, at suliranin. Sa mga tauhan nalalaman kung sinu-
sino ang magsisiganap sa kuwento at kung ano ang papel na gaganapan ng bawat isa. Maaaring
bida, kontrabida o suportang tauhan. Sa tagpuan nakasaad ang lugar na pinangyayarihan ng mga
aksyon o mga insidente, gayundin ang panahon kung kailan naganap ang kuwento. At ang bahagi
ng suliranin ang siyang kababasahan ng problemang haharapin ng pangunahing tauhan.
Gitna
Binubuo ang gitna ng saglit na kasiglahan, tunggalian, at kasukdulan. Ang saglit na kasiglahan
ang naglalahad ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang masasangkot sa suliranin. Ang
tunggalian naman ang bahaging kababasahan ng pakikitunggali o pakikipagsapalaran ng
pangunahing tauhan laban sa mga suliraning kakaharapin, na minsan ay sa sarili, sa kapwa, o sa
kalikasan. Samantalang, ang kasukdulan ang pinakamadulang bahagi kung saan makakamtan ng
pangunahing tauhan ang katuparan o kasawian ng kanyang ipinaglalaban.
Wakas
Binubuo ang wakas ng kakalasan at katapusan. Ang kakalasan ang bahaging nagpapakita ng
unti-unting pagbaba ng takbo ng kuwento mula sa maigting na pangyayari sa kasukdulan. At ang
katapusan ang bahaging kababasahan ng magiging resolusyon ng kuwento. Maaring masaya o
malungkot, pagkatalo o pagkapanalo.
Gayunpaman, may mga kuwento na hindi laging winawakasan sa pamamagitan ng dalawang
huling nabanggit na mga sangkap. Kung minsan, hinahayaan ng may-akda na mabitin ang wakas
ng kuwento para bayaang ang mambabasa ang humatol o magpasya kung ano, sa palagay nito,
ang maaring kahinatnan ng kuwento.

You might also like